31.3 C
Manila
Huwebes, Nobyembre 21, 2024

Kaganapan sa pagdinig sa Kongreso ukol sa OVP, DepEd confidential funds

- Advertisement -
- Advertisement -

IPINAGPATULOY ng House Committee on Good Government and Public Accountability ang imbestigasyon nito sa paggamit ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) sa ilalim ng pamumuno ni Bise Presidente Sara Duterte.

Ayon sa artikulo sa photo journal ng congress.gov.ph, layunin ng imbestigasyon na pinamumunuan ni Manila Representative Joel Chua na linawin ang mga tanong hinggil sa umano’y hindi tamang paggamit ng pondo at kawalan ng malinaw na paliwanag ukol sa mga pinagkagastusan nito.

Isinagawa ang pagdinig na ito kasunod ng budget hearing para sa OVP nitong nakaraang Setyembre kung saan kinuwestyon ng ilang kongresista ang mga paggasta ng OVP at ng DepEd kung saan kalihim si Duterte..

Masusing sinusuri ng imbestigasyon ng House Committee on Good Government and Public Accountability ang pinuntahan ng confidential funds ng OVP at DepEd.


158 acknowledgment receipts na ‘bogus’

Mukhang “bogus” ang acknowledgment receipts (AR) na isinumite ng OVP para iliquidate ang mga nagastos nitong pondo, ayon kay 1-Rider Partylist Representative Ramon Rodrigo “Rodge” Gutierrez, na isa sa mga nagtanong kay Atty Gloria Camora, ang team leader ng unit ng COA na nag-audit sa confidential funds ng OVP sa pagdinig nitong Nobyembre 5.

Ayon kay Gutierrez, may “disconnect” dahil may petsang Disyembre 28, 2023 ang mga AR na isinumite samantalang ito ay para sa 4th quarter ng 2022.

Pinatotohanan naman ito ni Atty. Camora kung saan sinabi niyang nasa notice of suspension ng COA ito kung saan sinasabing may petsa ngang Disyembre 2023 ang mga AR at ang ilan naman ay walang petsa.

- Advertisement -

Ayon kay Gutierrez, may 158 ARs ang may typographical error na isinumite noong 2023 para sa nagastos noong 2022.

“This should be different people signing for different expenses. For 158 people committing the same mistake?” ani Gutierrez.

Binasa ni Camora ang sagot ng tanggapan ni Duterte para dito kung saan idinahilan umano na nagka-typographical error dahil sa “lack of attention to detail” ng mga kawani na tumatanggap ng maraming volume ng papel bilang proof of transactions.

Duda si Gutierrez dito. Aniya, maaaring nangyari ito dahil sa pagmamadali na maka-comply sa COA.

Iminungkahi niya na ikonsidera na gumawa ng batas upang higpitan ang requirements at bigyan ng mas matinding parusa sa mabibigyan ng notice of disallowance ng COA.

Hindi napunta sa tama ang pondo

- Advertisement -

Pinuna ni Representative Romeo Acop ng Antipolo City ang paraan ng liquidation. Sinabi ni Acop na nagpapakita ang pagkakamali sa pagliliquidate ng pondong ginamit ng posibilidad na ibinulsa ang pondo o ginamit sa ibang bagay.

Ayon kay Acop pinapalabas na legal ang paggasta sa pamamagitan ng pagsusumite ng maling documentary evidence of payments (DEPs) o acknowledgment receipts (ARs).

“But as it is, ‘yong liquidation instruments ay mali-mali po. Kaya sigurado ako hindi po napunta sa tama ‘yong pondo. There are only two things na pinuntahan ng pondo, nagamit sa iba or ibinulsa,” aniya.

Samantala, itinuon naman ni Representative Mikaela Angela Suansing ng Nueva Ecija sa regular na pondo ng OVP ang kaniyang tinalakay kung saan ipinakita niya ang malaking pagtaas sa gastusin ng OVP batay sa General Appropriations Act ng 2023 at 2024.

Pinansin ni Suansing ang malaking alokasyon para sa “Other Professional Services” noong 2023 na malaki ng itinaas kumpara noong 2021 at 2022.

Ayon sa Audit Team Leader ng Commission on Audit (COA) na si Fahad Bin Abdulmalik Tomawis P62 milyon lamang ang aktwal na nagastos sa P194 milyon budget noong 2023 para sa professional services.

Gayundin, nagkaroon ng malaking pagtaas sa halaga ng “supplies and materials expenses” na siyang pinagkunan ng pondo para sa relief operations at school supplies na ipinamamahagi ng OVP at ng mga satellite offices nito, ayon kay Tomawis.

Magakagyunman, inilahad din niyang nagbigay sila ng Audit Observation Memorandum kaugnay ng mga nakitang deficiency sa distribusyon ng welfare goods at sa Pagbabago Campaign program.

Magkano ba?

Kinukwestyon ng komite kung saan napunta ang kabuuang alokasyon na P612.5 milyong confidential funds, kung saan P 500 milyon ang inilaan para sa OVP at P 112.5 milyon naman sa DepEd.

Sa loob ng 11 araw noong Disyembre 2022, gumastos ang OVP ng P 125 milyon o humigit-kumulang P11.364 milyon bawat araw. Sa halagang ito, flagged ng COA ang P 73.3 milyon dito na nakitaan ng iregularidad.

Kinuwestiyon ni Representative Chua ang P16 milyon na ginastos umano ng OVP para sa 34 na safe houses sa loob lamang ng 11 araw noong 2022. Umabot sa P1 milyon para sa apat na araw na pamamalagi ang ginastos ng OVP para sa isa sa mga safehouses na ito.

Nang sumunod na taon, muling naglaan ng tig P16 milyon ang OVP para sa safe houses sa unang dalawang quarters ng 2023 at PHP5 milyon noong third quarter.

Sa DepEd naman, pinagtuunan ng komite ang umano’y PHP 15 milyon na ginastos ng kagawaran para sa Youth Leadership Summits at mga kampanya laban sa ekstremismo na sinabing na-sertipikahan ng Philippine Army.

Sa pagdinig ng Kongreso noong Oktubre, sinabi ng mga opisyal ng Philippine Army na hindi sila magbibigay ng certification sa DepEd kung nalaman nilang gagamitin ito para bigyang katwiran ang nagastos na pondo para sa YLS.

Binoykot ang pagdinig

Sa pagdinig nitong Nobyembre 5, walang taga OVP na dumating kung kaya naglabas muli ng subpoena ang komite para dumalo sila sa susunod na hearing.

“I just hope that they realize that the committee is providing them an ample due process and avenue for them to be able to refute, to belie the findings that we have established already. But they prefer not attending the hearing rather than giving their due explanation to all the issues which have been raised already,” pahayag ni Batangas Rep. Gerville Luistro.

Pinansin din ni Luistro ang naging pahayag ni VP Duterte sa isang press conference kung saan sinabi nyang magbibigay ang DepEd ng confidential information sa military at local government units kaugnay ng national security.

“Hindi po ba baliktad ito Mr. Chair? Because it is indeed the mandate of the AFP to promote and secure the national security and interest of our country,” ani Luistro.

Binigyang-diin ni Luistro na P4.05  milyon ang kabuuang nagastos para sa counter-insurgency program samantalang P15.540 milyon ang pondo para rito na katumbas ng P10.490 milyong nawawalang pondo.

Hindi rin aniya tugma ang lokasyon ng Youth Leadership Summit (YLS) at Information Education Campaign (IEC) sa pondong inilaan para sa mga ito.

“In conclusion, i wish to believe that the cf of the DepEd was not properly recorded at its best or misspent or misappropriated at its worst,” ani Luistro.

Dagdag pa niya mayroong “prima facie case for malversation and breach of public trust” dahil sa nawawalang confidential funds.

May pa-allowance sa chief accountant

Dumating sa pagdinig si DepEd Chief Accountant Rhunna Catalan kung saan sinabi niyang nakatanggap siya ng allowance na nagkakahalaga ng PHP 225,000 sa loob ng siyam na buwan noong 2023 mula kay Assistant Secretary Sunshine Fajarda.

Dagdag pa niya, si Edward Fajarda, asawa ni Asec. Fajarda at isang special disbursing officer, ang nag-withdraw ng P 112.5 milyon mula sa confidential funds at humiling sa kanya na pirmahan ang mga liquidation vouchers.

Dahil dito, ipapatawag ng komite ang mag-asawang Fajarda sa susunod na pagdinig.

Nasa lookout bulletin

Samantala, inilagay naman ni Justice  Secretary Jesus Crispin Remulla nitong Nobyembre 6 sa immigration lookout bulletin (ILBO) ang anim na opisyal ng OVP at isang dating opisyal ng DepEd.

Kinabibilangan nina OVP chief of staff Zuleika Lopez, assistant chief of staff and bids and awards committee chairman Lemuel Ortonio, administrative and financial services director Rosalynne Sanchez, special disbursing officers Gina Acosta, Edward Fajarda,  chief accountant Julieta Villadelrey at dating DepEd assistant secretary Sunshine Charry Fajarda ang nasa ILBO.

Sa bisa ng ILBO, inaatasan ang immigration officers na alertuhan ang awtoridad kung magtatangka ang mga nakalista dito na umalis ng bansa pero hindi nito pinipigilan ang kanilang pag-alis.

Ipinatawag sila ng House committee on good government and public accountability na dumirinig sa umano’y maling paggamit ng pondo  ng OVP at DepEd sa ilalim ng pamumuno ni Bise Presidente Sara Duterte subalit hindi sila dumalo rito.

Napag-alaman na umalis ng bansa si Lopez na ayon sa OVP, may personal na lakad ito kaya siya nagtungo sa Amerika.

Tuloy ang pagdinig

Sa kabila ng hindi pagdalo ng mga opisyal ng OVP at DepEd, ipinahayag ng komite na ipagpapatuloy nito ang imbestigasyon.

Binigyang-diin ni Representative Chua ang halaga ng P 612.5 milyong confidential funds ng OVP at DepEd na nangangailangan ng konkretong sagot sa kung saan napunta ito dahil nakataya dito ang tiwala ng publiko at upang masiguro ang accountability sa mga gastusin ng pamahalaan.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -