25.8 C
Manila
Huwebes, Nobyembre 7, 2024

Implikasyon ng pagbaba ng presyo ng palitan sa kalakalan

- Advertisement -
- Advertisement -

ISA sa mga pangamba ng mga papapaunlad na bansa noong dekada 1950 at 1960 sa pakikilahok sa kalakalang internasyonal ay ang pagbababa ng presyo ng palitan sa kalakalan o terms of trade. May mga pagsusuring naghahayag na ang uri ng produktong iniluluwas ng mga papaunlad na bansa ay humaharap sa panganib ng pagbaba ng presyo kung ihahambing sa presyo ng mga produktong industriyal ng mga mauunlad na bansa. Sa sanaysay na ito ay susuriin natin ang mga epekto ng pagbaba ng presyo ng palitan sa kalakalan sa pambansang kita at kagalingang panlipunan ng mga bansa.

Ang terms of trade ay isang bilang na naghahayag ng relatibong presyo ng mga produktong iniluluwas sa presyo ng mga produktong inaangkat. Kung ang terms of trade ng isang bansa ay tumataas nagpapahiwatig ito na ang presyo ng mga produktong iniluluwas ay tumataas o ang presyo ng mga produktong inaangkat ay bumababa. Nagpapahiwatig din ito na makabubuti sa isang bansang nakikipagkalalakan ang nakararanas ng tumatataas na presyo ng palitan sa kalakalan. Ang ibig sabihin ay ang dami ng makukuha nilang produktong inaangkat ay lumalaki sa parehong dami ng produktong iniluluwas. Dahil kaunting export lamang ang kailangan nilang isakripisyo upang makakuha ng mas maraming import lumalawak ang kanilang kakayahang makapagkonsumo mula sa karadagdagang produktong inaangkat na nagpapataas sa kagalingang panlipunan ng bansa.

Samantala, kung ang presyo ng palitan sa kalakalan ng isang bansa ay bumababa, ang presyo ng kanilang produktong iniluluwas ay bumababa o ang presyo ng kanilang inaaangkat na produkto ay tumataas. Ito ay nagpapahiwatig na kinakailangan nilang magsakripisyo ng maraming produktong exports upang makakuha ng isang yunit na produktong import. Ang karagdagang sakripisyo ay nangangahulugan na liliit ang kanilang produksiyon ng ibang produkto upang ilalaan sa produksiyon ng produktong export. Ang ganitong sitwasyon ay magpapababa sa kanilang pambansang kita. Ang pagbaba ng pambansang kita ay mauuwi sa pagpapababa ng kagalingang panlipipunan ng bansa dahil kumikitid ang kanilang kakayahang makapagkonsumo.

Ang tinalakay natin ay ang mga epekto ng pagbabago sa presyo ng palitan sa kalakalan sa pagbabago ng pambansang kita at kagalingang panlipunan. Ngunit kahit bumababa ang presyo ng palitan sa kalakalan, hindi pa rin masama ito kung titignan natin ang epekto ng pagbaba ng presyo sa pagtaas ng demand ayon sa elastisidad sa presyo  ng demand produktong iniluluwas. Kung ang demand sa produktong iniluluwas ay elastiko, nangangahulungan na ang porsiyentong pagbaba ng presyo ng iniluluwas ay nauuwi sa mas mataas na porsiyento ng pagtaas sa dami ng demand. Ang resulta nito ay magpapataas sa halaga ng benta o kita sa kanilang iniluluwas. Ang dagdag na kita ay magpapataas sa pambansang kita at kagalingang panlipunan.

Ang masamang sitwasyon  ay kung ang demand sa produktong iniluluwas ay di elastiko o di matugon sa pagbaba ng presyo. Ang ibig sabihin ay ang porsiyento ng pagbaba ng presyo ng export ay mas malawak sa porsiyento ng pagtaas sa dami ng demand sa produktong export.Ang ganitong sitwasyon ay mauuwi pagliit ng pambansang kita at pagbaba ng kagalingang panlipunan dahil kumikitid ang kakayahang makapagkonsumo ng mga mamamayan sa mababang kita. Ang ganitong sitwasyon ay tinawag ni Jagdish Bhagwati (1958) na immiserizing growth o papahirap na paglaki. Ayon sa kanya, kahit na lumalawak ang dami ng produksiyon ng produktong export ng isang bansa, ang demand sa produktong ito ay hindi gaanong tumataas dahil ang elastisidad sa presyo ng demand ay di elastiko. Dahil dito bumababa ang presyo ng palitan sa kalakalan at lumilllit ang pambansang kita at kagalingang panlipunan kahit na lumawak ang produksiyon ng mga produktong iniluluwas. Naranasan ito ng mga  bansa sa Africa. Asya at Latin Amerika noong mga dekada 1950 at 1960 dahil ang mga bansang ito ay umaasa lamang sa isa o dalawang pangunahing produktong iniluluwas na may mga di elastikong demand.

Sa kasalukuyang panahon at malawak ng globalisasyon hindi na nararanasan ng mga papaunlad na bansa ang isinulong na pananaw ni Bhagwati na papahirap ng pagsulong. Maraming dahilan kung bakit hindi na ito nangyayari. Una, malawak na ang bilang at uri ng mga produktong iniluluwas ang mga papaunlad na bansa. Ikalawa, marami sa mga papaunlad na bansa ang nagluluwas din ng mga produktong industriyal bunga ng epekto ng globalisasyon. Ikatlo, maliit na lamang ang porsiyento na iniluluwas nilang pangunahing produktong agricultural dahil lumalawak na ang mga prinosesong produktong agricultural.Ika-apat, ang mga prinosesong produktong agricultural ay may matataas na elastisidad ng presyo sa demand. Ikalima, napakaliit na lamang ang lawak ng pagbaba ng presyo ng palitan sa kalakalan at ang negatibong epekto nito ay natatakpan ng mas malawak na pagtaas ng demand bunga ng mga produktong may mga elastikong demand.

Dahil sa mga pangyayaring ito, kahit ang mga bansang dating naniniwala sa saradong ekonomiya ay binubuksan na ang kanilang mga adwana sa kalakalang internasyonal  dahil mas maraming benepisyo ang nalalasap nila kaysa sakripisyong pinapasan nila.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -