29.8 C
Manila
Linggo, Nobyembre 24, 2024

Preemptive evacuation ipinatutupad sa Cagayan Valley dahil sa banta ng bagyong Marce

- Advertisement -
- Advertisement -

DAHIL sa magkakasunod na bagyong dumaaan sa Northern Luzon ay lubhang malambot na ang kalupaan na maaring magdulot ng pagguho ng mga lupa at mabilisang pagtaas ng lebel ng tubig sa mga ilog.

Dahil dito, naglabas na ang Regional Disaster Risk Reduction and Management Council ng kautusan sa lahat ng mga local DRRMC na magpatupad na ng pre-emptive evacuation lalo na sa mga nasa gilid ng Cagayan River at mga bahaing lugar gayondin sa mga nasa mga bulubunduking lugar. 

“Lagi po nating ipinapaalala sa ating mga local counterpart na iprioritize itong pre-emptive evacuation, lalong lalo na medyo malakas ang ulan at hangin na dala nitong bagyong marce,” pahayag ni Ronald Villa, operations section chief ng Office of the Civil Defense Region 2.

Aniya mahigpit din ngayong minomonitor ang sitwasyon sa mga lugar na dinaanan ng mga bagyong Julian, Kristine at Leon dahil sa banta ng bagyong Marce.

Ang bayan ng Calayan sa Cagayan at ang coastal communities sa Isabela maging sa iba pang bahagi ng Cagayan ay patuloy na nakakaranas ngayon ng pabugso-bugsong katamtaman hanggang malakas na ulan at hangin. 

Sa kasalukuyan malakas ang hangin at kung minsan sinasabayan ng malakas na ulan at matataas narin ang alon sa dagat,” pahayag ni Joe Robert Arirao ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ng Calayan.

Sa ngayon, inaabisuhan ng RDRRMC ang lahat ng mga mamamayan na sundin ang kautusan ng kanilang lokal na pamahalaan lalo na sa paglikas habang hindi pa gaanong malakas ang bagyo at habang maliwanag pa. (OTB/PIA Region 2)

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -