26.4 C
Manila
Martes, Enero 21, 2025

Diwa ng programang Tupad ipinamalas ng mga benepisyaryo sa Romblon

- Advertisement -
- Advertisement -

TUMULONG ang mga manggagawang-benepisyaryo ng programang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged Workers (Tupad) ng Kagawaran ng Paggawa sa pagtatayo ng pansamantalang tulay noong Setyembre 12, 2024 sa Brgy. Marigondon Norte matapos ang bagyong Carina na nagdulot ng matinding pinsala sa nasabing lugar.

Ang pansamantalang tulay ay nag-uugnay sa barangay at sa bayan na nagbibigay ng kaginhawahan sa mga residente at nagpapadali sa transportasyon ng mga kalakal at paggalaw ng mga tao.

“Ang daanan po na ito ay mas madaling i-access kaysa sa kabilang daan na matarik masyado at madulas kapag panahon ng tag-ulan. Mas madali rin dito dumaan kapag may mga produktong galing sa Brgy. Marigondon Norte as it takes less than 30 minutes para makarating sa bayan compared sa ibang daanan, and mas convenient siya para sa mga estudyante at mamamayan ng barangay,” pahayag ni  Rojefferson Gan, kawani ng LGU San Andres.

Sa kabila ng dalang panganib na lumusong sa ilog habang may dalang malalaking troso, nagkaisa pa rin ang mga benepisyaryo ng Tupad na magtulungan upang maitayo ang tulay na pakikinabangan ng kanilang komunidad.

“Mahirap at mabigat siya pero nagtulong-tulong kami sa pagbuhat ng puno ng niyog para maitambak. Galing iyon sa kabila tapos dinala namin para makadaan ang mga motor at mga kababayan namin,” wika ni Ronel Merano, na nagpahayag ng kaniyang kasiyahan dahil nakatulong siya sa kanyang komunidad sa pamamagitan ng programang Tupad.

Sa pamamagitan ng programang Tupad, patuloy na nakapagbibigay ang Department of Labor and Employment (DoLE) sa Mimaropa ng pansamantalang trabaho sa mga mahihirap na manggagawa sa rehiyon. Tatanggap ang mga benepisyaryo ng arawang sahod na P395 sa bawat araw na kanilang ipinagtrabaho, na siyang kasalukuyang pinakamataas na minimum na sahod sa rehiyon.

Kabilang sa mga aktibidad sa ilalim ng programang Tupad ay mga proyektong pangkomunidad, tulad ng pagkukumpuni, pagpapanatili, at/o pagpapabuti ng mga pampublikong pasilidad at imprastraktura, paglilinis ng mga debris, paglilinis ng mga baradong kanal, paghihiwalay, pag-aayos at pag-iimbak ng mga basura na maaaring pang mapakinabangan, paglilinis; mga proyektong pang-ekonomiya ng komunidad, kabilang ang pagkukumpuni, pagpapanatili, at/o rehabilitasyon ng mga farm-to-market roads, tulay, post-harvest facility, pampublikong pamilihan, at mga pasilidad pang-serbisyo; at proyektong agro-forestry ng komunidad, tulad ng pagtatanim ng puno, paghahanda ng seedling, at reforestation.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -