“Ay, Ina ko!”
“Ay, sa aba mo!”
“Ay, ano ba? Layo!”
“Ayayay! Sarap ng buhay!
Mga halimbawa ang nasa itaas ng gamit ng katagang “Ay” sa wikang Filipino. Padamdam ang mga pahayag na ito. Ang unang dalawa ay gamit sa “mga pahinaing na pangungusap,” ayon sa awtor ng Balarila ng Wikang Pambansa na si Lope K. Santos (LKS). (Galing ang “pahinaing” sa “daíng” na nagsasabi ng paghihirap o pagdurusa.) Gálit naman ang ipinapahayag ng pangatlo samantalang kasiyahan ang sa pang-apat, na gumamit ng sunod-sunod na “Ay.”
May iba pang mga gamit ang “ay.” Ayon pa rin kay LKS, ang “ay” ay kabilang sa mga pandiwang walang banghay, o pandiwang hindi nagbabago ng anyo kahit pa magpahayag ng pangnakaraan, pangkasalukuyan o panghinaharap na kilos. Dagdag pa ni LKS, gumaganap ding pangatnig ang “ay” dahil pinag-uugnay nito ang simuno/paksa at ang panaguri. Naaalala pa ba ninyo ang mga terminong ito mula sa Balarila? Simuno o paksa ang pinag-uusapan sa pangungusap samantalang ang panaguri naman ay nagsasabi ng impormasyon tungkol sa simuno.
Mga halimbawa: Ang Noli ay isinulat ni Jose Rizal sa wikang Kastila.
Ang bida rito ay si Ibarra.
Maaaring alisin ang “ay” at magiging ganito ang pangungusap:
Sinulat ni Jose Rizal sa wikang Kastila ang Noli.
Bida rito si Ibarra.
Samakatuwid, may dalawang ayos ng pangungusap sa ating wikang pambansa. Tinatawag na karaniwang ayos ang pangungusap na walang “ay” at di karaniwang ayos naman ang pangungusap na may “ay.”
Noong nasa elementarya at hayskul ako, kabaligtaran nito ang itinuro sa amin. Nasa kabaligtaran o kabalikang ayos ang pangungusap na walang “ay” at ang may “ay” ang nasa karaniwang ayos. Ganito kasi ang nakasaad sa Balarila ni LKS. At totoo naman na mas gamitin noon kahit sa pang-araw-araw na pag-uusap ang pangungusap na may “ay.” Kaya nga lamang, sa mabilis na pagsasalita, nagiging e na lamang ang ay.
Mga halimbawa: Ang batang ito e manang-mana ng talino sa kanyang ama.
Siya po e nagsasabi lang ng totoo.
Kung hindi ko kukunin e tiyak na magagalit kayo.
Sabi ng mga kritiko ni LKS, naimpluwensiyahan daw ang awtor ng Balarila ng pagsusuri sa wikang Kastila o Espanyol. Kasi, sa mga pangungusap sa Kastila (at sa Ingles din), nauuna ang paksa sa panaguri. Samantala, sa wikang Filipino ngayon, pinaniniwalaang mas dinamiko, mas aktibo, at mas gamitin ang pangungusap na nauuna ang panaguri sa paksa. Kaya nga sa aking kolum nang nakaraang Miyerkoles (Oktubre 30), nabanggit ko na “Totoo nga na para kang nagsasaling-wika, o naimpluwensiyahan ng Ingles kapag sunod-sunod na may “ay” ang iyong mga pangungusap.” Ngunit hindi na ako nakapagdagdag ng ano mang paliwanag.
Ito ang paliwanag na hindi naidagdag noon: para ngang hindi natural kung puro pangungusap na may “ay” ang gamit natin. Dahil dalawa ang ayos ng pangungusap sa Filipino, upang maging mabisa ang ating pagsulat, kailangang matutuhan nating gamitin ang dalawang ayos na ito, batay sa hinihingi ng daloy ng ating diskurso. Hindi naman tama na laging iwasan ang pangungusap na may “ay” sapagkat may gamit ang ayos na ito sa mga pahayag.
Gamit ng pangungusap na ‘ay’
Ayon kina Santiago at Tiangco sa Makabagong Balarilang Filipino, ang pangungusap na may “ay” ay “karaniwang ginagamit sa mga pormal na pagkakataon, tulad ng mga pulong, paglilitis, atb., hindi sa mga pang-araw-araw o kolokyal na gamit.” Sinabi pa nila na ang “ay” ay “nagsisilbing pananda na nagpapakilalang nauuna ang paksa kaysa sa panaguri.”
Simplistiko ang ganitong paliwanag at hindi nagbibigay ng wastong paglalarawan ng wika. May mga halimbawa pa ng mga pangungusap na may “ay”na binago ang ayos at inalis ang “ay,” nang hindi na naisaalang-alang na maaaring magkaroon ng kahit katiting na pagbabago sa kahulugan kapag naiba ang pagsusunod-sunod ng mga salita.
Narito ang gamit ng pangungusap na may “ay”:
- Kapag gustong bigyang pansin ang argumento o paksa.
Halimbawa: Ang kapistahan ng Nuestra Señora de la Paz ay ginugunita tuwing Enero 24. Ang Nuestra Señora de la Paz ay patron ng Congregation of the Sacred Heart of Jesus and Mary na itinatag ni Peter Coudrin sa Paris noong French Revolution.
(Mula sa Editoryal, Balita, Enero 24, 2007)
- Kapag may gustong bigyang diin sa unahan ng pangungusap
Halimbawa: Madilim pa’y ginising na ako ng sunod-sunod na tahol ng aming asong si Ruben.
Ngayo’y nasa kamay naming mga kababaihan ang pagtatanggol sa lupang ninuno.
Dahil nasa unahan ng pangungusap ang mga salitang “madilim pa” at “ngayon,” nabigyan ng diin ang mga salitang ito. Nagsasabi ang mga salitang ito ng panahon kung kailan magaganap ang aksiyon kaya nailatag ang setting at mood. “Madilim pa (hindi pa sumisikat ang araw, bakit napakaaga?) Ngayon (hindi tulad ng dati, hindi kahapon).
Pansinin na puwedeng palitan ng kuwit o comma (,) ang ay: Madilim pa, ginising na ako ng sunod-sunod na tahol ng aming asong si Ruben. Pero may nabawas sa puwersa ng pahayag, hindi ba?
- Kapag may ipinapakilalang bagong paksa
Halimbawa: Ang mga sumusunod ay may saguting kriminal at sa di gaanong malulubhang krimen. Ang mga parusang maaaring ipataw alinsunod sa Kodigong ito ay iyong napapaloob sa mga sumusunod: (Mula sa Binagong Kodigo Penal ng Pilipinas, Salin ni Cezar C. Peralejo)
Kung ilalagay sa hulihan ng pangungusap ang paksa, hindi na gaanong magiging malinaw ang pangungusap at hindi na mapapansin ang ipinapakilalang bagong paksa.
- Para ipakita ang konstruksiyong parallel:
Halimbawa: ang bantay ko’y tala/ang tanod ko’y bituin (“Sa Ugoy ng Duyan”)
Kapag binago, magiging ganito: “tala ang bantay ko/bituin ang tanod ko”. Di ba’t nang mabago ang ayos ng mga salita, nabawasan ang puwersa ng diskurso?
- Sa pagbubuod ng naunang pahayag
Halimbawa: Ito ay parang silakbo ng damdamin sa katatapos lang na impeachment process. (Mula sa Balita, 9/9/05)
Samakatuwid, ang “ay” ay hindi simpleng pananda na nauuna ang paksa sa panaguri. Sa halimbawang ito: Bukas ay Pasko, hindi paksa ang bukas. Pang-abay ito na nagsasaad kung kailan mangyayari ang Pasko. Inilagay sa unahan ang salitang ito para bigyang diin ang panahon – bukas – hindi kahapon o ngayon.
Ginagamit ng mga manunulat ang alinman sa dalawang ayos ng pangungusap – ang mayroon at ang walang ay – ayon sa hinihingi ng daloy ng diskurso, upang maging mabisa ang kanyang pahayag at makuha ang nais makamit na reaksiyon ng mambabasa.
Hindi yata tama na tawaging “karaniwan”at “di karaniwan” ang alinman sa dalawang ayos ng pangungusap sapagkat parang hinahatulan ang mga ito: ang isa’y karaniwan kaya ayos lang, pero ang “di karaniwan” ay para na ring nabansagang “hindi normal” o may kapansanan.
Sa wikang Ingles, hindi naman totoo na may isang ayos lang ng pangungusap – ang sunurang subject – predicate. Halimbawa: She is beautiful. She ang subject at beautiful ang predicate. Mayroon din silang ayos na nauuna ang predicate. Ginagamit lamang ito for special effects. Halimbawa ang linya ng kanta: “Lonely is the night when I’m not with you.” At isa pa: “There goes my love, there goes my happiness.” Hindi kayo pamilyar sa mga kantang ito? I-google n’yo. O itanong kay Chat-GPT.