25.7 C
Manila
Martes, Enero 21, 2025

Kahalagahan ng insurance sa mga sakahan ipinaliwanag ng PCIC

- Advertisement -
- Advertisement -

IPINALIWANG ng Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) Regional Office 3A ang kahalagahan ng insurance sa mga sakahan.

Pangunahin na rito ang pag-avail ng libreng insurance kung nakatala ang magsasaka sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA).

Ayon kay PCIC Regional Office 3A Officer-in-Charge Gerlie Gregorio, mahalagang naka-insured ang mga sakahan, na bukod sa libre o walang babayaran ang mga magsasaka ay mayroon silang maaasahan sa panahon na maapektuhan ng kalamidad o peste ang kanilang mga taniman.

“Hanggang tatlong ektaryang taniman sa kada household ang maaaring maisama sa libreng insurance sa ilalim ng RSBSA, na mayroong P20,000 maximum coverage sa kada ektarya,” paglilinaw ni Gregorio.

Aniya kahit papaano ay may maibabalik sa mga magsasaka na nasalanta ng kalamidad o nasira ang mga pananim dahil sa peste.

Pahayag pa ni Gregorio, kinakailangan na ang magsasaka mismo ang mag-aplay ng insurance para sa kanilang sakahan.

“Ang pagpapaseguro o pagpapa-insure ng sakahan hangga’t maaari ay sa panahon na hindi pa nakakapagtanim ang mga magsasaka. Kung nakapagtanim na ay kinakailangang makapagpasa sila ng aplikasyon sa loob ng 30 araw,” pahayag ni Gregorio.

Maaaring magpasa ng aplikasyon sa mga tanggapan ng PCIC o kaya ay sa mga nakasasakop na Municipal o City Agriculture Office.

Hinihikayat din ni Gregorio ang mga magsasaka na wala pa sa listahan ng RSBSA na magpatala sa kanilang Municipal o City Agriculture Office para makapag-avail ng libreng insurance.

Kaniyang sinabi na bukod pa rito ay may iba’t ibang insurance ang PCIC tulad sa palay, mais, high value crops, livestock at fisheries, gayundin ay may credit at life term insurance.

Kaugnay nito ay sinabi ni Ginoong Eduardo Rivera, magsasaka mula sa lungsod ng Palayan, na malaking tulong ang natatanggap mula sa insurance na programa ng PCIC.

“Kapag nasisiraan kami ng tanim ay kahit papaano, kahit na P7,000 lang sa isang ekatarya ay malaking bagay na po sa aming magsasaka,” pahayag ni Rivera.

Kaniyang ipinaaabot ang pasasalamat sa PCIC na patuloy tumutulong at nagbibigay ng pagkakataon para sa mga magsasaka na naapektuhan ng kalamidad at nasiraan ng taniman na kahit papaano ay makabawi sa mga naging gastusin at puhunan.

Samantala, simula Enero hanggang Oktubre ng taong ito ay umabot na sa P49.6 milyon ang halaga ng mga indemnity check na iginawad ng PCIC para sa humigit apat na libong magsasaka na nag-file ng danyos sa mga palayan sa buong Nueva Ecija.

Nakipag-ugnayan si Eduardo Rivera (kanan), magsasaka mula sa lungsod ng Palayan, sa Philippine Crop Insurance Corporation Regional Office 3A hinggil sa maaaring i-claim sa insurance ng kaniyang palayan na naapektuhan ng nagdaang bagyong Kristine. (Maria Asumpta Estefanie Reyes/PIA 3)

Para sa iba pang detalye ng mga programa ng PCIC Regional Office 3A ay maaaring tumawag sa kanilang himpilan sa mga numerong 0943-531-7865, 0945-642-5194, at (044) 600-2880. (CLJD/CCN, PIA Region 3-Nueva Ecija)

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -