BAKIT kailangan ng regulator ang banking system? Anu-ano ang mga regulasyon na itinatakda ng regulator para mapanatili ang lusog at lakas ng banking system?
Ang banking system ang ingat-yaman, ang tagapangalaga ng malaking bahagi ng savings at financial assets ng isang bansa. Siya ang nagpapasiya kung ipapahiram ang mga savings at kung kanino, at kung aling sector ng ekonomiya ang mabibigyan ng investment para palaguin ang produksyon at maglilikha ng trabaho. Samakatwid, nakasalalay sa kanila ang paglago, laki at hubog ng isang ekonomiya.
Dahil sa kahalagahan ng kanilang papel sa economic development, sila ay sumasailalim sa regulasyon. Sa Pilipinas, ang regulator ay ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP). Ang BSP ang nagi-isyu ng mga regulasyon na susundin ng mga bangko para maging malusog ang banking system at ng ekonomiya. Nagre-require ng BSP ng periodic na pagsusumite ng financial statements na ine-examine ng BSP nang masinsinan.
Sa ngayon, magulo ang economic environment ng daigdig. Kasalukuyang nakikibaka ang mga ekonomiya sa pagratsada ng inflation. Halos lahat ng bansa, kasama ang Pilipinas, ay nagtaas ng interest rates para mapababa ang inflationary pressures. Dahil dito, bumagsak ang economic growth ng mga bansa at nag-postpone ang investors ng mga investment na pinaplano na nilang itaguyod bago bumulwak ang global inflation.
Pinaigting ng global tensions ang antas ng inflation. Dahil sa digmaan ng Rusya at Ukraine, base sa pag-aaral ng Federal Reserve Bank ng Estados Unidos, tumaas ang global inflation ng 1.3 percentage points at bumagal ang world GDP ng 1.5 percentage points. Ang pinakamalaking impact sa Pilipinas ay ang pag-akyat ng presyo ng fertilizers na mahalagang sangkap ng agrikultura at wheat na siyang sangkap ng paboritong agahan na pandesal at feeds ng mga alagang hayop. Dahil din sa nagaganap na giyera sa Middle East, akyat-baba ang presyo ng langis na malaki ang impact sa transport cost ng mga pangunahing bilihin.
Kapag mataas ang interest rates, babagal ang ekonomiya. Dahil malaking bahagdan sa gastos sa negosyo ay nakabase sa interest rate, marami sa mga negosyo ang di kayang magbayad ng utang. Ito ang dahilan kung bakit tumataas ang nonperforming loans NPL) ng mga bangko o mga utang na di nababayaran. Para hindi maubusan ng pondo ang mga bangko at di sila magsara, nire-require ng BSP na maglaan ng karagdagang reserves o provisions para sa mga NPLs o kaya’y magtaas ng capitalization. Ang pagtaas ng provision sa NPLs ay nakababawas sa profit ng mga bangko. Pag masyadong mataas ang NPLs, maaring malugi ang bangko at mahihirapan na siyang magbayad sa kanyang depositors.
Ang pagtaas ng capitalization ay isa rin sa mga solusyon kapag tumaas ang NPLs ng mga bangko. Ngunit mahirap para sa mga stockholders ng bangko ang magdagdag ng caspitalization dahil kailangang kuhanin nila ang pondo sa kanilang mga iba’t ibang investments. Ang pangungutang sa panahong mataas ang interest rates ay mahal at di basta magagawa. Ang panandaliang solusyon sa financial tightness ay mahirap kapag tight ang monetary policy gaya ngayon. A
Puspusan ang ginagawang pag-aaral ng BSP sa mga financial statements ng mga bangko. Kailangang matatag ang banking system dahil kapag napabalita na may bangkong malulugi, mawawalan ng kumpiyansa ang mga depositor sa banking system at babawiin nila ang mga deposito nila. Dahil naka-invest ang mga pondong ito sa mga negosyo, hindi madaling bawiin ito sa mga borrowers. Ang kumpiyansa ng depositor at investor ang malakas na haligi ng matatag na ekonomiya.
Marami nang krisis ang dinaanan ng ating banking system at natuto na ang mga bangkero sa mga krisis na ito. Marami na ring palisiya ang BSP na inilatag para mapalakas ang banking system at di na mangyayari ang mga krisis na naranasan ng bansa noong mga nakaraang dekada. Marami na ring international organizations ang binuo upang magtipon-tipon ang mga regulators ng mga bangko sa buong mundo para mag-aral at magpalitan ng kuro-kuro tungkol sa mga best practices para ma-avoid ang bank failures at bank runs. Dahil dito, alam na ng BSP kung ano ang gagawin kapag nahihirapan ang mga bangko at nakahanda na sila sa maaring itulong sa mga bangkong magigipit.
Kahit na magulo ang economic environment sa buong mundo, malakas ang banking system ng Pilipinas. Tumataas ang kanilang resources (assets) na kapareho ng paglago ng ekonomiya. Lumago ang resources nila ng 12.9% noong 2022, 10.2% noong 2023 at 10.8% noong unang walong buwan ng Agosto, halos kasabay ng nominal GDP, na lumago rin ng 13.0%, 11.4% at 9.5%, ayon sa pagkakasunod.
Kasabay ng paglago ng kanilang resources ang pag-akyat ng kanilang pautang (loans) sa mga negosyo at consumers. Umakyat ang kanilang gross loans nang higit sa 10% bawat taon pagkatapos ng pandemya. Lumago ang pautang nila ng 10.8% noong 2022, 13.6% noong 2023 at 10.3% noong unang walong buwan ng 2024. Kahit na tumaas ang interest rates, malago pa rin ang pag-akyat ng pautang na siyang bumubuhay sa mga negosyo.
Karamihan o halos 74% sa mga resources ng bangko ay galing sa deposit liabilities. Mula sa 9.4% na paglago noong 2022 nang ang real GDP growth ay nasa pinakamataas nitong antas na 7.6% pagkatapos ng pandemya, bumagal ang pag-akyat ng deposit liabilities sa 7.1% noong 2023 at 6.9% noong Agosto 2024. Dahil ito sa pagbagal ng real GDP growth sa 5.6% at 6.0%% noong 2023 at unang kalahati ng 2024; kapag mataas ang GDP growth, tumataas din ang paglago ng savings kung saan nanggagaling ang deposit ng mga bangko. Kapag bumaba naman ito, kasama ring bumababa ang inilalagay ng mga households at businesses sa savings.
Tumataas din ang paglago ng capital accounts na siyang inilalagak ng mga stockholders. Umakyat ito ng 14.3% noong 2023 at 10.6% noong unang walong buwan ng 2024.
Dahil sa mataas na interest rates, lumalaki ang mga NPLs ng mga bangko. Bumaba na ito sa P398.79 bilyon noong 2022 pagkatapos ng pandemya ngunit umakyat ulit sa P512.7 bilyon noong Agosto 2024. Ang NPL ratio o ang bahagdan ng NPL sa buong loan portfolio ng mga bangko ay bumaba na sa 3.16% noong 2022 ngunit umakyat ulit sa 3.59% noong Agosto 2024.
Mababawasan ang NPL ratio kapag bumaba ang interest rates at tumaas ulit ang GDP growth. Ngunit halos lahat ng NPLs ay nasa coverage na ng provision for loan losses na umaabot sa 94.11% ng total loan portfolio. Ang ibig sabihin nito ay may pondo na na naka-set aside para dito.
Sinusundan ng nonperforming assets (NPAs) ng mga bangko ang antas ng NPLs. Mas malaki ang coverage ng NPAs kaysa NPLs; hindi lang pautang ang kasama dito kundi mga investment ng mga bangko. Ang bahagi ng pondo ng bangko na hindi naipautang ay inilalagak ng mga bangko sa financial assets, stocks, bonds at bills na nabibili sa capital markets. Ang stocks, bonds at bills ay ini-isyu ng pamahalaan at mga negosyo para makalikom ng pondo para sa kanilang proyekto. Ang mga financial assets na ito ay nagbabayad ng periodic na interest rates o dibidendo. Ang NPAs ay ang mga assets na walang kinikita–hindi nagbabayaran ang interest o kaya’y dibidendo. Bumaba ang lebel ng NPAs sa P526.59 bilyon noong 2022 ngunit tumaas sa P645.4 bilyon noong Agosto 2024. Ngunit gaya ng provision for loan losses, malaking bahagi nito ay may katumbas na pondo na pambayad. Ang reserve o provision for NPAs ay umabot sa 80.8% ng total NPAs.
Ang pinakamahalagang sukatan ng lakas ng banking system ay ang capital adequacy ratio o CAR. Sinasaklaw nito ang kakayahan ng bangko na bayaran ang kanyang mga liabilities, kung solvent pa rin ito pag may difficult financial circumstances siyang daraanan. Ang agreement ng mga regulators na kasama sa Basel Committee on Bank Supervision, isang international na pulutong ng mga regulators kasama ang mga maunlad na bansa, ay minimum CAR na 10.5%. Ngunit simula nang na-adopt ang CAR sa Basel, mas mataas ang average CAR ng mga bangko sa Pilipinas na sa ngayon ay lumalagpas sa 16%. Bumaba ito ng 15.9% noong 2022, noong patapos na ang pandemya.
Nililimitahan din ng BSP ang loans at investments ng mga bangko sa real estate sa 25% ng total assets. Ang dahilan nito ay ang halaga ng real estate ay siyang unang bumababa kapag may krisis; mahihirapan ang bangkong mag-manage ng kanyang pondo kapag nakatali ang kanilang assets sa mga mahirap ibenta kapag sumasadsad ang ekonomiya. Sa ngayon, ang average real estate exposure ng mga bangko ay 19.9%, mas mababa sa 25% na limit na itinakda ng BSP.
Kahit tumataas ang NPLs at NPAs ng mga bangko, malakas pa rin ang profitability nila. Mula sa mababang P155.2 bilyon noong pandemya, umakyat ang net profit before tax ng mga bangko sa P435.7 bilyon noong 2023. Ang rate of return on assets at rate of return on equity ay umabot sa 1.47% at 12.1%, respectively, sa unang anim na buwan ng 2024, mas mataas kaysa sa mga antas noong kasagsagan ng pandemya, at ng 25-year average na 1.46% at 11.7%, ayon sa pagkakasunod.