MAHALAGA ang pananaliksik sa paglikha ng mga bagong kaalaman. Lalo na kung mga alternatibo at mapagpalayang kaalaman ang nabubuo mula rito. Isa ang walking interview sa mga paraan tungo sa layuning nabanggit. Mas nagiging transpormatibo rin ang pananaliksik kung pantay ang turingan ng mananaliksik (interviewer) at ng kanyang kapanayam (interviewee) sa isa’t isa na siyang katangian ng walking interview.
Pero ano nga ba itong tinatawag na walking interview? Ayon kina Alexandra King at Jessica Woodroffe mula sa kanilang akda na kabilang sa Handbook of Research Methods in Health Social Sciences, ang walking interview ay maituturing na isang inobasyon sa metodo ng pagsasagawa ng kwalitatibong pananaliksik (qualitative research) na unti-unting lumalaganap sa larangan ng cross-disciplinary inquiry. Ang paraang ito, ayon pa rin sa kanila, ay epektibo upang mas lubos na maunawaan ang buhay na karanasan (lived experience) ng isang indibidwal o grupo sa isang tampok na pook o kapaligiran. Sa walking interview, itinuturing na eksperto ang kinakapanayam dahil sa kanyang malalim, kontekstwalisado at nakaugat na karanasan sa lugar. Ang walking interview ay maaari ring tambalan ng iba pang metodo ng pananaliksik kagaya ng key informant interview, focus group discussion, at participant observation upang higit na mapayaman ang datos.
Kahalagahan ng walking interview
Epektibo ang paglalakad habang nakikipagkuwentuhan sa proseso ng pakikipagpanatagan ng loob, pangangalap ng datos, at pakikiisa sa adbokasiya. Ang adbokasiya ay maaaring tumukoy sa pagsusulong ng karapatan sa lupaing ninuno ng mga katutubo at sa lupang sakahan ng mga pesante.
Ipinapalagay na nakabubuti ang walking interview upang igpawan (overcome) ang kadalasang nanaig na hindi pantay na relasyon sa kapangyarihan sa pagitan ng interviewer at interviewee. Ito ay naka-angkla sa batayang prinsipyo na walang nakatataas sa sinuman maging sila man ay taga-akademiya o taga-komunidad.
Sinasabing nareresolba sa tulong ng walking interview ang maraming limitasyon ng static/sedentary face to face interview. Una, mas nagiging panatag ang kapanayam dahil pamilyar sila sa pook o ruta kung saan ito isinasagawa. Ikalawa, mas madali ring makapagpalagayan ng loob ang isa’t isa gamit ang ganitong dulog (o approach). Batay sa karanasan, maikukonsidera rin na ang pakikipanayam sa pamamagitan ng paglalakad nang magkatabi (o side by side) kumpara sa pakikipanayam ng harapan (o face to face) ay nakababawas ng pagkailang at paninibago sa isa’t isa.
Bilang aplikasyon sa mga problemang panlipunan, malaki ang pakinabang ng walking interview kung magsasagawa ng safety audit o risk mapping sa isang komunidad katuwang ang mga mamamayan. Sa konteksto ng pook urban, maaaring matukoy at maimapa ang mga open manhole, madudulas na daan, madidilim na pasilyo, makikitid na hakbangan sa pedestrian overpass, sala-salabit ng linya ng kuryente, tagas ng tubig, bahaing lugar at iba pang maaaring panggalingan ng panganib.
Nagbubukas sa maraming oportunidad at tagpo ang walking interview. Kung magiging mapagmasid, maaaring masaksihan ang pangkalahatang kalagayan ng komunidad at maging ang nanaig na relasyon sa pagitan ng mga mamamayan at pwersang panlipunan. Mapapansin ito sa mga madadaanang lugar at ugnayan ng kapanayam sa mga makakasalubong sa paglalakad at paglalakbay.
Bilang konsiderasyon sa mga magkakaibang danas at bulnerabilidad ng mamamayan, maaari ring magkaroon ang isasagawang walking interview ng sektoral na komposisyon sa pamamagitan ng pag-imbita ng mga kalahok o kapanayam mula sa hanay ng kababaihan, kabataan, matatanda, at maging mga may kapansanan. Sa katotohanan, ayon kay Laurence Parent sa kanyang akdang The Wheeling Interview: Mobile Methods and Disability, maaari ring magsagawa ng wheeling interview tampok ang persons with disabilities (PWD) sakay ng kanilang wheelchair.
Kahalagahan ng pook
Mahalaga ang papel na ginagampanan ng pook sa ating pag-iral kaya mabisang dulog ang walking interviews upang mas maunawaan natin ang dugtungan ng sarili (self), kaligiran (surrounding), at lipunan (society). Ayon kay May East sa kanyang blog, ang walking interview ay maituturing na “trialogue” sa pagitan ng mananaliksik, kanyang kapanayam, at ang mismong pook na kanilang binabaybay.
Ang walking interview ay nakabatay sa pananaw na ang lipunan kung saan tayo nakapaloob ay may malakas na place-based orientation. Bilang social construct, importante na maunawaan na ang pook ay may masalimuot (complex) na katangian na nagtataglay ng pang-ekonomiko, politikal, kultural, sikolohikal, at pilosopikal na dimensyon.
Sa pamamagitan ng pagbaybay at paglalakbay ay nagiging sariwa sa alaala ng (mga) kapanayam ang kanya o kanilang kolektibong karanasan sa pamayanan. Bunga nito ay mas magiging malinaw sa mananaliksik ang sense of place at sense of attachment ng mga kalahok sa kanilang kapaligiran marahil dahil dito sila lumaki, nagkamalay, naghanap-buhay, dumayo at nagkaroon ng
di-malilimutang mabuti o masamang karanasan. Kaya masasabing ang walking interview ay isang memory work para sa kapanayam na itinuturing ng mananaliksik bilang ‘interlocutor’ (o kabahagi sa kombersasyon o dialogue/trialogue).
Sa kontekstong ito, ang pook ay nagsisilbing entablado kung saan tayo umiiral. Kumbaga, sa pook na ito natin isinasagawa at inilulunsad ang ating mga magkakaugnay na pang-ekonomiko, pampolitikal at pangkultural na mga gawain at gampanin. Gayundin, ang pook ay mayroong taglay na kakanyahan o katangian na nakakaimpluwensiya sa mga panlipunang proseso at relasyon.
Multisensoryal na karanasan
Bilang isang metodo na nakapaloob sa qualitative tradition, layunin ng walking interview na magkaroon ng kontekstwal at malalim na pag-unawa sa sinasaliksik na sektor o penopenon. Bilang isang multisensoryal na karanasan, aktibong nagagamit sa walking interview ang ating mga sense perception tulad ng paningin, pandinig, pang-amoy, panlasa, at pandama.
Halimbawa, sa pagbaybay ng mananaliksik at kapanayam niyang katutubo sa lokal na komunidad ay makikita nila ang yaman ng kagubatan, madidinig ang nakahahalinang huni ng mga ibon, maaamoy ang sariwang hangin, malalasahan ang mga matatamis na bunga ng puno, at mararamdaman ang iba’t ibang tekstura ng nilalakarang lupa. Sa kabilang banda, ibang kalunos-lunos na karanasan naman ang tiyak na mararanasan at masasaksihan kung laganap ang agresyong pangkaunlaran (development aggression) sa lokalidad ng mga katutubo. Sa kasaysayan, isang halimbawa ang dambuhalang minahan sa mga lumalabag sa karapatan ng mga katutubo sa kanilang lupaing ninuno (right to ancestral land) at sariling pagpapasya (right to self-determination).
Pagsasagawa ng walking interview
Ang walking interview ay isinasagawa sa pamamagitan ng pagsama at pagsabay sa kakapanayamin sa paglalakad at paglilibot sa isang partikular na pook. Maaaring maging pares o grupo ang pagsasagawa nito. Sinasabing mas nagiging komportable at espontanyo ang daloy ng panayam kapag sabay na naglalakad ang mga mananaliksik at kinakapanayam (o kamananaliksik sa kaso ng participatory research). Sa participatory research, itinuturing na kapwa mananaliksik (co-researcher) ang mga taga-komunidad kung saan aktibong kabahagi sila sa buong proseso (o ilang piling bahagi) ng pagpaplano, pangangalap at pagsusuri ng datos, pagsusulat ng ulat, at pagsasapubliko ng pag-aaral.
Kadalasang nagsasagawa muna ng warm up interview bago tuluyang gawin ang aktwal na walking interview. Mahalaga ito upang malinawan ang magiging ruta at kaparaanan at para maging kampante sa isa’t isa ang mga kabahagi.
Kalimitan ay open-ended ang mga katanungan sa walking interview upang mabigyan ng mas malayang pagkakataon ang kapanayam na magbahagi ng kanilang karanasan, interpretasyon, at saloobin. Kung kakayanin ay dapat ding iwasang magdala ng listahan ng talatanungan (questionnaire) para hindi mailang ang kapanayam. Kaya mainam na tandaan at isapuso ang mga nais tanungin bago simulan ang mismong walking interview.
Upang organisadong matipon ang impormasyon, ang walking interview ay maaaring maging audio o video recorded depende sa mapagkakaisahan ng parehong panig. Ang mismong panayam ay dumadaan din ng transcription upang mas maging sistematiko ang gagawing pagsusuri ng datos. Makatutulong din ito ng malaki kinalaunan para sa pagtukoy, pagbuo at pag-uugnay ng mga temang lalabas mula sa mahahalaw na mayamang datos. Kinokonsidera rin ang kalagayan ng kapaligiran (kung maingay) at ang gagamiting recording technologies (kung gumagana) para tiyaking maayos ang pangangalap ng datos.
Sa pahintulot ng komunidad, maaari ring kumuha ng mga larawan ng lugar habang naglalakad at naglilibot para madokumenta ang paligid. Ang mga larawang ito ay magagamit kinalaunan sa isasagawang key informant face to face interview at/o focus group discussion sa pamamagitan ng photo elicitation. Gamit ang mga larawan ay maaari itong magsilbing discussion prompt para maging lunsaran ng mga kasunod na panayam at/o talakayan kung kinakailangan.
Samantala, may mga walking interview din kung saan hindi mahalagang salik ang pook o ruta dahil wala itong kinalaman sa mismong pananaliksik. Isa itong uri ng walking interview na ang layunin ay gamitin lamang ang paglalakad bilang estratehiya upang mas maging malaya at magaan ang daloy ng panayam at palitan.
Oryentasyon ng walking interview
Ayon kina James Evans at Phil Jones sa kanilang akdang The Walking Interview: Methodology, Mobility and Place na nailathala sa Applied Geography, ang walking interview ay maaaring researcher driven o participant driven depende kung sino ang magiging mas mapagpasya sa pipiliing lugar at ruta na babagtasin para sa panayam. Bukod sa ruta, kabilang din sa dapat matukoy ang itatagal (o duration) ng isasagawang walking interview bilang konsiderasyon sa layuning hindi ito labis na makakaabala sa kapanayam.
Sa konteksto ng participant driven walking interview, maaaring sumama ang mananaliksik sa paglalakbay ng kapanayam papunta sa kanyang hanap-buhay. Alinsunod sa participant observation at sa pahintulot na ibibigay, maaaring kapalooban din ito ng aktwal na pag-obserba sa trabaho ng kapanayam kung saklaw ito ng pananaliksik. Halimbawa, maaaring sumabay at sumama sa mga manggagawa ng isang salt farm upang magsaliksik at magtanong ukol sa kasalukuyang kalagayan ng salt farming sa kanilang lokalidad. Sa pamamagitan ng walking interview ay maaaring masaksihan mismo kung paano unti-unting namamatay ang salt farm bunga ng malawakang pagpapalit-gamit ng lupa (land-use conversion) sa komunidad.
Etikal na konsiderasyon
Tulad ng anumang uri ng pangangalap ng datos para sa pananaliksik, ang walking interview ay dapat ginagabayan din ng pinakamataas na antas ng etikal na konsiderasyon. Mahalaga may pagsang-ayon ang kakapanayamin sa isasagawang walking interview at mga layunin at kaparaanan nito.
Mahalaga ring matiyak ang kaligtasan ng lahat habang isinasagawa ang walking interview dahil sa mga kaakibat na panangib kagaya ng lagay ng panahon, madidilim na lugar, matatarik o madudulas na daan, umaandar na sasakyan at iba pa. Dapat din ikonsidera ang kalusugan at resistensiya ng mga kapanayam para matiyak kung kakayanin ba nila ang mahaba-habang lakaran. Konsiderasyon din ang usapin ng anonymity dahil nalalantad ang pagkakakilanlan ng kinakapanayam sa iba taong nakakasaksi at nakakasalubong sa daan habang isinasagawa ang mismong panayam. Inaasahang maging maingat din sa pagtatanong ukol sa mga sensetibong usapin na maaaring makabagabag sa kapanayam kaya mahalaga ang pagkokonteksto at pagproproseso ng mga katanungan at ng mismong panayam.
Pagbubuo(d) at panawagan
Malaki ang ambag ng walking interview sa pagtatampok ng mga marhinalisadong boses (muted voices) ng mga nasa laylayan ng lipunan. Silang mga binubusalan at binabalewala ang marapat na mabigyang tinig at plataporma sa mga alternatibong metodo ng pananaliksik kagaya nito. Mainam din na maipalaganap ang walking interview bilang alternatibong metodo ng pananaliksik hindi lamang sa paaralan kundi maging sa iba pang mga pangpubliko at pampribadong institusyon alinsunod sa research praxis na tunay na nagpapahalaga at nagtatambol sa mga ‘naratibo mula sa ibaba’.
Para sa inyong reaksyon, maaari ring magpadala rito: [email protected]