Ika-2 sa serye
GAANO na nga ba katagal idinaraos ang Frankfurt Book Fair sa bansang Germany? Taong 1949, hustong matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, nang itinatag ang kauna-unahang Frankfurt Book Fair kung saan may nakibahaging 205 German publishers. Tama, ipinagdiriwang ngayong taong ito ang ika-76 taon nang pagkakatatag ng Frankfurt Book Fair o mas kilala bilang Frankfurter Buchmesse (FBM). Sinasabing ang pasimula ng FBM ay maiuugnay sa Autumn Fair ng taong 1454 (noong ika-15 dantaaon o 15th century), sa panahong naimbento ni Johannes Gutenberg ang revolutionary movable-type printing.
Ngayong taong ito (2024), ang bansang Italya ang Guest of Honor kung kaya’t nakatampok doon ang pinakamagagaling nilang awtor, ilustrador, at publishers. May isang malaking pavilion na nakalaan sa bansang itinatampok na Guest of Honor. Nagkaroon ako ng pagkakataong maikot ito nang magkaroon kami ng tour sa fair grounds sa pangunguna ni Barbel Becker, isa sa mga opisyal ng FBM. Sa loob ng humigit-kumulang na 2 oras, buong-tiyagang ikinuwento ni Barbel Becker ang iba’t ibang lugar na aming binibisita. Napakalaki kasi ng lugar na sakop ng FBM kaya parang imposibleng maikot lahat ito. Kailangan naming lumabas sa isang gusali at tumawid sa malawak na quadrangle upang makapunta sa iba pang gusali na puno rin ng eksibit ng mga libro. Labinglima kaming delegado mula sa Pilipinas na nakibahagi sa tour ng fair grounds. Ilan sa nakasama namin ay sina Dinah Roma, Beverly Siy, Edgar Samar, Eliza Victoria, Augie Rivera, Jane Arguelles, Al Francis Lumen, Ned Parfan, Ronald Verzo, at Klink Ang (ang Chair ng National Book Development Board). Suot namin ang portable hearing device (na biruan naming ay mukhang stethoscope) upang kahit medyo malayo si Barbel (na naka-mikropono) ay marinig naming maigi ang kahalagahan ng mga pinupuntahan naming lugar.
Sa pamamagitan ng special tour na ito, nakita namin ang mga tampok na seksiyon ng naturang book fair kasama na ang napakalaking pavilion ng Italya, na nadedekorasyunan ng mga columns ng Roma, Italya. Gaya nang inaasahan, may malaking piazza (plaza) sa gitna nito. Napakaraming aktibidad ang sabay-sabay na nagaganap: may plenary panel discussion sa mismong ‘piazza’, may mga inteviews sa iba’t ibang panauhing Italyanong manunulat at ilustrador, may natatanging exhibit ng mga pambihirang artworks mula sa Italya. May exhibit tungkol kay Niccolo Machiavelli, isang diplomat at awtor na sumulat ng ‘The Prince.’ Maganda ring nabisita namin ito upang magkaroon kami ng ideya kung saan gaganapin ang Philippine pavilion kapag ang Pilipinas na ang Guest of Honor ng FBM sa susunod na taon (2025).
Isa sa pinasukan namin ay ang isang espesyal na palapag na hindi bukas sa publiko. Nakapasok lamang kami dito dahil sa special arrangement ng FBM. Ito ay ang ‘Literary Agents and Scouts Centre (LitAg) and Publishers Rights Centre (PRC)’ section na eksklusibo lamang sa mga publishers mula sa iba’t ibang dako ng daigdig na nakikibahagi sa pagbili (buying) at pagbebenta (selling) ng rights ng kani-kanilang mga aklat. Dito nagaganap ang business side ng book fair. Dito ay makikitang seryoso ang lahat ng mga publishers at literary agents sa mga nagaganap na meetings. Nakasalubong namin dito ang team ni Segundo Matias Jr, publisher ng Lampara Books at Precious Hearts Romances, na aktibong nakikibahagi sa rights buying and selling ng mga libro. Maaaring ang iba’t ibang publishers din mula sa Pilipinas ay naroon din nang mga sandaling ‘yun.
Sa ating bansa, wala tayong mga ‘literary agents’ na kumakatawan sa mga awtor kapag nakikipag-usap tungkol sa international edition o translation ng kanilang mga akda. Hindi naging praktis sa Pilipinas ang pagkakaroon ng literary agents. Ang literary agents ay maihahalintulad sa mga managers ng mga talents o celebrities na kumakatawan sa kanila kapag nakikipagkasa ng kontrata. Sila ang kinakausap ng mga movie producers kapag kailangang gumawa ng pelikula, TV shows, o iba pang proyekto ang kanilang artista. Dyahe nga namang makipagtawaran sa presyo ang mismong artista sa isang movie project na gagawin.
Napag-usapan namin ng kaibigan kong kamanunulat na si Augie Rivera, kilalang awtor ng mga aklat pambata, na nakasama ko sa Frankfurt Book Fair, ang pangangailangan na magkaroon na rin ng mga literary agents sa bansa. Maaaring panahon na nga may kumatawan sa kagaya naming awtor sa pakikipag-deal sa mga foreign publishers, sakaling magkainteres sila sa aming mga aklat. Kung paanong ang mga talents sa show business ay may namamahalang managers, ang mga awtor ay kailangan na rin yatang may agent na makikipag-usap sa mga publishers. Sa maraming progresibong bansa ay ganoon na ang Sistema o kalakaran. Hindi diretsong kinakausap ng publisher ang awtor kundi ang literary agent nito.
Ang kasalukuyang praktis sa bansa ay ang mismong publisher ng awtor ang tumatayong literary agent na siyang nakikipagkasa ng mga deal sa mga foreign publishers. Minsan nang sinimulan ng abogadong manunulat na si Andrea Pasion-Flores ang maging literary agent (kabilang sa naikasa niya ang international edition ng mgaaklat ni Nick Joaquin, ang ating pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan, sa Random House sa New York). Pero ngayon ay ninais tutukan ni Pasion-Floresang pamamahala sa kanyang itinatag na Milflores Publishing.
Sa aming pag-ikot sa malawak na fair, nakita namin ang Palanca Hall of famer at nobelistang si Butch Dalisay habang nasa isang booth ng foreign publisher (Transit) na naglathala ng German edition ng kaniyang mga nobelang ‘Killing Time in a Warm Place’ at ‘Last Call Manila.’ Siyempre pa, may pagmamalaking nagpakuha kami ng picture kasama ang kamanunulat na si Butch Dalisay. Nakita rin namin ang German edition ng aklat ni Allan Derain na ‘Aswanglaut’ na napiling isalin sa wikang Aleman. Nakatutuwang makita na ang ating mga aklat ay naisasalin sa iba’t ibang wika ng daigdig.
Tama ang paalala sa amin na magsuot ng pinakakumportableng sapatos dahil malawak ang lugar na lalakaran mo patungo sa iba’t ibang bahagi ng book fair. Nakabibilib ang stamina ni Barbel Becker dahil tuloy-tuloy lang ang pagsasalita niya sa kabila ng mga malalawak na paligid na nilalakaran namin. Hindi siya hiningal! Naging masayang karanasan ang aming special tour ng fair grounds.
Kung may mga bitbit kang ilang aklat at makapal na coat (malamig na rin kasi ang kalagitnaan ng Oktubre; nasa single digit ang temperatura nang nandoon kami), hindi magaan ‘yun. Marami sa umiikot sa venue ay may hatak-hatak na stroller/maleta o naka-backpack. Mapalad ako na ang hotel na aming tinirhan sa Frankfurt – ang Maritim Hotel – ay katabi mismo ng venue kung kaya’t madaling iuwi ang mga aklat. Pero ang karamihan sa mga delegado ay kakailanganin pang maglakbay sa pamamagitan ng train, bus, o tram kung kaya’t medyo mabigat kung may mga bitbit na aklat.
(May karugtong)