25.7 C
Manila
Martes, Enero 21, 2025

Kaya bang iligtas ng People Power ang pag-aresto ng ICC kay Duterte? 

- Advertisement -
- Advertisement -
BATAY sa mga kaganapan sa imbestigasyon ng Senado sa war on illegal drugs ng nagdaang administrasyon ni dating Pangulo Rodrigo Roa Duterte, masisilip na inuulit ng Digong ang pamamaraang ginamit noong eleksyon ng 2016 na sa pag-iingay kontra sa ipinagbabawal na gamot, pumailanlang siya mula kulelat sa limang aspirante sa pagka presidente tungo sa Numero 1 sa bisperas ng eleksyon. Hindi na kakailanganin pa ang ipukol ng bayan ang kanilang mga boto upang masabing si Duterte na ang bagong presidente. Isang eksperto sa eleksyon ang nagsabi na ang kampanyang ginawa ni Duterte ay CIA lamang ang may kakayahang gawin.
Nabigo si Duterte na muling gamitin ang isyu ng bawal na gamot sa kanyang kapakinabangan ay ipinakita ng biglang  pag-excuse sa kanya ng Blue Ribbon Subcomittee sa nagaganap na imbestigasyon nito sa giyera kontra bawal na gamot. Pahayag ni Subcommittee Chair Koko Pimentel, “Napagpasiyahan
po ng komite na l-excuse na kayo sa hearing na ito. Thank you, Sir…”
Nang ayaw pa ring tumayo si Duterte mula sa kanyang  kinauupuan, nagpahayag si Senador Pimentel na sa ayaw at sa gusto ni Duterte, tapos na ang kanyang testimonya.
Ewan kung bakit ayaw pa ring tumayo ni Duterte. Parang may kung anong bagay meron sa salumpuwit ng kanyang pantalon na patuloy na nagdikit sa kanya sa upuan na kung kaya siya ay hindi makatayo. Naglapitan na lang sa kanya ang mga kaibigang senador at nakipagpalitan ng pagbati, pangungumusta, etc. Hanggang matapos ang video, patuloy na nakaupo ang dating pangulo.
Sa anu’t-anuman,  naipauna na niya na kahit abutin ng umaga, gawin nila upang tapusin ang usapin tungkol sa bawal na gamot. Gaya nga ng pagpuna ni Senador Risa Hontiveros, sa lahat ng resource person, si Duterte ang may pinakamahabang opening statatement na roon ay at least dalawang beses niyang inulit na inaako niya, at niya lamang, ang lahat ng responsibilidad — ligal, moral at kriminal —  mga ginawa ng kapulisan alinsunod sa kanyang mga utos. Kung bakit nang tanungin siya ni Senador Risa Hontiveros kung inaako niya rin ang responsibilidad sa pagkamatay ni Kian de los Santos ay biglang bago ang ihip ng hangin.
“Magtanong ka muna sa abogado. Hindi tatanggapin iyan sa korte,”  putol ni Duterte sa senador.
“Pwede akong magtanong sa abogado, pero ang ibig ko lang liwanagin ay ang pahayag ninyo na inaako ninyo ang responsibilidad sa mga ginawa ng mga pulis bilang pagsunod sa inyong utos. Sa kaso ni Kian de los Santos, inaako nyo rin ba ang responsibilidad?
Guilt is personal, galit na paliwanag ni Duterte. Ibig sabihin, kung hindi ma-establish ang kanyang personal na responsibilidad sa pagkamatay ni De los Santos, hindi iyun titindig sa korte.
Sa palitan ng paliwanagan, dumating si Duterte sa pahayag na haharapin niya ang mga patutsada ni Hontiveros sa impiyerno. Sagot ni Hontiveros na walang hurisdiksyon ang senado sa impiyerno. Gusto niya lang klaruhin ang pahayag ni Duterte na inaako nito ang mga ginawa ng mga pulis bilang pagsunod sa kanyang utos.
Kumbaga sa English, apples and oranges. Reklamo ni Hontiveros apples, paliwanag ni Duterte oranges, paano sila magkakaintindihan?
Abogado si Duterte, at pagmamalaki nga niya, mahaba ang kanyang panunungkulan bilang prosecutor ng Davao. Alam niya kung papaano lalaruin ang proseso ng hukuman upang ang isang mansanas ay maging dalanghita.
Masdan itong kasong forcible entry na isinampa ko sa mga nang-agaw ng bahagi ng aking property maraming taon na ang nakararaan. Ang inagaw ay lupa, subalit ang impormasyon na inilagay ng prosecutor sa demanda ay bahay ang inagaw. Kaya nang tanungin kami (ako, asawa ko at mga anak) ng huwes kung napipigilan ba kami ng paglabas-pasok sa aming bahay at sumagot kami ng hindi (dahil yung inagaw na bahagi ng aming property, “hindi bahay” ang aming inirereklamo) nagpasiya ang huwes na hindi nagkasala ang mga mang-aagaw ng bahagi ng aming property. Ganyan kagaling ang mga prosecutor.
At malinaw na sa pagdalo ni Duterte sa imbestigasyon ng senado sa giyera kontra droga, gagamitin niya ang kanyang hasang galing bilang prosecutor upang pagmukhaing “naranhita” ang inirereklamong “mansanas”.
Kaya nga ang hamon niya sa mga senador ay huwag bibitiw sa isyu sukdulang abutin sila hanggang umaga upang matapos ang usapan tungkol dito. Kung aakuin nga naman niya ang responsibilidad sa pagkamatay ni Kian de los Santos, iyun ay lantaran nang pag-amin ng kasalanan sa pagkamatay ng binatilyo at samakatuwid nagbibigay ng karapatan sa huwes na humahawak sa kaso na mag-isyu na ng arrest warrant laban kay Duterte.
Lumalabas na ang maaaring magandang bunga para kay Duterte ng magdamag na imbestigasyon ng senado ay ang malayang pagmumura na gustong istilo niya ng maraming mamamayang Pilipino. Kailangan niya ang suporta ng malawak na sambayanang Pilipino ngayong siya ay nahaharap sa pag-aresto ng International Criminal Court (ICC) dahil sa maramihang extra judicial killings (EJK) na naganap sa Duterte war on drugs.
Sa lumilitaw, ang atake ni Duterte sa mga paratang ng EJK ay ang ipakita sa sambayanan na kailangan niyang gawin ito upang “pangalagaan ang bansa at ang sambayanang Pilipino.”
Isang sambayanang nabulabog sa muling pagbabalik ng salot ng bawal na gamot (tulad aniya ng pag establisa ng gawaan ng shabu mismong sa pagkapitbahayan ng Malakanyang) ang inaasahang mabisang pangontra ni Duterte sa pag-aresto ng ICC. Hindi pinagtiyap lamang ng panahon ang paglakas ng kilusang Maisug sa posibilidad ng pag-aresto ng ICC kay Duterte.
Ganyang nakaamba na ang arrest warrant ng ICC, ang nakikitang mabisang pangontra rito ay people power.
Ang pamumustura ni Duterte sa imbestigasyon ng senado sa kanyang war on drugs ay dapat na ginintuang oportunidad na sindihan ang alab ng nakikinikinitang malawakang people power laban sa pag-aresto ng ICC. Nangyari nga lang na naging matalino ang senado na huwag patangay sa pagpapasaimpiyerno sa kanila ng dating pangulo.
Mintis ang pakulo ng dating pangulo.
- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -