27.2 C
Manila
Huwebes, Disyembre 26, 2024

Sen Tolentino naghatid ng tulong at pakikiramay sa ‘Kristine’ evacuees sa Batangas

- Advertisement -
- Advertisement -

PINANGUNAHAN ni Senate Majority Leader Francis ‘Tol’ Tolentino ang pamamahagi ng relief goods para sa halos 2,000 pamilyang inilikas sa apat na bayan sa lalawigan ng Batangas na biktima ng pananalasa ng bagyong Kristine noong isang linggo.

Nagtungo si Tolentino at ang kanyang team sa iba’t ibang evacuation centers sa Talisay, Laurel, Agoncillo, at Lemery na dumanas ng malawakang pagkasira dulot ng pagbaha at pagguho ng lupa sa kasagsagan ng bagyo.

Sa Talisay, inihayag ni Tolentino sa mga evacuee na bilang katabing lokalidad ng Tagaytay, itinuturing niya na parang kapitbahay ang bayan ng Talisay. “Kaya noong huling pumutok ang Taal, hindi ako nag-atubili na tumulong, kung kaya’t tayo’y nakapagpagawa ng housing project para sa 400 inilikas na pamilya rito,” ani Tolentino sa panayam ng mga mamamahayag.

Magugunita na bumisita rin ang senador sa Talisay noong Martes para makidalamhati sa mga biktima ng landslide na nagdulot sa pagkasawi ng 20 residente, na karamihan ay mga bata. Namahagi sya ng tulong pinansyal sa mga kaanak, at sinamahan din ang mga ito sa paglilibing ng mga nasawi.

Samantala, kasama rin sa mga namahagi ng tulong ang dalawang anak na lalaki ng senador. Nanguna si Tagaytay City Councilor Michael Francis ‘Micko’ Tolentino sa pamimigay ng relief goods sa Lemery, habang si Patrick Andrei Tolentino naman ang nanguna sa relief teams na nagtungo sa Laurel at Agoncillo.

“Sa pag-alala natin sa ating mga namayapang mahal sa buhay ngayong undas, nawa’y isama rin natin sa ating mga panalangin ang mga biktima ng bagyo na nawalan din ng kaanak, bahay, at kabuhayan,” pagtatapos ni Tolentino.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -