HINIMOK ni Senador Win Gatchalian ang National Electrification Administration o NEA na tiyaking sumusunod ang lahat ng electric cooperatives sa mga requirement ng Electric Cooperatives Emergency and Resiliency Fund o ECERF Law upang maiwasan ang masamang epekto ng mga natural na kalamidad, tulad ng bagyo, sa suplay ng kuryente.
Ang panawagan ni Gatchalian, vice-chairperson ng Senate Committee on Energy, ay kasunod ng malawakang epekto na dulot ng bagyong Kristine sa maraming mga kabahayan na nawalan ng kuryente. Ngayon at humahagupit na rin sa bansa ang Super Typhoon na Leon, maaaring magkaroon pa ng mas maraming kabahayan sa bansa na walang kuryente.
“Ang layunin ng ECERF ay hindi lamang magbigay mga pondo para sa mga electric cooperatives na i-rehabilitate at ayusin ang mga nasirang imprastraktura ng mga ito kasunod ng mga hindi inaasahang pangyayari tulad ng bagyo. Ang ECERF ay ginagamit din upang matiyak na ang mga distribution utilities, katulad ng Meralco, ay matatag upang makayanan ang mga kalamidad,” ani Gatchalian. Itinatag ang ECERF bilang paunang pondo o isang ‘ready fund’ na maaaring magamit ng mga EC para sa mas mabilis na pagpapanumbalik ng mga pasilidad ng kuryente na nasira ng mga natural na kalamidad. Ang pondo ay pinangangasiwaan at pinamamahalaan ng NEA.
Bilang pangunahing may-akda ng ECERF law, sinabi ni Gatchalian na ang mga EC ay kinakailangang magsumite ng taunang vulnerability and risk assessment (VRA), emergency response plan (ERP), mitigation plan (MP), at resiliency compliance plan sa NEA. Dagdag pa rito, inaatasan ang mga EC na isumite ang status ng kanilang mga mitigation projects.
Dahil ang Pilipinas ay isa sa mga bansang sinasabing pinaka vulnerable sa climate change risk at natural disasters, kailangang pag-ibayuhin ng mga EC ang kanilang resilience para maiwasan ang power interruption o kahit man lang paikliin ang panahon ng mga ganitong insidente, ipinunto ng senador. Ang NEA ay humiling ng pondo na P200 milyon para sa pagpapatupad ng ECERF para sa susunod na taon.
Samantala, nag-utos na ang Pangulong Marcos sa lahat ng ahensya ng gobyerno na maghanda sa posibleng paghagupit ng bagyong Leon, lalo na’t marami pa ring mga lugar ang hindi pa nakakabangon sa pinsalang dulot naman ni ‘Krstine.’