29 C
Manila
Martes, Enero 21, 2025

Tagalog at Filipino: 2 magkaibang wika?

WIKA NGA

- Advertisement -
- Advertisement -
MARAMING naniniwala na dalawang magkaibang wika ang wikang Tagalog at ang wikang pambansa, ang Filipino. Dalawang magkaibang wika nga ba ang mga ito?
Matagal nang ibinibigay na halimbawa ng pagiging magkaibang wika ng Tagalog at Filipino ang dalawang halimbawang pangungusap sa ibaba:
Tagalog: May pulong ang mga guro mamaya.
Filipino: May miting ang mga titser mamaya.
Batay sa dalawang pangungusap na ito, tama bang sabihin na ibang wika na nga ang Filipino sa Tagalog? Ang sagot: hindi. Pansinin na dalawang salita lamang ang naiba sa bawat pangungusap: pulong sa Tagalog na may katapat na miting sa Filipino at guro sa Tagalog at ang katapat nitong titser sa Filipino. Pero pareho ng estruktura ang dalawang pangungusap. Parehong nagsisimula sa “may” na nangangahulugan ng estado ng pagkakaroon, parehong gumamit ng “ang” at pamparaming “mga” bago ang salitang guro/titser at pareho ring gumamit ng “mamaya” na nagsasabi kung kailan.
Samakatuwid, sa antas lamang ng bokabularyo nagkaiba ang pangungusap na Tagalog at ang pangungusap na Filipino.
Paano ba malalaman kung dalawang magkaibang wika ang gamit ng dalawang nag-uusap? Simple lang. Kung nagkakaintindihan sila, iisang wika lang ang gamit nila. Posibleng may mga salitang binibigkas nila nang magkaiba (halimbawa, hayup vs. hayop), magkaiba ng anyo (halimbawa, matutuhan vs. matutunan), magkaiba ng sunuran ng mga salita (halimbawa, hindi po ba? vs. hindi ba po?), atbp.
May 180 wikang sinasalita sa Pilipinas, tulad ng Ilokano, Pangasinan, Kapampangan, Hiligaynon, Kankanaey, Kiniray-a, Binisaya, Boholano, Maranao, Tausug, at marami pang iba. Ang Tagalog at Filipino ay nakatala bilang magkaibang wika.
Ang Tagalog
Tagalog ang wikang sinasalita sa mga probinsiyang tinatawag na Katagalugan, tulad ng Bulacan, Nueva Ecija, Batangas, Cavite, Laguna, Rizal, at iba pa. Ito rin ang wika sa Maynila at mga karatig-pook na bumubuo sa Metro Manila.
Pinaniniwalaan na ang salitang Tagalog ay nabuo mula sa pinagsamang “taga-“ (naninirahan sa, o galing sa) at “ilog.” Ibig bang sabihin, ang mga Tagalog (mga taong nagsasalita ng wikang ito) ay nakatira sa ilog? Ang totoo, hindi “ilog” kundi “alog” ang salitang bumubuo sa Tagalog: taga-+alog. Hindi na karaniwang naririnig ang salitang “alog.” Nangangahulugan ito ng: 1. Pook na ang ilog, sapa o labak ay maaaring tawirin sa pamamagitan ng paglulunoy o paglakad sa tubig. 2. Pagtawid sa ilog, atbp. sa pamamagitan ng paglulunoy. (Diksyunaryo ng Wikang Filipino Sentinyal Edisyon, Komisyon sa Wikang Filipino, 1998). Ang paglulunoy ay “paglakad sa tubigan.” Mababaw lamang ang tubig, at puwedeng maglakad lamang sa pagtawid.
Hindi kailanman naideklarang “pambansang wika” ang Tagalog. Ito ay batayan ng wikang Pambansa, ayon sa Atas Tagapagpaganap Blg. 134 noong 1937 ng noo’y Pangulo ng Komonwelt na si Manuel L. Quezon. Nagkaroon ng pag-aaral sa mga wika sa buong bansa, at napili ang Tagalog bilang batayan dahil sa mga sumusunod: 1. Maraming tagapagsalita at maunlad na wika; 2. May mayamang tradisyong pampanitikan; 3. Ito ang wika sa Maynila, na sentro ng gobyerno at negosyo. Ang huli ang pinakamabigat at lohikal na dahilan sa pagkapili sa Tagalog bilang batayan ng wikang pambansa.
Itinatag ang Surian ng Wikang Pambansa (SWP) noong 1937 (Komisyon sa Wikang Filipino o KWF na ngayon). Inilabas ng SWP ang Balarila ng Wikang Pambansa noong 1940; naglatag ito ng mga tuntunin sa gramatika at wastong gamit ng wika. Sinimulang ituro ang Pambansang Wika (National Language) sa mga paaralang sekundarya at normal (paaralang pangguro) noong 1940 ngunit hindi ito tinawag na “Tagalog” kundi “Pambansang Wika” o “National Language.” Naabutan ko pa noong elementarya at hayskul ang ganitong tawag sa aming sabjek na tumalakay sa balarila at panitikang Tagalog.
Noong 1959, iniatas ng Kawanihan ng Edukasyon na gamitin ang terminong Pilipino kapag tinutukoy ang wikang Tagalog. Noong 1987, tahasan nang ipinahayag sa Konstitusyon na ang wikang Pambansa ay Filipino.
Iyan ang naging paglalakbay ng wikang Tagalog hanggang sa kasalukuyan.
Bagama’t naging Filipino na ang tawag sa wikang pambansa (at pati sa tao, kung susundin ang sinasabi ng ilan) marami pa ring gumagamit ng terminong Tagalog. Tagalog pa rin ang tawag sa ibang bansa sa wika ng mga Pilipino, Tagalog courses ang tawag pa rin sa mga kurso, siguro dahil ito ang nakagawian na ng marami.
Ang Filipino
Kung ang Filipino ay wikang hiwalay sa Tagalog, ano ang ponolohiya, morpolohiya at sintaks ng wikang ito? Hindi ba’t hango sa Tagalog ang estruktura nito? Ang estruktura ng Tagalog ni Balagtas, na sumulat ng Florante at Laura mahigit dalawang dantaon na ang nakararaan ay tulad din ng estruktura ng mga makata sa Filipino sa ngayon.
Isa sa mga argumento kung bakit ibang wika ang Filipino ay dahil daw napakayaman na ng bokabularyo nito, maraming salitang hiram, at nakaaagapay ang mga terminolohiya sa antas ng teknolohiya ng makabagong panahon.
Sadyang hindi maiiwasan ang panghihiram ng mga salita, lalo na ng mga katawagang tumutukoy sa mga makabagong bagay, tulad ng computer, cell phone, wifi, at iba pa. Totoo rin na maraming maoobserbahang pagbabago, halimbawa,  sa paglalapi (nangengealam sa halip na nakikialam), paggamit ng siya sa pagtukoy sa bagay (masarap siya, bagay siya – damit -sa iyo), puwesto ng enklitik (hindi ba po sa halip na hindi po ba), atbp.
Sinasabi rin na sa dinamiko at ngangayuning Filipino, laging nauuna ang simuno o paksa ng pangungusap kaysa sa panaguri. Halimbawa, “Pilipino ako” at hindi “Ako ay Pilipino.” Totoo nga na para kang nagsasaling-wika, o naimpluwensiyahan ng  Ingles kapag sunod-sunod na may “ay” ang iyong mga pangungusap.
At sabi pa, maligoy raw ang Tagalog, masalita. Paikot-ikot bago matumbok ang ibig sabihin. Samantala, mas deretsahan at mas matipid sa salita ang makabagong Filipino.
Matipid? Hindi naman palagi. Halimbawa, ngayong madalas bumagyo, binabaha na naman tayo ng pahayag na “tubig-baha.” E ano ba ang bumabaha? Di ba tubig naman talaga. Noong bata ako, baha lamang ang tawag namin sa tubig na nananatili sa mga kalye kapag high tide o kapag malakas ang ulan. Pero dahil siguro sa impluwensiya ng Ingles (flood water sa Ingles), kaya nauso sa media ang tubig-baha.
Magkaibang wika nga ba?
Hindi. Iisang wika na binigyan ng bagong pangalan. Pareho pa rin ang ponolohiya, morpolohiya at sintaks ng Tagalog at Filipino. Iyon pa rin ang estruktura ng dalawa. Yumaman ang bokabularyo, may ilang pagbabago sa paglalapi (pagbubuo ng salita o morpolohiya), may bago nang alpabeto (28 letra na, hindi na 20 lamang ng Abakada), pero ang mga makabuuhang tunog ay 21 pa rin. Sa pangkalahatan, pareho lamang ang sintaks ng Tagalog at Filipino. Sadya lamang may mga pagbabago, tulad din ng ibang mga buhay na wika.
Politikal ang desisyong tawaging Filipino ang Tagalog.
Kaya nakakatawa ang pamagat na “Makabagong Balarilang Filipino.” Bakit makabago? Mayroon bang makaluma?
- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -