30.3 C
Manila
Martes, Nobyembre 5, 2024

Kalamidad, hindi pagkakapantay-pantay at bulnerabilidad

- Advertisement -
- Advertisement -

NAKAPANLULUMO mang isipin ay tila laging magiging napapanahon ang talakayan ukol sa kalamidad dahil sa laganap at madalas nitong katangian sa sitwasyon ng Pilipinas.  Subalit hindi dapat inormalisa ang pagiging pangkaraniwan nito na tila ba kakambal na ng ating buhay at para bang tanggap na natin bilang isang tadhana at wala na tayong magagawa. Sa katotohanan, taglay natin ang kolektibong ahensiya na baguhin ang ganitong pananaw at pagkakasadlak.

Bago ang anupaman, sinisimulan dapat ang talastasan ukol sa kalamidad sa pamamagitan ng pag-alam at pag-usisa sa mga batayang konsepto at usapin na nakapaloob dito.

Unang-una, ano nga ba ang kalamidad? Ayon sa United Nations Office for Disaster Risk Reduction (UNODRR), ang kalamidad ay tumutukoy sa matinding pagkagambala (o disrupsyon) sa normal na pag-iral ng isang komunidad o lipunan bunga ng panganib na hatid ng isa o kalipunan ng mga pangyayari.

Dis + astro
Alinsunod sa depinisyong nabanggit at sa anumang pamantayan, maituturing na isang negatibong karanasan ang kalamidad. Kapansin-pansin din ang negatibong pagpapakahulugan ng salitang disaster mula sa mismong etimolohiya nito.  Mula ang disaster sa salitang Italian na “disastro”
(dis + astro) na ang ibig sabihin ay “bad star.”  May kaugnayan ito sa sinaunang paniniwala na may kinalaman diumano ang posisyon ng mga planeta at tala sa mga nagaganap na unos.

Bilang saksi o halaw mismo sa ating aktwal na karanasan, kapansin-pansin ang matinding epekto ng kalamidad sa kaligtasan, kabuhayan, kapanatagan, kaginhawahan at hinaharap ng mga mamamayan lalo na ng mga pinakabulnerable. Naaantala nang labis ang serbisyo publiko, kabuhayan, pag-aaral, komunikasyon, at transportasyon sanhi ng ligalig at interapsyon sa mga sambahayan, institusyon, at umiiral na sistema.


Mahalagang maintindihan din na ang isang kalamidad ay maaari ring magbunga ng secondary disaster kagaya ng tsunami at sunog matapos ang isang malakas na lindol. Nakapaloob tayo sa isang mas malaking ekolohiya at integrated network kaya makikitang may pagkakaugnay-ugnay at compounding effect ang mga kalamidad.

Pisikal at pangkalikasan ang karaniwang paglalarawan natin sa kalamidad subalit mahalagang mabigyang pansin din ang panlipunan, politikal, sikolohikal, pangkasarian at etikal nitong dimensyon at implikasyon.

Klasipikasyon
Ang kalamidad ay maaaring magkaroon ng iba’t ibang klasipikasyon.  Isa sa maraming paraan ng pag-uuri ay kung ang kalamidad ay geophysical (lindol, pagputok ng bulkan), hydrological (baha), meteorological (bagyo), climatological (drought, heat wave), biological (epidemya, infestation), kemikal/industrial (oil spill) o nuclear (nuclear meltdown). Isa pang kategorisasyon ay kung ito ay slow-onset o sudden-onset. Maituturing na slow-onset ang kalamidad kung mabagal ang proseso ng paghantong nito kagaya ng drought at desertification na kapwa banta sa produktibidad ng sektor ng agrikultura.  Kinokonsidera namang sudden-onset ang kalamidad kapag daglian o hindi inaasahan ang kaganapan kagaya ng lindol, malakihang pagsabog, at sunog kagaya ng structural fire at wild fire.

Sa konteksto ng pagkalason, halimbawa, maaari itong maiklasipika bilang chronic o acute.  Ang matagal na pagkalantad sa nakalalasong kemikal sa sakahan o pabrika na unti-unting nakapipinsala sa mga magsasaka at manggagawa ay halimbawa ng chronic poisoning.  Kinalaunan, ito ay maaaring humantong sa malubhang pagkakasakit at kamatayan.  Samantala, ang pagkalason sa isang handaan (food poisoning) na dagliang nagresulta sa iba’t ibang sintomas at ospitalisasyon ay halimbawa naman ng acute poisoning.

- Advertisement -

System-induced disaster
Mayroon ding isa pang kategorya ng kalamidad na tinatawag na anthropogenic disaster, human-made disaster o system-induced disaster.  Kabilang dito ang mga nuclear disaster, oil spill, maritime accident at iba pa.  Sa katunayan, inihahanay din sa system-induced disaster ang terrorist attack, militarization, human rights violation at iba pang tinatawag ng United Nations na complex emergencies.  Alinsunod sa lohikang ito, maituturing din na system-induced disaster ang iba’t ibang porma ng development aggression na nagtataboy sa mga katutubo mula sa kanilang lupang ninuno (ancestral land) bunga ng mga mapanghimasok, mapanira, at mapagsamantalang proyekto ng mga malalaking negosyo kasabwat ang mga nasa kapangyarihan.

Esensyal ding mabigyang diin na may mga natural na kalamidad na kinapapalooban ng kapabayaan ng sistema. Taliwas ito sa karaniwang pananaw at pagpapalagay na ang natural disaster ay “purely natural.” May mga argumento ngang wala naman talagang “purely natural” na kalamidad dahil laging kinasasangkutan ito ng pang-aabuso o kapabayaan ng sistema.  Sa kontekstong ito, ang baha ay hindi maituturing na natural na kalamidad kung ang sanhi nito ay ang pagkasira ng kagubatan at kapabayaan sa flood management.  Ganoon din ang lindol kung may pagpapabaya sa pagtiyak ng structural integrity ng mga imprastraktura.  Kung minsan ay tinatawag din ang mga ito na human-magnified natural disaster. Dahil din sa kagagawan ng mga nananaig na sistemang pang-ekonomiya at puwersang panlipunan ay lumalala ang global climate change na nagbubunsod sa mas matitinding kalamidad na ating nasasaksihan sa kasalukuyan.  Kabilang sa sanhi ng global climate change ang pagpapabaya at pang-aabuso sa kalikasan sa porma ng malawakang deforestation, coal mining, at land-use conversion na pawang systemic at structural ang katangian.

Masasabing ang korapsyon ay isa ring porma ng kalamidad. Maraming kaso ng kagutuman, pagkakasakit at kamatayan ang dapat sanang naiwasan kung nailaan sa tama ang pondo ng sambayanan at hindi lamang nauwi sa korapsyon at pandarambong.  May mga kalamidad din sanang naiwasan kung walang katiwalian sa pagpapatupad ng batas at regulasyon sa pagtiyak ng kaligtasan ng mga gusali, kalsada, tulay, riles, paliparan at daungan sa pampubliko o pampribadong sektor man.

Hindi pagkakapantay-pantay at bulnerabilidad
Ang panganib na hatid ng kalamidad, ayon pa rin sa United Nations, ay naiimpluwensiyahan ng maraming salik tulad ng banta (threat), pagkalantad (exposure), bulnerabilidad (vulnerability), at kapasidad (capacity). Ang bulnerabilidad o kapasidad ay maaaring may kinalaman sa alinman o kombinasyon ng sosyo-ekonomikong kalagayan, kasarian, etnisidad, edad, kalusugan, abilidad, pinag-aralan, heograpiya, at iba pa.   Maaaring iuri ang banta at pinsala ng unos bilang pangkalusugan, pang-ekonomiko, pang-imprastraktura, pangkalikasan o kombinasyon ng mga nabanggit dahil sa masalimuot o complex nitong katangian.

Sa isang lipunang laganap ang hindi pagkakapantay-pantay (social stratification), mayroong mga grupo na mas bulnerable sa peligro at pinsala.  Masasabing ganito rin ang sitwasyon sa pagitan ng mga mayayaman (Global North) at mahihirap (Global South) na bansa sa daigdig. May kinalaman dito ang kanilang mas malaking pondo at mas mataas na antas ng edukasyon, teknolohiya, at pananaliksik.

Disaster risk reduction management
Sa isang bansa kagaya ng Pilipinas na nangunguna sa World Risk Index ay napakahalaga ng magkakaugnay na yugto ng emergency management na binubuo ng disaster mitigation, disaster preparedness, disaster response, at disaster rehabilitation. Kabilang sa disaster mitigation ang pagpapatibay sa mga dike at pagkakaroon at pagpapatupad ng maayos na land-use planning.  Kasama naman sa disaster preparedness ang paghahanda ng mga disaster kit and prepositioning ng mga ayuda at kagamitan sa takdang lugar.  Samantala, sinasaklaw ng disaster response ang dagliang relief drive, evacuation, search and rescue, at psychological first aid.   Ang disaster rehabilitation na may layuning muling makabalik ang mga survivor sa normal na daloy ng buhay ay tumutukoy naman sa pag-oorganisa ng komunidad, pagpapanumbalik ng sigla ng komersyo, at maging pagpapautang ng puhunan o kapital.  Napakahalaga ng maayos at maaasahang datos (quality disaster data) upang epektibo at responsableng maipatupad ang bawat yugtong nabanggit at ang mga kaukulang gampanin.

- Advertisement -

Dahil sa malaganap na kaso ng kalamidad, minabuti ng United Nations na ibalangkas ang dulog nito alinsunod sa disaster risk reduction management framework. Ayon sa UNODRR, ang disaster risk reduction management ay tumutukoy sa aplikasyon ng mga patakaran at istratehiya sa disaster risk reduction na may layuning (1) makaiwas sa mga bagong panganib na hatid ng kalamidad, (2) mapababa ang panganib ng mga kasalukuyang kalamidad, at (3) matugunan ang mga kaakibat na residual risk.  Ang residual risk ay tumutukoy sa mga panganib na nananatili sa kabila ng antisipasyon at mga isinagawang paghahanda.  Inaasahan ng UNODRR na sa pamamagitan ng DRRM ay mapapalakas ang resiliency ng mga komunidad at mapapababa ang pinsalang hatid ng kalamidad sa kabuhayan at kaginhawahan.

Ayon pa rin sa ahensiyang ito, mahalagang matukoy ang magkakaiba subalit magkakaugnay na uri ng disaster risk management kagaya ng (1) prospective disaster risk management, (2) corrective disaster risk management, at (3) compensatory disaster risk management, (4) community-based disaster risk management, at (5) local and indigenous people’s approach to disaster risk management.

Layunin ng prospective disaster risk management na maiwasan ang pagsulpot ng mga panibagong panganib na hatid ng kalamidad sa pamamagitan halimbawa ng sustainable land-use planning, forest governance, at sewage management system. Maituturing namang mahalaga ang papel ng corrective disaster risk management sa gitna ng umiiral nang disaster risk.  Kabilang dito ang retrofitting ng mga mapanganib na imprastraktura at ang relokasyon ng mga bulnerableng populasyon.  Mananatiling may panganib pa rin sa kabila ng paghahanda kaya mahalaga rin ang compensatory disaster risk management.  Kasama rito ng prepositioning at pamamahagi ng mga kagamitang pansalba at ayuda.  Kabilang rin dito ang mga emergency loan para sa mga nasalanta. Kapwa mahalaga ang community-based disaster risk management at local and indigenous people’s approach to disaster risk management upang tiyaking nakakonteksto (o nakapook) sa karanasan ng komunidad, may mahalagang partisipasyon ang mga mamamayan, at maipaloob din ang indigenous knowledge systems and practices (IKSP) ng mga katutubo sa pagbabalangkas at pagpapatupad ng DRRM.

Ayon sa mga dalubhasa, mitigasyon at paghahanda ang dapat maging diin ng aksyon sa DRRM dahil sa pamamagitan ng dalawang ito tunay na makakaiwas sa kalamidad at maiibsan ang mga pinsalang hatid nito kung mangyari man.

Panawagan ng pagkilos
Parehong mahalaga ang papel na ginagampanan ng pagsasabatas (legislation) at pagpapatupad (execution) sa DRRM praxis. Sa ideyal na kondisyon, kapwa dapat pinauunlad ng dalawa ang isa’t isa. Ang batas at patakaran ang gumagabay sa pagpapatupad ng DRRM samantalang ang karanasan naman sa aktwal na implementasyon ang kinalaunang magbibigay hubog sa legislative at policy reform.

Sentral din ang papel ng komunidad sa disaster risk reduction management.  Aktibong bahagi dapat ang mamamayan sa pagpaplano, pagpapapatupad, pagmomonitor at pagsasagawa ng ebalwasyon ng mga patakaran, programa at proyektong may kinalaman sa DRRM.  Hindi lamang dapat decision-takers (passive) ang mamamayan bagkus ay kailangan nilang maging decision-makers (active) sa pamamagitan ng pagiging bahagi ng buong proseso. Masyadong mahalaga ang DRRM sa kapakanan ng bayan para ipaubaya lamang sa iilan.

Para sa reaksyon, maaari ring umugnay sa pamamagitan nito: [email protected]

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -