29.1 C
Manila
Biyernes, Nobyembre 22, 2024

Ang Ika-76 taon ng Frankfurt Book Fair sa Germany

- Advertisement -
- Advertisement -

Una sa serye

DINAYO ng napakaraming tao mula sa iba’t ibang dako ng daigdig ang Frankfurt Book Fair sa Germany noong Oktubre 16-20, 2024. Pati ang delegasyon ng ating bansa ay nakapag-ambag sa tagumpay ng Frankfurt Book Fair (na tinatawag na ‘Frankfurter Buchmesse’ sa wikang Aleman). Sa pangunguna ng National Book Development Board (NBDB), at sa pakikipagtulungan ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) at ng Philippine Board on Books for Young People (PBBY), naging posible ang pagdalo ng 50 delegadong Pinoy sa naturang book fair na binubuo ng mga independent at establisadong publishers, gayon din ng mga creatives (mga awtor,  ilustrador , at graphic artists ng mga aklat).

Ang may-akda ng Puwera Usog Po kolum na si Dr. Luis Gatmaitan sa harap ng Book Fair building sa Frankfurt, Germany

Napakalaki ng venue ng naturang book fair. Kakayanin ko kayang maikot ang buong book fair? Gayon ang tanong ko sa sarili nang makita ang Frankfurt Trade Fair Grounds sa Frankfurt am Main. “Na-overwhelm ako,” sabi ni Michael Jude Tumamac, publisher ng Aklat Alamid mula sa Mindanao, na isa sa delegado ngayong taong ito. Totoo, overwhelming ang isang salitang maiaangkop dito. Pero ito siguro ang overwhelming na may kakaibang dulot na sigla o kilig sa loob.

Kapag mahilig ka sa aklat, maituturing na isang paraiso ang mapaligiran ka ng mga aklat. E, ano kung nakasulat ang mga aklat sa iba’t ibang wika ng daigdig gaya ng German, French, Spanish, Nihonggo, Vietnamese, Chinese, Arabic, Korean, at Filipino. Hindi kasi lahat ng aklat ay may bilingual edition. Sa ating bansa, marami tayong aklat (lalo na ang mga aklat pambata) na nakalathala sa dalawang wika: Filipino at English. Pero napansin ko na sa Germany, ang karamihan sa mga aklat ay walang English edition. Marami ring mga aklat (halimbawa’y nobela) mula sa ibang bansa na nakasalin sa wikang Aleman. Karamihan ng mga aklat sa Germany ay nakalathala lamang sa wikang Aleman. Namangha ako sa nakitang pagpapahalaga ng mga Aleman sa kanilang wika. Sa mga lektura at panel discussions naman, may mga available namang translation devices kung Aleman (o iba pang lahi) ang discussant.


Natipon sa FBF ang mga representatives ng maraming publishers mula sa iba’t ibang dako ng daigdig. Mula sa Asya, America, South America, Europa, at sa marami pang bansa, nakatampok ang mayamang ani ng kani-kanilang aklat. May mga aklat na nakalaan para sa mga bata (children’s books), may mga trade books (fiction, non-fiction), may academic books, at comic books. May isang lugar na nakalaan sa  isang genre ng panitikan na kung tawagin ay ‘New Adult‘ (kilala ito dati bilang young adult o YA books).

Ayon kay Juergen Boos, ang pangulo at CEO ng Frankfurt Book Fair, tinatayang may 114,000 trade visitors ang bumisita sa katatapos lamang na book fair (kumpara noong taong 2023 na may 105,000 trade visitors). Masasabing matagumpay ang fair kung ang pagbabatayan ay ang dami ng taong aktuwal na tumangkilik dito. Ginaganap ang book fair sa loob ng limang araw sa kalagitnaan ng Oktubre taon-taon. Ang unang tatlong araw ay ekslusibo lamang sa mga trade visitors (kagaya naming mga delegado mula sa Pilipinas). Dito kasi nagaganap ang international rights trade ng mga aklat. Ang huling dalawang araw ay bukas na sa publiko (pero may bayad). Dito sa huling dalawang araw puwedeng makabili ng mga aklat (na karaniwan ay ‘discounted’ na). Karaniwan kasi, ang mga aklat na ineksibit ng mga publishers ay ayaw na nilang iuwi sa kani-kanilang bansa kung kaya’t ibinibenta na nila ang karamihan dito. Bawas na nga naman sa bigat ng kani-kanilang bagahe pauwi.

- Advertisement -

Sa loob ng book fair, may lugar na inilaan para sa International Stage kung saan ginaganap ang mga panel discussions at lektura ng mga international authors, illustrators at publishers. Sa naturang ‘International Stage,’ dinaluhan ko ang panel discussion ng nobelistang si Butch Dalisay at ng historyador na si Ambeth Ocampo (sa isang sesyon kung saan tinalakay nila ang interseksiyon ng panitikan at kasaysayan). At siyempre, itinampok ni Ambeth Ocampo ang naging kaugnayan ng ating pambansang bayaning Dr Jose Rizal sa bansang ito. Matatandaang sa Berlin, Germany isinulat at inimprenta ni Dr Rizal ang kanyang mga nobelang Noli Me Tangere at El Filibusterismo.

 

May lugar din doon na kung tawagin ay Asia Stage. Ito ay katabi mismo ng booth ng Pilipinas. Ang publisher ng Rex Publishing ng Pilipinas na si Dominador Buhain ang naging sponsor ng Asia Stage, ang espasyong inilaan para sa mga talakayang patungkol sa mga isyung pang-rehiyon. Bukod sa Pilipinas, napalliligiran ang Asia stage ng mga booth mula sa Singapore, Vietnam, Korea, at Japan.

- Advertisement -

Ang Frankfurt Book fair ay hindi katulad ng karaniwang book fair na pinupuntahan natin dito sa Maynila (gaya ng Manila International Book Fair) kung saan ang mga nagpupunta ay nais lamang bumili ng aklat. Sa FBF, nagkakaroon ng pagkakataon ang mga publishers na bumili at magbenta ng international rights ng kani-kanilang aklat. Magandang pagkakataon ito para maitampok ang kani-kanilang bagong aklat (siyempre, kasama rito ang mga Pinoy books) at ang mga aklat na maituturing na bestsellers sa kani-kanilang bansa.

Bukod sa nagaganap na networking, mahalagang plataporma rin ang naturang book fair para tuklasin ang mga latest trends at development sa industriya ng paglalathala. Ang malayang pagpapalitan ng mga ideya sa pamamagitan ng mga lektura, interbyu, at panel discussions ay kapuri-puri. Nagkaroon din kami ng pagkakataon na makipagkita sa ilang publishers na nakilala sa Frankfurt Connect at makapag-pitch ng aming mga dala-dalang aklat mula sa Pilipinas.

 

Mapalad na napasama ang inyong lingkod sa mga delegadong tumungo rito. Ito ang unang pagkakataon kong makita ang itinuturing na ‘the biggest book fair in the world.’ Aaminin kong namangha ako sa dami ng aklat, gayon din sa dami ng taong tumatangkilik sa aklat, sa naturang book fair. Naisip ko, sadyang hindi kakayaning kitlin ng digital books ang mga pisikal na aklat. Patunay ang parang walang katapusang hanay ng mga physical books sa iba’t ibang palapag nang pinagdausan ng book fair.

 

 

Naalala ko ang komento ng isang kaibigan ko na bagama’t nagkaroon ng interes ang mga tao sa digital books, sa tingin daw niya ay pansamantala lang ito. Hindi nito mapatitigil ang produksyon ng mga pisikal na aklat. Ayon sa kanya, maaaring mag-plateau ang interes ng mga tao sa digital books at kalaunan ay magko-coexist lamang ito sa mga physical books. “Buhay at humihinga ang printed literature,” ayon ito kay Segundo Matias, Jr, publisher ng Lampara books at Precious Hearts Romances, na isa rin sa mga tumanggap ng grant para makadalo sa FBF. Ito rin ang kanyang obserbasyon sa mga nakatampok na aklat sa book fair.

 

(May karugtong)

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -