27.4 C
Manila
Sabado, Nobyembre 23, 2024

Saan dadamputin si Sara?

ULTIMONG BIGWAS

- Advertisement -
- Advertisement -
TINGNAN natin.
Ang unang impresyon ko sa Bise Presidente ay matapang siya. Nakita ko kung paanong sa kanyang pagdating sa isang demolition site sa Davao City noong panahon na siya ang mayor ng siyudad ay galit at malakas niyang inupakan ang sheriff. Walang nagawa ang kawawang sheriff kundi parang maamong tupa na basta na lang tinanggap ang insulto’t sakit ng pananapok ng mayora.
Ayon sa report, tinagubilinan ni Sara ang Sheriff na huwag gawin ang demolition hangggang wala pa siya. Dahil sa hindi pagsunod ng sherriff sa tagubilin, sinapok siya ng mayor.
Hinangaan ng publiko si Sara sa kanyang ginawa. Naging larawan siya ng isang opisyal publiko na ipinaglalaban ang kapakanan ng mga mamamayan. Na para bang kasalanan pa ng sheriff na ginawa niya ang demolition sa kabila ng pagpapatigil dito ng mayor.
Tulad ko, hindi na inalintana ng marami na ang pinag-uusapan sa isyung iyun ay ang pagpapatupad ng batas. Ke sehuda kung mayor ka, May kautusan na ang korte sa demolisyon at tungkulin ng sheriff na iyun ay ipatupad.
Garapal na pang-aabuso sa kapangyarihan ang ginawa ni Sara sa pagkakataong iyun. Animo’y saragateng siga na mang-uupak sa isang inosenteng nilalang na walang maipanlaban sa pangkat ng mga sanggano’t masasamang loob.
Sa kalipunan ng mga tao na ang dinidiyos ay ang mga Asiong Salonga at Nardong Putik, maiiba pa ba kung titingalain ang isang Duterte? Tandaan na mula sa kulelat sa listahan ng mga kandidato para sa presidente noong halalan ng 2016, ang Digong ay pumailanlang  sa unahan taglay ang sangganong sigaw na papatayin niya ang lahat ng durugista.
At ang kalakhan ng administrasyong Duterte ay tinampukan ng maramihang pagpatay kapwa sa mga drug user at drug pusher.  Ito ngayon ang mga kasong kinakaharap ni PRRD sa International Criminal Court (ICC) sampu ng kanyang mga alipures. Ang kasong ito na maaring magbunga ng pagkaaresto ng dating pangulo ay kinatigan ng administrasyong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. Mahahalata na sa pagputok ng isyu ng paglilitis ng ICC sa mga EJK  (extra judicial killing) ni Digong nagsimulang umasim ang “Uniteam” nina Bongbong at Sara.
Kinuwestyon sa Kamara ang paggasta ng DepEd sa P150 million confidential at intelligence funds sa loob lamang ng 11 araw at sa isang pagdinig ng kongreso ay nagpahayag ang noon ay DepEd Secretary na bibitawan na niya ang nasabing pondo. Pagsapit ng Hunyo 19, 2024,  nagbitiw ang Bise Presidente bilang  Education Secretary at Vice Chairman ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC). Walang ibinigay na dahilan si Sara sa pagbibitaw at mangyari pa, naroroon ang pakitang-tao na pakikipagmabutihan pa rin kay Pangulo Bongbong. Subalit ipinakita ng mga sumunod na pangyayari na ang Uniteam ay dumating na sa ganap na pagkawasak.
“Meron tayong adik na presidente. Bangag noon. Bangag ngayon,” pahayag ni PRRD sa pagsisimula ng serye ng mga ipinamamarali na mga prayer rali na pinangalanang Maisug. Sa salitang Bikol, ang ibig sabihin ng maisug ay matapang.
Sa kabisayaan na balwarte ng mga Duterte,  ang Maisug ay humarap sa matinding panggigipit ng estado, tulad ng di pagbibigay ng permit o panghaharang gamit ang malalaking trak ng pamahalaan, tulad ng nangyari sa Iloilo at Dumaguete.
Sa Pampanga, lumitaw na tagumpay ang rali ng Maisug, subalit oras na umakyat na sa entablado si Baste Duterte, biglang nabunyag na ang mga taong nagtipon ay mga nadadamitan ng may tatak BBM at humihiyaw ng “Marcos Kami!” Kawawang Baste, napakamot na lang sa batok, di malaman ang gagawin. Sa bandang huli, itinaas ng mama ang mga kamay, nagwiwika ng, “Tama na. Maupo na kayo.” At sa pagbibigay na makinig ng mga Marcos loyalist, nagpahayag si Baste na ang pagtitipon ang tunay na maisug, tahimik at masunurin sa batas.
Ipinakikita ng mga pangyayari na ang pagsidhi ng alitang Marcos-Duterte ay nakaugat sa ambisyon ni Sara na maging presidente kasunod ni Bongbong.
Medyo nakapanlilinlang ang resulta ng botohan noong 2022. 31 milyun ang boto ni Bongbong samantalang ang kay Sara ay 32. Tila may katwiran si Sara na magmalaki. Siya ang mas malaki ang boto, ibig sabihin mas siya ang nagdala kay Bongbong imbes na si Bongbong ang nagdala sa kanya. Kaya sa usapin ng utang na loob, si Bongbong ang dapat na tumanaw nito kay Sara. Pero hindi, e, kaalam-alam ni Sara, kasing-aga pa lang ng  panunungkulan ni Bongbong, basang-basa na agad na ang babatain nito sa pagkapresidente sa 2028 ay ang pinsan na si House Speaker Martin Romualdez. Ang imbestigasyon ng Kongreso hinggil sa confidential at intelligence funds ng DepEd ay totoong nakatuon sa pagdurog sa pagkatao ng presidente.
Kung ganun, si Bongbong ang walang utang na loob?
Malalim mag-isip si Bongbong. Kung lumilitaw man na lamang si Sara ng isang milyon sa nakuhang boto noong eleksyon ng 2022, ibig lang sabihin may isang milyong botante si Sara na inilaglag si Bongbong. Sa bagay na ito, hindi na utang na loob ang pinag-uusapan kundi katrayduran.
Isang milyunng katrayduran!
Mula rito ay maaaring bumalik si Bongbong sa kasaysayan. Sa kasagsagan ng kampanyang pagpapabagsak ng Diktadurang Marcos noong 1986, numero unong kampanyador sa Davao City ay si Soledad Duterte, Nanay ni Digong. Kaya nang bumagsak na ang matandang Marcos, si Soledad ay ginantimpalaan ni Cory ng paghirang kay Digong bilang Vice Mayor ng siyudad. Sumunod na termino, mayor na si Digong, at nagruloy-tuloy na sa ganung pwesto hanggang maging presidente na nga noong 2016.
Sa kasaysayan, nunca ang nagkautang ng loob ang mga Duterte sa mga Marcos; malakas pa nga silang sentensyador sa pagpapabagsak sa ama ni Bongbong.
Subalit si Duterte ang nagpalibing kay Marcos sa Libingan ng mga Bayani. O, e ano ngayon? Ang matandang Marcos ang nagwika, “There are no permanent enemies. There are only temporary allies.”
Walang permanenteng magkaaway. Meron lamang temporaryong magkaibigan.
Nagwakas na ang pagkakaibigan ng Marcos at Duterte. Away-away na muna uli tulad noong 1986. Paulit-ulit si Digong sa paglampaso kay Bongbong bilang bangag na presidente. Mas matindi ang banat ni Sara: pupugutan ng ulo si Bongbong at ipahuhukay ang bangkay ni Marcos Sr. at itatapon sa West Philippine Sea.
Ang tanong na lamang, bakit ito ang piniling panahon ni Sara upang awayin na si Bongbong?
Hindi kaya napagpayuhan siya ni GMA? Noong ambisyunin ni Gloria na agawin ang Malakanyang kay Erap, dadalawang taon pa lang itong nakaupong presidente. Sa ilalim ng Konstitusyon, kung ang isang pangulo ay nakapanilbihan na ng apat na taon bilang pangulo, hindi na siya maaaring tumakbo ng reeleksyon. Kaya kung ibabagsak si Bongbong, ngayon na na may nalalabi pang apat na taon ng kanyang termino. Gusto niyang tumakbo ng reeleksyon at maging presidente sa loob ng sampung taon.
Sara Duterte, panibagong larawan ng kasakiman sa kapangyarihan.
- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -