29.7 C
Manila
Lunes, Marso 10, 2025

Dapat ka bang mangamba sa corruption?

MGA KUWENTO NI PERANG (ESTE PARENG JUAN)

- Advertisement -
- Advertisement -

Juan, naniniwala ka ba na corrupt ang maraming nasa gobyerno natin?

Uncle, mukha naman. Sa mga lumalabas na balita ngayon, mukhang lumalala pa nga yata.

Kung pagbabasehan natin, Juan, ang huling report ng Transparency International sa kanilang Global Corruption Perception Index, ang Pilipinas daw ay rank 115 sa kabuuang 180 na bansang sinuri nung 2023, mas maganda sa rank 116 nung 2022 at rank 117 nung 2021, pero mas mababa sa rank 99 nung 2018.

Hmmm, kaya pala, Uncle, malaking usapin na naman yan sa nalalapit na eleksyon. Sana matuto na talaga ang mga Pilipino na bumoto ng tamang tao para sa mamumuno ng ating bansa. Tama na sa mga corrupt at bumibili ng boto. Manindigan na tayo sa tama.

Wow, Juan, nagugulat naman ako sa Iyo. Yung iba na naririnig ko, ayaw na daw nilang bumoto. Ganun din naman daw ang labas. Puro corruption pa rin.

Naku, ayaw ko naman ng ganun, Uncle. Kailangan magbigay boses pa rin tayo at ang boses na yun ay para sa magtratrabaho ng totoo, may matalinong isip at may malasakit na puso at higit sa lahat, hindi magnanakaw at hindi bumubuo ng family dynasty sa ating gobyerno.

Korek na korek ka dyan, Juan. Dapat ka nga bang matakot sa corruption at ang maraming epekto nito sa pinansyal na aspeto ng iyong personal na buhay?

Natatakot talaga ako sa corruption, Uncle. Kasi baka hindi yan magdudulot ng magandang kinabukasan hindi lamang para sa henerasyon ko kundi sa mga susunod pa.

O sige, Juan, mahalaga na alam mo ang masamang madudulot ng corruption sa mga financial goals at pangarap mo sa buhay.

Una, lahat ay apektado sa corruption. Sinisira nito ang rule of law, ang hustisya at ang mga values ng ating demokrasya. Lalo na kung ikaw ay mahirap at naka-depende sa gobyerno sa maraming bagay tulad ng pabahay, pangkalusugan, edukasyon o seguridad, ang corruption ay hindi makakatulong sa pagbibigay ng suporta para sa mga higit na nangangailangan.

Pangalawa, ayon sa pag-aaral ng International Monetary Fund o IMF, negatibo ang epekto ng corruption sa investment at economic growth. Ang ibig sabihin nito ay pag laganap ang corruption sa isang bansa, walang may gustong mamuhunan kaya walang trabaho, walang kalakal o komersyo at walang economic growth. Pag ganito ang nangyari, sira lahat ng minimithing pangarap at paglago ng personal na yaman.

Pangatlo, pag may corruption, kadalasa’y ang quality spending ng gobyerno sa mga priyoridad na mga proyekto ay naapektuhan at nangingibabaw ang personal na interest ng corrupt na namumuno kesa sa interest ng nakakarami. Ayon sa IMF, negatibo ang relasyon ng corruption at public spending, lalo na sa larangan ng edukasyon.  Pag mataas ang corruption, lumillit ang paggastos ng gobyerno.  Halimbawa, nababalitaan natin ngayon ang hirap sa pag-usad ng reforma sa edukasyon kasi sınasabi nila na mukhang napunta ang ibang panggastos sa mga bagay na may oportunidad para sa pansariling kapakanan ng ilan. Talo tayo dito at ano na lang ang kaledad ng mga susunod nating leaders patungkol sa kanilang kaalaman at talento kung walang tamang edukasyon para sa lahat.

Pang-apat, pag mataas ang corruption, hindi maganda ang epekto nito sa ating public finances. Dahil walang gustong mag-invest, wala ring masyadong makokolektang tax revenue ang gobyerno. Kulang ang panggastos ng gobyerno sa mga proyekto nito kaya mangungutang pa ito sa local o international financing sources na magbabaon pa sa atin sa utang. Posibleng tumaas ang interest rate na pinapataw ng mga bangko sa ating mga business o consumer loans tulad ng housing loans, car loans, at credit card. Hindi Ito makakabuti sa ating personal finances at magdudulot ito ng aberya sa pagtupad sa ating financial goals at plans.

At panglima, sa ating pag-retire at pagtanda, baka wala na tayong maasahan sa gobyerno sa ating pension, healthcare, senior citizen benefits at iba pa. Kasi inanod na ng corruption ang mga pondong  nakalaan para sa social pension, healthcare system at iba pang benepisyo ng social security. Hahayaan ba nating mangyari yan sa kamay ng mga corrupt at magnanakaw?

Kaya, Juan, kung gusto mong mabawasan ang kahirapan ng ating bansa at umasenso naman tayo katulad ng ibang bansa sa Asya na dati rati’y kulelat sa atin, bumoto ng tama at ışigaw natin ang, No to corruption!

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -