29 C
Manila
Martes, Enero 21, 2025

MTB-MLE: Paalam na ba?

- Advertisement -
- Advertisement -

NOONG Oktubre 12, 2024, nag-“lapse into law” ang panukalang batas na nagtatanggal ng unang wika ng estudyante bilang wikang panturo mula Kindergarten hanggang Grade 3. Hindi vineto ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang nasabing dokumento, kaya kahit hindi nilagdaan ay naging batas pagkalipas ng takdang panahon na 30 araw.

Ang batas na ito ay Republic Act (RA) 12027 Act of Discontinuing the Use of Mother Tongue as Medium of Instruction from Kindergarten to Grade 3. Pangunahing tagapagtaguyod at awtor nito si Senador Sherwin Gatchalian. Sa Mababang Kapulungan, si Kongresista Roman Romulo ang masugid na tagatanggal ng unang wika bilang panturo. Mangyari pa, suportado sila ng nakararaming mambabatas.

Ibinabasura ng naturang batas ang diwa ng RA 10533 (Enhanced Basic Education Act of 2013) na nag-aatas sa Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) na ipatupad ang Mother Tongue-Based Multilingual Education (MTB-MLE). Sa paggamit ng unang wika bilang pangunahing panturo sa mga bata sa unang tatlong taon ng pag-aaral,  inaasahan na mapabuti ang kanilang kaalamang pangwika, malinang ang kakayahang matuto, makabuo ng mapanuring pag-iisip at magkaroon ng kamalayang sosyo-kultural sa tulong ng kani-kanilang lokal na lenggwahe.

Hindi na bago ang paggamit ng mga wika sa rehiyon bilang suportang wikang panturo. Ganito na ang naging praktis ng mga guro noong una pa man. Kahit Ingles o Tagalog/Filipino ang panturo, natural lamang na gamitin ng mga guro sa pagpapaliwanag ng mga konsepto ang mga wikang ginagamit sa isang partikular na rehiyon. Sa ganitong paraan, mas madaling maunawaan ng mga estudyante ang mga kaalamang dapat maibahagi sa kanila.

Samantala, kung banyagang wika ang gamit sa pagtuturo sa bata, Ingles, halimbawa, kailangan pa munang pag-aralan ng bata ang wikang ito bago niya maintindihan ang mga kaisipang itinuturo sa pamamagitan nito. Samakatwid, mabagal ang kanyang pagkatuto. Sa katayuan ng ating mga paaralan at mga mag-aaral sa kasalukuyan, bago pa matuto ng Ingles ang bata, laglag na siya sa pag-aaral, o drop-out na siya, na wala pang natututuhang makabuluhan.


Hindi nakapagtataka, kung gayon, na kulelat ang iskor ng mga batang Pilipino sa Programme for International Assessment (PISA). Sa ibang mga bansa, tulad ng Malaysia, Thailand, Vietnam, Korea at Japan, na pawang mas mataas ang iskor kaysa Pilipinas, natututo ang mga bata sa kanilang mga wikang sarili, at sa mga wikang sarili din sila kumukuha ng eksamen. Sa Piipinas, Ingles ang wikang gamit sa pagsusulit at Ingles din ang wikang panturo. Panahon na para suriin naman ang papel ng wikang panturo sa pag-unlad ng bansa.

Gaano kahalaga ang unang wika bilang panturo sa mga batang nagsisimula pa lamang magbasa, magsulat, at magbilang? Ang sagot ay napakahalaga. Pinatutunayan ng napakaraming pag-aaral na madaling matuto ang mga bata kung ang wikang panturo ay mismong ang wikang gamit nila sa bahay, ang tinatawag na “mother tongue,” o “unang wika” o “wikang sinuso” dahil sa wikang ito unang natuto ang mga bata na magsalita, magbuo ng mga kaisipan, at maging mapanuri sa kanilang kapaligiran. Kapag tinuruan ang mga bata sa wikang naiintindihan nila, mas madali nilang mauunawaan ang mga aralin. At ang mas importante pa, maaga pa ay natututo na siyang makapagbuo ng mapanuri o kritikal na p Kahit Ingles o Tagalog/Filipino ang panturo, natural lamang na gamitin ng mga guro sa pagpapaliwanag ng mga konsepto ang mga wikang ginagamit sa isang partikular na rehiyon. Sa ganitong paraan, madaling maunawaan ng mga estudyante ang mga kaalamang dapat maibahagi sa kanila.

Pero ibinasura ng ating mga mambabatas ang MTB-MLE dahil marami sa kanila ang sumasampalataya sa Ingles bilang nangungunang wikang panturo. Ito’y hakbang na paurong.  Paulit-ulit na lamang na iginigiit ng mga mambabatas ang pakikialam sa edukasyon, samantalang sila mismo ay kapos sa edukasyon. Sila mismo ay hindi nakaranas magturo sa mga batang nagsisimula pa lamang ng pag-aaral. Sila mismo ay kulang ng reserts tungkol sa wikang panturo at sa epekto nito sa pagkatuto ng mga bata.

Sa simula pa lamang ng pananakop ng mga Amerikano sa Pilipinas, may mga pag-aaral nang nagpapatunay na hindi Ingles kundi mga katutubong wika ang dapat gamiting panturo sa mga paaralan sa Pilipinas. Maging noong panahon ng pananakop ng mga Kastila, may mga kautusan ang Hari ng Espanya na gamiting panturo ang mga wikang katutubo. Ngunit ano ang nangyari? Hindi sinunod ang rekomendasyon ng naunang mga pag-aaral. Sa halip, ipinataw ang Ingles bilang panturo at binaha pa ang bansa ng mga kagamitang panturo na nasa wikang Ingles at nagtuturo ng mga kaisipang Amerikano. Madali namang narahuyo ang mga Pilipino sa ganitong sistema, kaya naging mas madali ang pagsakop sa kaisipan gamit ang Ingles. Sabi nga, you master a language and that language masters you.

- Advertisement -

Bakit ayaw ng ating mga pinuno ang mga wika sa Pilipinas bilang panturo? Kasi, hindi sila nakadevelop ng critical thinking. Naging bunganga lamang sila ng edukasyong kolonyal na matagal nang namamayani sa ating bansa. Kulang ang edukasyon nila dahil natamo nila sa wikang dayuhan. Ang isa pang dahilan: Marahil ay sinasadya ng ating mga pinuno na isadlak sa patuluyang kamangmangan ang mga mamamayan upang manatili silang nagmumunini sa mataas na katungkulan.

Bukod sa pagtanggal sa MTB-MLE, tinanggal na rin ang asignaturang Filipino sa Grade 1 sa Matatag Curriculum. May balita pa rin na ngayong nirerebyu ang kurikulum ng Senior High School (SHS), ang dating tatlong (3) asignaturang Filipino ay magiging isa (1) na lamang. Pinatutunayan ng karanasan sa Japan na magkaugnay ang industriyalisasyon at patakarang pangwika at pang-edukasyon. Hindi nga magaling sa Ingles ang Japan pero nangunguna naman ito bilang modernisado at mayamang bansa.

Hindi naman lubusang bigo ang programang MTB-MLE. Batay mismo sa datos ng Bureau of Learning Delivery sa Early Language, Literacy and Numeracy Assessment (ELLNA), mas mataas ang mean percentage score (kaysa sa mga batang Ingles ang wika) ng mga estudyanteng natuto sa mga wikang Filipino, Hiligaynon, Ilokano, Ivatan, Kapampangan, Kiniray-a, Waray, Surigaonon, Maranaw, Sinugbuanong Binisaya, Waray at Yakan. Sa halip ibasura ang MTB-MLE, dapat suriin kung paano natamo ang tagumpay sa mga wikang ito.

Totoong maraming problemang nakaharap sa pagpapatupad ng MTB-MLE. Pero hindi pagtanggal nito ang solusyon. Harapin ang mga problema at solusyunan. Bigyan ng mas mataas na badyet ang edukasyon, bigyan ng mas maigting na pagsasanay ang mga guro. Ipatupad ang mga probisyong pangwika ng Konstitusyong 1987.

Sa ganitong paniniwala, mariing kinokondena ng Alyansa ng mga Tagapagtanggol ng Wika (Tanggol Wika) ang RA 12027. Sumusuporta ang Angono Poetry Society at iba pang mga samahang pangwika. Hindi pa ito lubusang pamamaalam sa MTB-MLE dahil patuloy na ipinakikipaglaban ng mga sektor na pangwika ang pagpapatuloy nito.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -