TAPOS na ang konstruksiyon ng kauna-unahang impounding dam na itinayo ng National Irrigation Administration (NIA) na matatagpuan sa bayan ng Aborlan, Palawan.
Ang nasabing impounding dam ay ang Ibato-Iraan Small Reservoir Irrigation Project na pinondohan ng NIA ng halagang P886.12 milyon.
“Malugod ko pong ibinabalita sa inyo ang pagtatapos ng pinakaunang impounding dam sa ating rehiyon na matatagpuan sa Aborlan, Palawan. Mayroon na lamang kakaunting isinasaayos at clearing operation upang magamit na ang naturang proyekto,” ang pahayag ni NIA-Mimaropa Regional Manager Ronilio Cervantes sa Kapihan sa Bagong Pilipinas ngayong Oktubre 22.
Ayon kay Cervantes, layunin ng naturang proyekto na makapag-imbak ng tubig pang-irigasyon tuwing tag-ulan na siya namang gagamitin upang mapatubigan ang mga palayan pagdating ng tag-tuyo.
“Tinatayang 1,072 ektarya ng palayan ang makikinabang dito at makatutulong ito sa pagtatanim at paghahanapbuhay ng 425 na mga magsasaka sa bayan ng Aborlan,” pahayag ni Cervantes.
Inanunsiyo rin ni Cervantes na sa siyam na proposed irrigation projects sa Mimaropa, apat sa mga ito ay matatagpuan sa Palawan.
Ang mga ito ay ang Batang-Batang at Malatgao Irrigation Project na matatagpuan sa bayan ng Narra na mayroong 4,271 hectares at 4,390 hectares service areas.
Ang Malabangan at Ransang Irrigation Project, na matatagpuan naman sa bayan ng Rizal, ay mayroong 620 hectares at 1,750 hectares service areas. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)