MARIING tinanggihan ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa ang panawagan ni Akbayan Party-list Rep. Perci Cendaña na maghain muna ng indefinite leave kasama ni Sen. Bong Go sa kasagsagan ng imbestigasyon na isasagawa ng Senado sa war on drugs ng administrasyong Duterte.
Sinabi ni Dela Rosa, dating hepe ng Philippine National Police sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, na dadalo siya sa imbestigasyon para malaman ang katotohanan tungkol sa war on drugs.
“No! I have to confront the liars because the public deserves to know the truth,” sabi ni Dela Rosa.
Nauna nang nagsagawa ng pagdinig ang quad-committee ng Kamara tungkol sa nasabing isyu kung saan ay kabilang sina Sen. Bato at Sen. Go sa mga pilit idinidiin at pinupukol ng mga malisyosong alegasyon. Nakatakdang isagawa sa ika-28 ng Oktubre ang nasabing Senate hearing na pangungunahan ni Senate Minority Floor Leader Koko Pimentel sa ilalim ng Blue Ribbon Committee.
“ASAP sana ma-address ‘yan, makapag-hearing na kaagad. Basta ang sa akin, what is important is ito’y lumabas na…inunahan nila sa House, so the public deserves to know the truth. Kasi mahirap na ‘yung puro kasinungalingan ‘yung mamayagpag,” sabi ng mambabatas na Mindanaoan.
Nauna nang sinabi ni Dela Rosa na tinatanggap niya ang anumang imbestigasyon ng Senado sa usapin, anuman ang presiding officer.
“Walang problema kahit hindi ako ang mangunguna. Ang importante ang Senado ay magkaroon ng parallel investigation at actively magpa-participate din naman ako kahit na hindi ako ang magpe-preside,” sabi ni Dela Rosa.
Nauna nang binatikos ng senador ang isinasagawang imbestigasyon ng House of Representatives, at sinabing ito ay “in aid of persecution.”
Inilarawan din ng senador at dating nangungunang pulis ang pagsisiyasat sa Kamara bilang isang “fishing expedition” na naglalayong durugin ang mga kaalyado ni Duterte bago ang 2025 at 2028 elections.
(Halaw sa ulat ng Senate of the Philippines website at Facebook page ni Senator Ronald “Bato” Dela Rosa)