NASA 319 Persons Deprived of Liberty (PDLs) sa Brooke’s Point District Jail sa probinsya ng Palawan ang naging benepisyaryo ng programang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (Tupad) ng Department of Labor and Employment (DoLE).
Ayon kay Buareau of Jail Management and Penology (BJMP)-Mimaropa Information Officer Joefrie Anglo, sa 319 PDLs, 308 dito o 100 porsiyento ng kabuuang kasalukuyang nakapiit ang nakasama sa programa at 11 naman ang dating PDL kung saan bahagi ito ng kanilang aftercare program.
Ang mga Tupad coordinator ng DoLE-Palawan na sina Jeffrey Ebal at Shyr Vallejo ang nagsagawa ng oryentasyon at nag-facilitate ng paglagda sa kontrata ng mga PDL bilang mga Tupad beneficiaries nito lamang Oktubre 16, 2024.
Sinabi naman ni Jail Officer I Niño Marco Dadores, Community Relations Service Unit Officer, na ang bawat PDL beneficiary ay tatanggap ng tig-P3,950 sa loob ng 10 araw na trabaho, katumbas ito ng P395 kada araw na minimum wage sa Palawan.
Ang pagtutulungan ng BJMP at DoLE ay naglalayong magbigay ng karagdagang pangkabuhayan at naglalayong matugunan ang mga pangangailangan ng mga taong pinagkaitan ng kalayaan sa pamamagitan ng pagtaas ng mga oportunidad sa ekonomiya, maging produktibo, at pinahusay na pag-unlad ng komunidad.
Ilan naman sa magiging aktibidad o trabaho ng mga PDL bilang TUPAD beneficiaries ay ang paglilinis at pagpapanatili ng kaayusan sa loob at labas ng mga pasilidad ng bilangguan.
Hinikayat naman nina DOLE-Palawan TUPAD coordinators Ebal at Vallejo ang mga benepisyaryo na gamitin sa mga programang pangkabuhayan ang kanilang naiipon na salapi upang magkaroon sila ng matatag na kabuhayan at maging kapaki-pakinabang na miyembro ng komunidad.
Sinabi naman ni Anglo na malaki ang pasasalamat ng mga PDL sa DOLE sa pagbibigay sa kanila ng pagkakataon na maging benepisyaryo ng TUPAD dahil makakatulong ito sa kanilang kakulangan sa pananalapi. (OCJ/PIA MIMAROPA-Palawan/Larawan mula kay JO3 Joefrie B. Anglo/BJMP-MIMAROPA)