UMABOT sa 319 na mga native na kambing ang ipinamahagi ng Provincial Agriculture Office sa mga benepisyaryong magsasaka sa lalawigan ng Marinduque.
Ang pagkakaloob ng nasabing mga kambing sa 29 na farmers association beneficiaries (FAB) ay pinangunahan nina Provincial Agriculturist Edilberto De Luna at Provincial Livestock Coordinator Felimon Castro Jr., kasama ang iba’t ibang Agricultural Extension Workers (AEWs) sa probinsya.
Ayon kay De Luna, nais ng kanilang tanggapan na matulungan ang mga mamamayan na magkaroon ng karagdagang pagkakakitaan upang matiyak ang food security ng lalawigan sa pamamagitan ng pagpapalakas ng sektor ng agrikultura.
“Sa pamamagitan nito, pinalalakas ng pamahalaan hindi lamang ang kabuhayan kundi pati na rin ang food security ng Marinduque upang matiyak na sapat ang suplay ng pagkain para sa mga mamamayan,” pahayag ni De Luna.
Ang Native Goat Dispersal ay isang programa ng pamahalaang panlalawigan ng Marinduque na naglalayong magbigay ng dagdag na pagkakakitaan kasabay ng pagpapalakas sa sektor ng livestock na mahalagang bahagi ng agrikultura sa probinsya. (RAMJR/PIA MIMAROPA – Marinduque)