27.3 C
Manila
Biyernes, Nobyembre 22, 2024

Para saan ang Kamandag ng US at Pilipinas

- Advertisement -
- Advertisement -

WALONG taon na ang nakaraan nang sinimulan ng mga US at Filipino marines sa Pilipinas ang pinagsanib na pagsasanay na binansagang Kamandag. Ginaganap ito ngayon mula ika-15 hanggang ika-25 ng Oktubre sa taong ito.

Larawan mula sa file ng The Manila Times

Sa ulat ng The Manila Times, sinabi ritong muling inilunsad ng magkabilang panig ang 10 araw na joint exercises sa karagatan sa dakong hilaga at kanluran ng Pilipinas, isang araw matapos magsagawa ng kahalintulad na pagsasanay ang China sa palibot ng Taiwan noong Lunes, Oktubre 14.

Tinatawag na Kamandag, pinaigsing Kaagapay ng mga Mandirigmang Pandagat, ang mga pagsasanay na ito ng mga kasapi ng hukbong dagat mula sa Pilipinas at Amerika.

Sa taong ito, nakatuon ang pagsasanay sa pagdepensa sa hilagang baybayin ng Luzon na 800 kilometro ang layo sa Taiwan, isang lalawigang teritoryo ng China.

Bagama’t taun-taong isinasagawa ang joint exercise simula noong Oktubre 2017, nagaganap ito ngayon matapos ang sunud-sunod na tensyon sa West Philippine Sea dulot ng pananatili ng mga Chinese Coast Guard at militia vessel sa katubigan ng Pilipinas.  Nakagirian nang minsan  ng barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang mga barko ng Chinese Coast Guard kung saan pinatamaan sila ng water cannon na nagdulot ng pagkawasak ng BRP Datu Sanday nitong nakaraang Agosto 25, 2024.

Nagtungo ang barko ng BFAR sa pinangyarihan ng insidente, sa karagatan malapit sa Hasa-Hasa at Escoda Shoal, para sa isang humanitarian mission kung saan magdadala sana sila ng diesel, gamot at pagkain sa mga mga mangingisda sa naturang lugar.

May layong 60 nautical miles mula Rizal, Palawan ang Hasa-Hasa (Half Moon) Shoal samantalang may layong 110 nautical miles naman ang Escoda (Sabina) Shoal, na nangangahulugan na nasa exclusive economic zone ng Pilipinas ang mga ito.

Nilinaw naman ni Philippine Marine Corps commandant Maj. Gen. Arturo Rojas sa opening ceremony na matagal nang plano ang Kamandag at wala itong kinalaman sa kung ano man ang nagaganap sa rehiyon.

Ayon kay US Marines representative Col. Stuart Glenn layunin ng pagsasanay na matulungan ang US at mga kaalyado nito na makaresponde sa ano mang uri ng krisis.

“Conducted under the annual Mutual Defense Board and Security Engagement Board (MDB-SEB) activities for 2024, the exercise aims to strengthen the interoperability of participating nations while promoting regional security and cooperation within the Indo-Pacific region,” ayon sa isang pahayag ng US Marine Corps.

Bukod sa mga Pilipino at Amerikano na may pinakamaraming bilang na kasali sa pagsasanay, mayroon ding Australian, British, Japanese at South Korean.

Nasa 2,300 ang mga kalahok sa Kamandag.

Bukod sa tunay na pagpapaputok, kabilang ang amphibious landing at pagsasanay kung paano dumepensa laban sa chemical at biological warfare ang isasagawa.

Nakabase sa Mutual Defense Treaty at Visiting Forces Agreement ang pagsasagawa ng pagsasanay na Kamandag.

Noong 2016, ipinatigil ni dating Pangulong Rodrigo Duterte,  ang pagsasagawa ng Phiblex (Philippine Amphibious Landing Exercise) ngunit nagkaroon ng kahalintulad na kapalit ito-ang Kamandag.

Huling isinagawa ang Phiblex noong Oktubre 2016 at nang sumunod na taon, isinakatuparan naman ang Kamandag.

Sa huling Phiblex, mahigit 1,400 sundalong Amerikano at 500 Pilipinong sundali ang nagsagawa ng mga aktibidad ng pagsasanay pati na rin humanitarian civic assistance gaya ng pagkukumpuni ng mga sirang paaralan at pagtuturo ng edukasyong pangkalusugan sa mga batang mag-aaral sa Cagayan Valley, San Vicente at Palawig, ayon sa pahayag ng US Marine Corps.

Gaya ng Phiblex, itinuturing ng mga kasaling bansa ang Kamandag na isang paghahanda para sa Balikatan exercises na isang mas malakihang pagsasanay ng mga sundalong Amerikano at Pilipino na nagsimula noong 2001.

Ayon sa isang pahayag ng US Embassy, direktang pagsuporta sa US-Philippines Mutual Defense Treaty ang pagsasagawa ng Balikatan.

Sa bisa ng Mutual Defense Treaty, nagkasundo ang US at Pilipinas na magtulungan upang depensahan ang isa’t isa sa oras ng pangangailangan.

Samantala, sa mga oras na naririto ang mga sundalong Amerikano, pinaiiral ang VFA kung saan binibigyang kapangyarihan naman ang US na siyang maghatol o magparusa sa sarili nitong mga sundalo na makakagawa ng krimen sa Pilipinas.

Naganap ang Balikatan ngayong taon mula Abril 22 hanggang Mayo 10.

Mas malawak ang sakop ng Balikatan at mas maraming kawani mula sa US at Pilipinas ang kalahok dito.

Nitong nakaraang Balikatan, mahigit 16,000 kasapi ng AFP at US military ang nagsanay. Sinalihan din ito ng Australian Defence Force at French Navy. Naging observer naman ang Brunei, Canada, Frane, Germany, Great Britain, India, Indonesia, Japan, Malaysia, New Zealand, Republic of Korea, Singapore, Thailand at Vietnam sa bisa ng international observer program ng AFP, ayon sa pahayag ng US embassy.

Sa Balikatan ngayong taon, nagsagawa ng mga komplikadong misyon ang mga kasali sa pagsasanay kabilang ang maritime security, sensing and targeting, air and missile defense, dynamic missle strikes, cyber defense, at information operations.

Isinagawa rin sa exclusive economic zone ng Pilipinas ang isang Multilateral Maritime Exercise na sinalihan ng Philippine Navy, U.S. Navy, at French Navy.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -