MATAGUMPAY na nakumpiska ang isang Peregrine Falcon (Falco peregrins) sa isang isinagawang entrapment operation ng Quezon City District Field Unit – Criminal Investigation and Detection Group (QCPD-CIDG) sa lungsod.
Ang DENR National Capital Region, sa pamamagitan ng Enforcement Division nito, ay nagbigay ng technical assistance sa ikinasang operasyon. Ang nakuhang buhay-ilang ay dinala sa Biodiversity Management Bureau – Wildlife Rescue Center para mapaigi’t mapabuti ang pagsusuri at pangangalaga rito.
Ang nasangkot na mga indibidwal, na napag-alaman ding marami nang naitalang ulat na ilegal na pag-aalaga at pagbebenta ng buhay-ilang online, ay nasa kustodiya na ng QCPD-CIDG para sa angkop na pagsasampa ng mga kasong paglabag sa R.A. 9147 o ang Wildlife Resources and Conservation Act.
Ang Peregrine Falcon ay ikinokonsiderang endangered species na may pangamba ng pagkaubos ng bilang sa wild kung magpapatuloy ang mga ilegal na gawain na paglabag sa nasabing batas.
Paalala muli ng DENR-NCR sa publiko, marapat na kumuha/bumili lamang ng mga buhay-ilang na suportado ng permit. Ipagbigay alam din ang mga nababalitaang mga ilegal na gawain online o maging sa paligid na lumalabag sa R.A. No. 9147.