26.4 C
Manila
Linggo, Nobyembre 24, 2024

Pagkilala ng Senado sa Pinay na nakakuha ng gintong medalya sa World Taekwondo Junior Championships, inihain ni Jinggoy

- Advertisement -
- Advertisement -

NAGHAIN ng Senate Resolution No. 1210 si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada para kilalanin ang tagumpay ng 16-anyos na si Tachiana Kezhia Mangin na nagbigay ng kauna-unahang gintong medalya sa Pilipinas sa women’s -49kg category sa 2024 World Taekwondo Junior Championships matapos ang 28 taon.

Larawn mula sa Facebook page ng Philippine Sports Commission

Nakamit ni Mangin ang titulo sa women’s -49kg category, ang pangalawang gintong medalya sa kompetisyon mula nang magsimula ito noong 1996 at naging kauna-unahang Filipina na gold medalist ng bansa sa junior division.

“Karapat-dapat siyang papurihan ng Senado dahil ibinalik niya ang bansa sa taekwondo map at nagpamalas siya ng hindi natitinag na katatagan at kahusayan sa murang edad,” sabi ni Estrada.

“Nagbigay si Mangin ng malaking karangalan sa bansa sa kanyang makasaysayang tagumpay. Ang dangal na ibinigay niya sa atin ay sumasalamin sa napakalaking potensyal ng bagong henerasyon ng mga atletang Filipino at magandang hinaharap para sa Pilipinas,” dagdag pa ng lider ng Senado.

Nanaig ang Grade 12 senior high school student mula sa University of Santo Tomas (UST) laban kina Judith Cordoba Heredia ng Spain at Natkamon Wassna ng Thailand para makuha ang puwesto sa quarter-finals kung saan siya ay namayani laban kay Habiba Wael Emerah ng Egypt.

Pumasok sa finals match ang Filipina jin matapos umatras si Lamprini Anna Asimaki ng Greece dahil sa isang injury.

Nakuha ni Mangin ang makasaysayang gintong medalya laban sa crowd favorite na si Kim Hyang-Gi ng South Korea matapos mapagtagumpayan ang apat na sunud-sunod na laban sa isang araw.

Ang huling podium finish para sa Pilipinas ay ginawa ni Alex Borromeo na nag-uwi ng gintong medalya sa men’s -47kg sa inaugural edition noong 1996 sa Barcelona, Spain.

Naunang napanalunan ni Mangin ang gintong medalya sa Daegu 2024 World University Taekwondo Festival noong Hulyo. Ang batang prodigy ay nanalo rin ng bronze medal sa 2019 World Taekwondo Cadet Championship at dalawang bronze sa 2019 Asian Championship cadets division at 2022 youth division.

Ang World Taekwondo Junior Championships ay isang biennial na kompetisyon ng taekwondo para sa junior age category. Ang ikalabing-apat na edisyon ng championships ay ginanap sa Chuncheon, South Korea noong Oktubre 1 hanggang 4 ng kasalukuyang taon.

 

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -