31.5 C
Manila
Miyerkules, Nobyembre 27, 2024

Tolentino, nanawagan na palakasin ang National Meat Inspection Service

- Advertisement -
- Advertisement -

NANAWAGAN si Senate Majority Leader Francis ‘Tol’ Tolentino ng malawakang suporta para sa National Meat Inspection Service (NMIS) ng Department of Agriculture (DA) para siguruhin ang kaligtasan at kalidad ng mga produktong karne ng bansa.

Sa paggunita sa 31st Meat Safety Consciousness Week na ginanap sa Quezon City, iginiit din ni Tolentino ang pagpapalakas sa NMIS sa harap ng mga seryosong hamon, gaya ng pagkalat ng African Swine Fever (ASF), at paghina ng lokal na produksyon.

Sa kanyang talumpati sa mga opisyal at lider sa sektor ng agriktultura, inihalimbawa ng senador ang mahuhusay na meat inspection systems ng Chile at Argentina, na nagbigay-daan para manguna ang mga ito bilang meat producers at exporters.

Dagdag nya, susi ang pagpapalakas sa NMIS para ang Pilipinas ay makalikha din ng ligtas at de-kalidad na karne, gaya ng baboy, manok, at baka.

Pero batid ng senador ang mga isyung kinakaharap ng NMIS, kung kaya’t inisa-isa nya ang mga posibleng hakbang para maiangat ang kalidad at produksyon ng bansa.

“Una, dapat dagdagan ang kolaborasyon ng NMIS at Department of Health (DOH). Ikalawa, kailangan nito ng suporta mula sa Department of Science and Technology (DOST). Ikatlo, dapat dagdagan ang pondo ng ahensya. At pang-apat, dapat nating hangarin na maging meat exporter katulad ng Chile at Argentina,” paliwanag nya.

Bukod sa DOH at DOST, dapat din umanong tulungan ang NMIS ng Department of Trade and Industry (DTI), Presidential Communications Office (PCO), at Department of Budget and Management (DBM) para mapabuti ang mga sistema at kampanya nito.

Magugunita na una nang nanawagan si Tolentino sa gobyerno na magdeklara ng state of calamity para masawata ang pagkalat ng ASF, na lubhang nagpadapa sa produksyon ng lokal na hog raisers.

Nang tanungin ng mga mamamahayag kung dapat pa rin bang igiit ang state of calamity, itinugon ng senador: “Kahit walang deklarasyon, marami na ring hakbang na naisagawa ang gobyerno, gaya ng pagbili ng mga bakuna at pagpapataas ng public awareness. Pero hindi basta-basta mapipigilan ang ASF. Nasa Pangulo ang desisyon, pero kung may state of calamity, ay maaari ring magdeklara ng price freeze ang gobyerno para maprotektahan ang mga mamimili.”

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -