27.2 C
Manila
Sabado, Enero 18, 2025

Dokumentaryo tungkol sa mga proyekto ng UP Marine Science Institute sa plastics, nanalo sa Bantog Awards

- Advertisement -
- Advertisement -

Isinulat ni Eunice Jean Patron

ISANG dokumentaryo na tampok ang mga proyekto ng Marine Science Institute ng University of the Philippines – Diliman College of Science (UPD-CS MSI) ang tumanggap ng Best Science and Technology Investigative Story (Audio-Visual) trophy sa 2024 Bantog Awards for Science Communication ng Department of Science and Technology (DoST).

Nangngalap ang mga mananaliksik ng MSI ng sediment samples mula sa mga baybaying lugar, na susuriin sa kanilang laboratoryo para matukoy ang presensya ng microplastic particles. (Photo credit: Microbial Oceanography Laboratory)

Produced ng GMA Integrated News Digital Innovation and Strategic Lab para sa kanilang DigiDokyu segment, tinalakay ng “Ang Plastic Mo! The Philippine Plastic Problem” episode ang mga epekto ng plastic sa marine environment ng bansa, sa kabuhayan ng mga mangingisda, at sa suplay ng pagkain.

Ayon sa World Bank, na binanggit sa dokumentaryo, gumagawa ang Pilipinas ng 2.7 milyong metric tons ng plastic taun-taon, kung saan 20% nito ay napupunta sa karagatan. Madalas na binabanggit sa mga na-publish na pag-aaral tungkol sa plastics ang Pilipinas bilang isa sa mga nangungunang contributor sa marine plastic pollution, ngunit karamihan sa mga pag-aaral na ito ay batay sa model projections at kulang sa aktwal na baseline data na nakalap mula sa mga marine area ng Pilipinas. Ang lumalalang problema ng plastics sa bansa at ang kakulangan ng tamang datos tungkol dito ang nagtulak sa MSI na lumikha ng mga proyekto na tumutugon sa plastic pollution.

PlastiCount Pilipinas

Layunin ng PlastiCount Pilipinas na magbigay ng kamalayan sa mga Pilipino tungkol sa malawakang presensya ng plastics, lalo na sa mga marine environments at coastal communities, sa pamamagitan ng pag-quantify ng plastic pollution sa Pilipinas at pag-uudyok ng aksyon para tugunan ang isyung ito.

Ang makabagong proyekto ng Institute ay gumagamit ng mga advanced technologies, tulad ng artificial intelligence (AI), upang mabisang bilangin at mangalap ng komprehensibo at maaasahang impormasyon tungkol sa plastics sa mga katubigan ng Pilipinas, at epektibong maipakita at maunawaan ang kanilang komposisyon sa mga lokal na komunidad.

Ang pag-quantify ng mismanaged plastics ay nagbibigay-daan upang makabuo ng mga metrics na makakatulong sa pagsubaybay sa pagtaas o pagbaba ng plastic waste. Ang pag-identify sa plastic debris sa mga katubigan ng bansa ay maaari ring makatulong sa pagbuo ng mga polisiya at solusyon na naaayon sa mga uri ng plastic na natagpuan sa partikular na mga lokasyon.

Circular Explorer Project

Sa pakikipagtulungan sa kumpanya ng semento na Holcim at sa environmental organization na One Earth One Ocean, inilunsad ng MSI ang Circular Explorer Project upang i-empower ang mga estudyante at komunidad na isagawa ang environmental sustainability sa pamamagitan ng isang science-driven approach sa ocean research. Ang Circular Explorer ay ang kauna-unahang solar-powered na sasakyang-dagat na dinisenyo upang mangalap ng plastic waste mula sa tubig para sa recycling at may kakayahang maglinis ng hanggang apat na tonelada ng plastic araw-araw gamit ang mga built-in na sensors at plastic collectors.

PlasMics Project

Isinasagawa rin ng MSI ang DOST-funded na proyekto na Plastics in the Marine Environment, Trophic System, and Aquaculture in the Philippines (PlasMics), na layuning tukuyin ang paglaganap at potensyal na epekto ng plastics sa marine environment, pati na rin ang kanilang mga implikasyon sa biodiversity at aquaculture.

Ibinahagi ni Dr. Deo Florence Onda, ang principal investigator ng Microbial Oceanography Laboratory (MOLab) na responsable para sa mga proyektong ito, na ang MSI ay nakikipagtulungan na sa mga ahensya tulad ng Department of Environment and Natural Resources upang i-harmonize ang mga metodolohiya ng proyekto para sa national baselining. “The technology we are developing is already being adopted by national government agencies. That’s what we want – the university develops technology, and the national government adopts it for roll-out, application, and institutionalization.” Layunin din ng MOLab na gawing mas accessible ang kanilang mga inisyatiba sa pangkalahatang publiko sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa mga media organizations.

Layunin ng Bantog Awards for Science Communication ng DoST na palawakin ang interes ng publiko sa science, technology, at innovation, pati na rin ang pagbutihin ang science literacy sa Pilipinas. Ang tema ng taong ito ay “Driving Developments through Science Communication.”

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -