29.9 C
Manila
Miyerkules, Oktubre 16, 2024

Mga alegasyon kay Duterte tungkol sa EJKs at POGOs

- Advertisement -
- Advertisement -

SA pag-usbong ng mga bagong alegasyon, muling sumiklab ang kontrobersya hinggil sa Extra Judicial Killings (EJK) at mga Philippine offshore gaming operators (POGOs) sa mga pagdinig ng House Quad Committee. Ang mga pagdinig na ito ay nakatuon sa mga isyu ng mga ilegal na operasyon at mga pagpatay na naganap sa ilalim ng administrasyong Duterte, partikular ang pagkakaugnay nito sa sinasabing “Davao model” ng kampanya laban sa droga.

Samantala, ang extrajudicial killings (EJK) ay mga pagpatay na hindi dumaan sa legal na proseso o hukuman. Kadalasan, ang mga biktima ay pinatay ng  mga grupong nag-aakusa sa kanila ng krimen, kadalasang walang sapat na ebidensya. Ang EJK ay karaniwang nauugnay sa mga kampanya laban sa droga at iba pang mga ilegal na aktibidad, at ito ay isang seryosong paglabag sa mga karapatang pantao.

Larawan mula sa Facebook page ng House of Representatives of the Philippines

Layunin ng Quad Committee 

Ang Quad Committee, o House Quad Committee, ay isang grupo sa Kongreso ng Pilipinas na binubuo ng mga mambabatas mula sa apat na Komite ng Dangerous Drugs, Public Accounts, Public Order and Safety, at Human Rights.

Layunin nito na magsagawa ng mga pagdinig at imbestigasyon sa mga isyu ng pambansa at lokal na interes, tulad ng mga karapatang pantao, katiwalian, at iba pang mga kontrobersyal na paksa. Kadalasang tumutok ang komite sa mga isyung may malaking epekto sa lipunan, gaya ng extrajudicial killings (EJK) at operasyon ng mga Philippine offshore gaming operators (POGOs).


Si Committee on Dangerous Drugs chair at Surigao del Norte 2nd district Representative Robert Ace Barbers ang Quad Comm lead chairperson, na namumuno sa public hearings. Ang ibang miyembro ng panel ay sina Committee on Public Accounts chair Rep. Joseph Stephen “Caraps” Paduano, Committee on Public Order and Safety chair Dan Fernandez, at Committee on Human Rights chair Bienvenido Abante Jr.

Imbitasyon kay Duterte at Dela Rosa

Ayon kay Abante, co-chair ng House Quad Committee, inisip nilang imbitahan si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa mga pagdinig.

Si Abante, na chair ng House Human Rights Panel, ay nagsabi na noong nakaraang pagdinig, nagbigay ng testimonya si Royina Garma, dating general manager ng Philippine Charity Sweepstakes Office, na nagsabing inatasan siya ni Duterte na hanapin ang isang opisyal na makapagsasagawa ng “Davao model” sa pambansang antas.

- Advertisement -

Ang “Davao model” ay tumutukoy sa istilo ng kampanya laban sa droga na diumano’y ipinatupad ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong siya ay alkalde pa ng Davao City.

Pahayag ni Royina Garma

Sa kanyang testimonya, sinabi ni Garma na si Duterte ay nag-utos sa kanya na maghanap ng isang opisyal ng Philippine National Police (PNP) na magpapatupad ng sistema ng gantimpala sa mga pagpatay sa mga suspek sa droga. “Ang Davao model involves three levels of payments or rewards,” ani Garma. Ang sistema ay naglalaman ng gantimpala para sa mga napatay na suspek, pondo para sa mga operasyon, at refund ng mga operational expenses.

Pagsalungat sa mga alegasyon

Sa kabila ng mga pahayag ni Garma, tinawag ni  Salvador Panelo, dating chief legal counsel ni Duterte, na ang mga alegasyon ay “pure imagination.”

Ayon sa kanya, walang konkretong ebidensya na sumusuporta sa mga pahayag na ito, at itinuturing niyang hearsay ang mga impormasyon na ibinahagi ni Garma.

- Advertisement -

“Garma does not claim that she was a part of or an operator of the Davao model,” dagdag pa ni Panelo.

Pahayag ng mga senador

Samantala, si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa, na isang pangunahing tauhan sa kampanya laban sa droga, ay nagbigay ng kanyang sariling pahayag sa mga alegasyon laban sa kanya.

“Bakit ko siya pipilitin na iugnay si De Lima eh hindi naman PNP ang nagbuo ng kaso laban sa kanya?” tanong niya.

Ayon kay Dela Rosa, wala siyang kaalaman sa mga ilegal na aktibidad na iniuugnay kay Kerwin Espinosa, isang sinasabing drug lord.

Sa kabilang banda, nagbigay din ng kanyang pahayag si Senador Bong Go, isang malapit na kaalyado ni Duterte, ay naghayag ng kanyang suporta sa dating Pangulo at ipinagtanggol ang mga polisiya nito.

Ayon sa kanya, ang kampanya laban sa ilegal na droga ay naging pangunahing bahagi ng plataporma ni Duterte.

Binigyang-diin ni Go ang pangangailangan ng patas na imbestigasyon. “Dapat tayong maglaan ng oras upang tukuyin ang katotohanan at hindi basta-basta maniwala sa mga akusasyon,” dagdag niya.

Dapat imbestigahan

Sa isang panayam, sinabi ni Gen. Rommel Francisco Marbil, PNP chief, na ang mga alegasyon na lumalabas ay seryoso at dapat imbestigahan.

“Tinatanggap namin ang mga alegasyon ng katiwalian at EJK nang may buong seryosidad,” ani Marbil. Nanawagan siya sa mga dating opisyal ng PNP na linawin ang kanilang mga papel sa kampanya laban sa droga, upang matiyak ang accountability at transparency.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -