IKINALUGOD ni Senate Majority Leader Francis ‘Tol’ Tolentino ang mga paghahanda ng Commission on Elections (Comelec) para ipatupad ang internet-based voting para sa Overseas Filipino Workers (OFWs) sa darating na eleksyon sa susunod na taon.
Sa regular na programa ng senador sa radyo na ‘Usapang Tol,’ iniulat ni Comelec Chair George Erwin Garcia na umabot sa 1.5 milyong OFWs ang nagpa-rehistro para sa 2025 midterm elections, matapos ang deadline noong Setyembre 30.
Ibinahagi rin ni Garcia ang isinasagawang information drive ng komisyon nitong nagdaang dalawang buwan para ipaliwanag ang internet voting sa OFWs sa iba’t ibang bansa.
Garcia also reported to the senator how the commission has been conducting an information drive in the last two months to educate OFWs in various countries about internet voting.
Magugunita na si Tolentino ang nagtulak sa Comelec para pag-aralan at simulan ang internet voting sa harap ng mababang turnout sa overseas absentee voting sa mga nagdaang eleksyon.
Sa ilalim ng dating sistema, maaaring bumoto ang rehistradong overseas Filipinos sa dalawang paraan: Una, sa pamamagitan ng direktang pagboto sa embahada, konsulado, o designated polling place sa kanyang host country; o ikalawa, sa pamamagitan ng pagpapadala ng kanyang balota bilang registered mail sa naturang foreign service offices.
Pero ayon kay Tolentino, masyadong mahaba at mahirap ang naturang proseso para sa maraming overseas Filipinos, lalo na sa sea-based OFWs.
“Kapag binigyan ang ating OFWs ng mabilis, madali, at tiyak na paraan ng pagboto online ay tiyak na mae-engganyo sila para gamitin ang kanilang karapatang bumoto. Mahalaga ang aktibong partisipasyon ng mga OFW sa halalan para sa demokrasya at kinabukasan ng ating bansa,” ayon kay Tolentino.
Ayon kay Garcia, mainit ang nagiging pagtanggap ng internet voting sa OFW communities, habang nagpasalamat din ito kay Tolentino sa paggigiit sa Comelec para isagawa ang online voting simula sa susunod na halalan.