Ikalawa sa serye ng ‘Ani ng mga Hele sa Antique’
BAHAGI nang muling pagtatampok sa mga hele ng ating bansa ang pagbisita ng Cultural Center of the Philippines sa ilang piling lugar sa bansa. Sa lalawigan ng Antique, muling binalikan ng Himig Himbing Workshop participants ang mga heleng kinlakihan nila na nasa wikang Hiligaynon o Kinaray-a gaya ng Turagsoy, Sa Kampo ni Ladyo, Ili Ili Tulog Anay, at Dandansoy.
Maraming nagbahagi na sa nakatatandang kapatid napupunta ang tungkulin nang paghehele kapag aalis ang mga magulang para maghanapbuhay (sakaling pati ang nanay ay naghahanapbuhay din). O di kaya’y naiiwan ang baby sa pangangalaga ng mga lolo’t lola kung hindi na sila nagtatrabaho. Minsan di’y napapakiusapan din ang mga kapitbahay kapag inilalagak dito ang kanilang anak. Sa panahon ng malawakang pangingibang-bayan ng mga kababayan nating OFWs, may humalili na sa tungkulin nang paghehele sa kanilang mga supling (habang ipinaghehele naman nila ang supling ng mga among banyaga).
Matapos ang naging lektura ng music researcher na si Sol Maris Trinidad tungkol sa mga sinaliksik niyang hele, sinundan ang naturang aktibidad ng isang visual arts workshop na pinangunahan ng visual artist at children’s book illustrator na si Beth Parrocha. Gamit ang iba’t ibang kulay ng acrylic paint, inatasan ni Parrocha na gumuhit ang mga participants sa mga nilalang bayong at sombrero. Malinaw ang naging panuto: ilagay nila rito ang mga imaheng pumapasok sa kanilang isipan habang pinapakinggan ang tumutugtog na hele. Sa ilang saglit, ang isang buong hall sa University of Antique ay napuno ng masasayang pagkukulay ng mga sombrero o bayong. Bawat isa ay nakalikha ng pambihirang art na ipinatong sa nilalang basket. May imahen ng baby, may mother and child, may mga imahen ng magagandang mukha ng babae (na sumasalamin sa kanilang mga nanay), at iba pa.
Tinanong ni Parrocha ang mga participants kung ano ang kanilang naramdaman matapos ang paglikha ng sining sa kanilang kakaibang canvass. Marami ang nagsabing sila ay narelaks, nasiyahan, at muling naaalala ang mga masasayang sandali sa piling ng kani-kanilang ina. Natutuwa ring nagpakuha ng pictures ang mga participants hawak ang makukulay nilang sombrero at mini-bayong.
Napag-usapan din na kung matamang hihimayin, ang heleng “Dandansoy” pala ay pumapaksa sa pag-ibig na namamagitan kina Dandansoy at sa isang dalaga. At sa pananaw o point of view ng naturang babae nakalahad ang awiting ‘Dandansoy.’ May isang saknong sa hele na ganito ang sinasabi:
Convent, where is the priest?
Municipal Hall, where is the Judge?
Here is Dansoy who will be charged
Charged for falling in love!
“Hala, love song pala ang Dandansoy?” Ganyan ang nasabi ng isang guro nang balikan niya ang mga lyrics nito. Totoo, tungkol nga sa pag-ibig ang nilalaman ng awit na Dandansoy. Wala itong kinalaman sa pagpapatulog o pagpapahimbing ng isang sanggol. Pero ang melodiya nito ay naghahatid sa atin ng kakaibang pakiramdam.
Sa huling saknong ng Dandansoy ay ganito ang nakasulat:
Let my handkerchief and yours
Be joined together
If they fit each other
You’ll be my husband; I’ll be your wife.
Nang dumating na sa bahagi ng Himig Himbing workshop na magpokus naman kami sa creative expression sa pamamagitan ng malikhaing pagsulat, inatasan ko ang mga participants na gawan ng text substitution ang lyrics ng mga hele at folksongs mula sa listahan ng mga paksa (isyu, culture icons, cultural tradition, social issues, at iba pa). Ang napiling paksa o tema ng isang grupo para sa awiting Dandansoy ay tungkol sa dakilang anak ng Antique na si Evelio Javier. Ano ang ilalapat nilang teksto sa lyrics ng Dandansoy?
Sino ba si Evelio Javier? Itinuturing si Javier na democracy icon sa lalawigan ng Antique matapos na siya ay paslangin noong Pebrero 11, 1986 habang binabantayan ang bilangan ng mga boto sa naganap na Presidential Snap Election. Dating naging gobernador ng Antique, kilala siya sa palayaw niyang Biloy. Ang inilapat na teksto ng grupong naka-assign dito ay mula sa pananaw ng asawa ni Evelio Javier na nagkataong nasa Amerika nang maganap ang pagpaslang sa kaniyang asawa.
Matapos ang ilang saglit, ganito ang lyrics na sinulat ng naturang mga guro sa wikang Kinaray-a/Hiligaynon at inawit sa saliw ng Dandansoy. Nilagyan din nila ng madaliang salin sa English para maunawaan namin ang mga linya ng kanta:
Kanta Kay Biloy
Evelio, mapanaw run ako (Evelio, I have to go now)
Sa America ako maadto (I am going to America)
Pag-andam ka pinalangga ko (You take care, my love)
Paghalong sa pagpanaw mo (Take care wherever you go)
Ang lupok sa States naglab-ot (The sound of gunshot reached the States)
Naglanug nga daw daguob (It is as loud as thunder)
Ginbadil tana sa plaza (He was shot at the plaza)
Si Biloy nga akun bana! (Biloy, my dear husband)
Ang bayad sa demokrasya (The price of democracy)
Hamili nga dugo kag luha (Are precious blood and tears)
Dugo kang akon palangga (Blood of my beloved)
Kag luha kang nagahigugma (Tears from the ones who cared)
Nagkaroon ng panibagong interpretasyon ang lyrics ng Dandansoy. “Love song pa rin ito,” sabi ni Eva Mari Salvador, associate artistic director ng Cultural Center of the Philippines. “Pero ang pag-ibig dito ay hindi na sa pagitan ng isang lalaki at isang babae. Ang pag-ibig dito ay patungkol na sa pag-ibig ng isang tao sa kanyang bayan.” Agad naman itong sinegundahan ni Lino Matalang, JR, ang Project Director ng Himig Himbing: Ang mga Ambahanon Naton. “Ganyan din ang naging interpretasyon ni Direk Zig Dulay sa video na nilikha niya para sa Dandansoy dito sa librong Himig Himbing. Pagmamahal sa bayan ang naging paksa. Anong meron sa Dandansoy?”
Sumasang-ayon ako kina Salvador at Matalang, maaari ngang tukuyin ng hele/love song na ‘Dandansoy’ ang pambihirang pagmamahal ni Evelio Javier para sa kanyang bayan (ang bansang Pilipinas o ang Antique sa partikular). Kahit yumao na si Javier, patuloy siyang inaalala ng mga mamamayan ng Antique sa kanyang patriotismo o pagmamahal sa bayan.
Isang araw bago ang naturang Himig Himbing workshop, nagkaroon kami ng pagkakataon na magpugay sa rebulto ni Evelio Javier na nakatayo sa mismong plaza kung saan siya walang awang pinaslang. Katapat ito ng Provincial Capitol Building ng Antique. Hindi ko akalaing may isusulat palang ‘hele’ ang mga workshoppers namin para sa kanya, sa kanyang alaalalk.
(May karugtong)