PINURI ni Senate Majority Leader Francis ‘Tol’ Tolentino ang matagumpay na kampanya ng koponan ng Pilipinas sa katatapos na Asian Kickboxing Championship na isinagawa sa Phnom Penh, Cambodia.
Ayon kay Tolentino, Pangulo ng Samahang Kickboxing ng Pilipinas (SKP), ang 16 medalyang napanalunan ng bansa sa kompetisyon ay “nagpapatunay sa galing, puso, at potensyal ng atletang Pilipino” sa larangan ng kickboxing.
Pinangunahan ni Jovan Medallo ang koponan matapos magkamit ng dalawang gintong medalya, habang sina Hergie Bacyadan, Gina Araos, at Carlo Von Buminaang naman ay nagwagi ng tig-isang ginto.
Inihalimbawa ni Tolentino si Bacyadan, nagwagi ng ginto sa women’s 70 kilogram K1 division, dahil sa pagpapamalas ng angking husay sa apat na iba’t ibang combat sports.
Aniya, huling itinaas ni Bacyadan ang watawat ng Pilipinas sa women’s boxing sa Paris Olympics. Bago nito ay naging world champion din sya sa vovinam, at world silver medalist naman sa wushu.
“Kung may tamang training at suporta, malaki ang potensyal ng ating mga atleta sa combat sports. Ito ang patuloy na pinatutunayan ni Bacyadan,” saad ng senador.
Samantala, nakamit ni Honorio Banario, dating ONE Featherweight MMA World Champion, ang pilak sa men’s 75-kilogram K-1 division.
Nagwagi rin ng 10 bronze medals ang mga Pinoy kickboxer sa kumpetisyon, na magsisilbing qualifier para sa 2025 World Games na isasagawa sa China.
Matagal nang itinutulak ni Tolentino ang sport na kickboxing, partikular sa mga kabataan. Isa ito sa mga regular na event sa taunang Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) Games.