26.4 C
Manila
Linggo, Nobyembre 24, 2024

Alamin ang mga terminolohiya sa pagtataya ng panahon ngayong patapos na ang habagat, at malapit na ang hanging amihan

- Advertisement -
- Advertisement -

OPISYAL nang idineklara ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) na tapos na ang pag-ihip ng hanging habagat at sumisimoy na ang hanging amihan.

Ayon kay Pagasa Administrator Nathaniel Servando ipinakita ng mga datos ang unti-unting paghina ng hanging habagat nitong mga nakaraang araw.

Habagat at hanging amihan

Habagat ang tawag sa hanging nagmumula sa timog kanluran na nagdudulot ng mga pag-ulan sa bansa mula Hunyo hanggang Setyembre o Oktubre.

Sa unti-unting paghina nito, lumalakas naman ang hanging  amihan, ang hanging nagmumula sa hilagang silangan na nagdudulot ng malamig  na panahon mula Oktubre hanggang Pebrero o Marso.


Ilan lamang ang mga ito sa mga terminong ginagamit ng Pag-asa sa pagtataya nito ng panahon.

Nito namang Oktubre 7,  may namataan ang Pagasa na Low Pressure Area (LPA) 165 kilometro mula sa Kanluran ng Coron, Palawan.

Dagdag pa nito, ito ay nasa dako ng Intertropical Convergence Zone (ITCZ) na nakaaapekto sa Palawaan at Mindanao.

Sadyang napakadaming terminolohiya na ginagamit ang Pag-asa upang ipaliwanag ang lagay ng panahon sa madla kaya naman ating alamin ang mga ito.

- Advertisement -

Low pressure area o LPA

Kapag sumasapit ang panahon ng tag-ulan sa bansa, madalas mabanggit ng Pagasa ang low pressure area o LPA. Tumutukoy ang LPA sa isang rehiyon sa atmospera kung saan ang presyon ng hangin ay mas mababa kumpara sa paligid nito.

Madalas na nagiging sanhi ng pag-ulan ang LPA na maaaring maging ganap na bagyo kapag lumakas.

Intertropical Convergence Zone o ITCZ

Isa pa sa binanggit ng Pagasa ang ITCZ. Tumutukoy ito sa isang lugar sa ekwador kung saan nagtatagpo ang mga hangin mula sa hilaga at timog. Kapag lumakas ang hangin dito, nagdudulot ito ng pag-ulan na maaaring maging bagyo.

Easterlies

- Advertisement -

Bagama’t wala sa huling pagtataya ng Pagasa ang terminolohiyang ito, kasama sa maaaring magdulot ng pag-ulan ang easterlies.

Tumutukoy ito sa hangin na nagmumula sa silangan at karaniwang umaabot mula sa Tropiko ng Kanser hanggang sa Tropiko ng Kaprikorniyo, ang rehiyon na 23.5 degrees taas o baba ng ekwador.

At mula rin sa silangan, sa Pilipinas, nagdadala ang easterlies ng mainit at mamasa-masang hangin mula sa Karagatang Pasipiko na maaaring magdulot ng pag-ulan, lalo na sa mga pook sa silangan.

Philippine Area of Responsibility  o PAR

Madalas din mabanggit sa pagtataya ng panahon, lalo na’t may paparating na bagyo ang tinatawag na Philippine Area of Responsibility (PAR). Tumutukoy ito hindi lamang sa teritoryo ng Pilipinas kundi sa lugar na tinukoy ng World Meteorological Organization  na itinoka nito na subaybayan ng Pagasa. Nasa lugar ng Western North Pacific na may coordinates na 5°N 115°E, 15°N 115°E, 21°N 120°E, 25°N 120°E, 25°N 135°E at 5°N 135°E ang PAR, kung saan kabilang sakop nito ang Taiwan.

Sa mapa, makikita na nasasakop nito ang malawak na karagatan na umaabot sa 1,350 kilometro mula sa Casiguran, Aurora pasilangan.

Hindi nadarama sa bansa minsan ang LPA o bagyo na pumapasok sa PAR lalo na’t hindi ito nag-landfall.

Landfall na maituturing kapag tumama na ang mata ng bagyo sa baybayin.

Dalawang panahon lamang mayroon ang Pilipinas

Sa Pilipinas, mayroon lamang dalawang panahon, ang basa at tuyong panahon. Walang winter, spring, summer o fall sa bansa, tag-araw at tag-ulan lamang.

Sabi nga ng ibang mapagmasid na mga dayuhan, laging summer sa Pilipinas.

Base na rin sa Pagasa, 26.6 degree Celsius ang karaniwang temperatura sa bansa, hindi kasama ang Baguio. Pinakamalamig kapag Enero na may karaniwang temperatura na 25.5 degree Celsius.

Ayon pa sa Pag-asa, tropical at maritime ang klima sa Pilipinas. Nangangahulugan ito na mainit na temperatura, mataas na kahalumigmigan at masaganang ulan.

Nagsisimula ang tag-ulan sa Hunyo at nagtatapos dakong Nobyembre, samantalang mula Disyembre hanggang Mayo naman ang tagtuyo, ayon sa Pagasa.

Sa panahon ng tag-ulan, nagiging mas madalas at malakas ang pag-ulan na nagdadala ng mga pagbaha at pagguho ng lupa, bukod pa sa labis na pagkasira ng mga pananim at ari-arian.

Ayon sa Pagasa, mandato nito na magbigay ng babala, pagtataya ng panahon, flood bulletin at advisory. Sa pamamagitan ng mga babala at pagtatayang ito, makapaghahanda ang mga tao.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -