27.5 C
Manila
Sabado, Enero 18, 2025

Ani ng mga hele sa lalawigan ng Antique

PUWERA USOG PO

- Advertisement -
- Advertisement -

Una sa 2-bahagi

BINISITA ng Cultural Center of the Philippines (CCP) ang lalawigan ng Antique sa Kabisayaan kamakailan. Ito ay upang muling itanghal at ipakilala ang mga oyayi o hele na nakalakihan natin. Matatandaan na noong nakaraang taon, naglunsad ang CCP Arts Education Department, sa pamamagitan ng Audience Development Division, ng isang proyektong tinawag na Himig Himbing: Mga Heleng Atin. Dito ay sinikap tipunin ng ethnomusicologist na si Sol Maris Trinidad ang mga hele mula sa iba’t ibang rehiyon ng bansa. Ang naturang pananaliksik ni Trinidad sa mga hele ay nilapatan ng bagong areglo ni Krina Cayabcab.

Si Sol Maris Trinidad, ang researcher ng mga awiting hele sa aklat na ‘Himig Himbing’ na inilathala ng CCP

“Napapanahon na muling tingnan ang ating mga lullabies o hele. Mahalaga itong parte ng ating kultura at sana’y muli natin itong bigyang-pansin,” bungad ni Lino Matalang Jr, ang Project Director ng Himig Himbing. Matapos ang paglulunsad nito sa CCP noong nakaraang taon, minabuti ng CCP na ito ay mailibot sa iba’t ibang lugar sa bansa kasama na ang Dagupan City at ang Antique province.

Nagkaroon din ng video production ang bawat hele na idinirek ng mahuhusay nating direktor sa TV at pelikula. Bawat hele ay binigyan ng pambihirang interpretasyon sa video. Isa sa nagdulot ng aliw sa akin ang heleng “Lubi-Lubi” sapagkat magaan na ipinakita ng director ng video ang mga imahen (images) na nagpapahiwatig nang pagbabago ng panahon – gaya ng orasan, hour glass/sand timer – kasabay ng lyrics nito na ‘Enero, Pebrero/ Marso, Abril, Mayo/ Hunyo, Hulyo, Agosto/ Setyembre, Oktubre/ Nobyembre, Disyembre/Lubi-lubi.’

Kasama ng may akda na si Dr. Luis Gatmaitan (ikalawa mula sa kaliwa) sina Lino Matalang Jr (Project Director ng Himig Himbing), Eva Mari Salvador (CCP Associate Artistic Director), Beth Parrocha (book designer and illustrator), isang opisyal ng cultural department ng University of Antique, Ruth Borja Pequierda (dating CCP employee), at Jonathan Jurilla (filmmaker)

Kasabay din na inilathala ng CCP ang isang aklat ng mga hele na tinawag na ‘Himig Himbing: Mga Heleng Atin.’ Ang visual artist at ilustrador ng mga aklat pambata na si Beth Parrocha ang nahilingan nilang gumawa ng art sa kabuuan ng libro, mula sa cover at hanggang sa inside pages. Bawat hele na itinampok sa aklat ay nilagyan ng magandang guhit ni Parrocha. Makikita rin kung saan nagmula ang hele batay sa kasuotan ng nanay o tatay o ng bata.


Sina Trinidad, Gatmaitan, at Parrocha ang nagdaos ng workshop sa humigit-kumulang na 150 participants sa University of Antique

Natuwa rin si Senadora Loren Legarda nang malaman na magsasagawa ang CCP ng isang workshop at show/performance sa kaniyang lalawigan patungkol sa mga hele kaya’t sinuportahan niya ito nang buong-buo. Ang butihing senadora ay laging nakasuporta sa mga gawaing pangkultura sa bansa, lalo na at sa Antique pa ito ginawa. Ayon sa kanyang photographer na si Tonzie Escano Gay, kapag patungkol sa pulitika ang usapan, hindi gaanong nagtatagal sa pakikipagkuwentuhan si Senador Loren. Ngunit kapag kultura na ang usapan, mapapansing nakababad na siya sa kuwentuhan. Nagkataon din na ang kanyang nakababatang kapatid na si Congressman AA Legarda ang kasalukuyang representative ng nag-iisang distrito ng Antique na mainit din ang naging pagtanggap sa naturang aktibidad.

Kasama ng may akda si Congressman AA Legarda (ng nag-iisang district ng Antique) at si Eva Mari Salvador, CCP Associate Artistic Director

 

Noong Setyembre 27, nagkaroon ng maghapong workshop sa isang function room sa University of Antique (UA). Dinaluhan ito ng humigit-kumulang na 150 participants na karamihan ay mga guro, magulang, incoming teachers, at iba pang nurturers. Layon ng naturang workshop na muling bisitahin at pag-alabin ang pagmamahal nila sa mga kinalakhan nilang lullabies o hele sa pamamagitan ng iba’t ibang art forms: panitikan, sining biswal, musika, at produksyong pang-video. Naanyayahan ang mga sumusunod na artists para pangunahan ang maghapong workshop: Sol Maris Trinidad (para sa Musika), Beth Parrocha (para sa Sining Biswal), Jonathan Jurilla (para sa video production), at ang inyong lingkod, Luis Gatmaitan (para sa Literatura).

Si Eva Mari Salvador, ang namuno sa Arts Education team na tumungo sa Antique

Sinimulan ito nang isang maigsing lektura ni Sol Maris Trinidad tungkol sa kahalagahan ng hele at kung paanong naging mahalagang bahagi ito ng ating oral culture. Ibinahagi pa niya na hindi naman laging tungkol sa pagtulog ang mensahe sa mga hele. Pagkatapos ay hinati niya sa ilang grupo ang mga participants at nagbigay ng mga tanong na gumabay sa kanilang pagtalakay sa mga hele gaya nang kung ano-ano ba’ng mga heleng naaalala nila noong bata pa sila? Sino-sino ang mga naghele sa kanila noon? Ano rin ang mensaheng nakapaloob sa mga heleng nakagisnan?

- Advertisement -

Isang masayang talakayan at kuwentuhan ang naganap nang magbahagi na ang mga participants. Karamihan sa kanila ay binanggit ang mga awiting Ili-Ili Tulog Anay, Dandansoy, at Turagsoy. May mga bumanggit pa ng Si Pilimon (take note: hindi ‘Si Felimon’), Lubi-Lubi, at iba pang awiting sa kanilang lugar lamang maririnig. Lumabas din sa talakayan na sa pagpapatulog ng sanggol, hindi naman laging ang tradisyunal na heleng gaya ng ‘Dandansoy’ at ‘Ili-Ili Tulog Anay’ ang inaawit.  Puwede rin daw ang mga nursery rhymes na gaya ng ‘Twinkle, Twinkle, Little Stars’ at ‘Row your Boat.’ May nagsabi rin na mabisang pagpatulog ang mga worship songs gaya ng ‘Ama Namin’ at ‘Mahiwaga ang Buhay ng Tao.’ Ang ilustrador na si Beth Parrocha, ang resource person sa Visual Arts ng workshop, ay nagbahagi rin na naging epektibo raw ang awiting pamaskong ‘Jingle Bells’ sa kanyang anak noong beybi pa ito. Naisip ko na maaaring ang tempo at ang rocking movement na kaakibat nang naturang awitin ang nakapagpapaantok o nakapagpaparelaks sa sanggol.

May pagkakataon sa talakayan na may babanggiting kantang hele ang ilang participants pero hindi pamilyar ang karamihan. Hinihilingan sila ni Trinidad na awitin ito ng taong nakaisip nito para maipakilala ang naturang hele. Sa gitna ng masayang talakayan, may isang guro ang nagbahagi ng kantang may pamagat na ‘Um.’ Nais malinawan ni Trinidad kung paano ito kinakanta ang kung ano ang lyrics nito. Ngayon lang din daw niya na-encounter ang kantang ‘yun. Ipinagtapat ng naturang guro na hindi niya talaga alam ang awit na ‘Um.’ Pinamagatan lang daw niyang ‘um’ dahil ganun daw ang naririnig niyang paghehele ng nanay niya sa mga nakababatang kapatid. At sinimulang niyang mag-alingawgaw nang paulit-ulit na uhmmmm uhmmmm uhmmm. Nagkatawanan ang lahat. Kapag kasi nalimutan na natin ang mga lyrics at melodiya na lamang ang nasa isip, humuhuni na lang tayo ng uhmmmmmm.

(May karugtong)

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -