NAGPAPATULOY ang pambansang pagtataguyod sa mga pangunahing prinsipyo at karapatan sa paggawa, sa pamumuno ng Department of Labor and Employment (DOLE), matapos ang matagumpay na paglulunsad nito sa rehiyon ng Eastern Visayas noong ika-16 ng Agosto 2024.
Layunin nitong i-update at isaayos ang mga tungkulin at responsibilidad ng mga stakeholder at itaguyod ang mahusay at epektibong koordinasyon sa pangangasiwa at pagpapatupad ng Omnibus Guidelines on the Exercise of Freedom of Association (FOA) and Civil Liberties.
Pinangunahan ni Labor Assistant Secretary Atty. Lennard Constantine C. Serrano ng Labor Relations, Policy, International Affairs, at Regional Operations Cluster, ang kaganapan kung saan binibigyang-diin na ang pagprotekta at pagtataguyod ng kalayaan ng asosasyon ay isang magkakasamang responsibilidad.
“Kinikilala namin sa Department of Labor and Employment na ang proteksyon at pagtataguyod ng mga karapatan ng mga manggagawa at employer na magkaisa at mag-organisa ay isang magkasamang responsibilidad sa pagitan ng pamahalaan at lahat ng organisasyon ng mga manggagawa at employer,” pahayag ni Asec. Serrano.
Nakasentro ang rollout activity sa isang araw na puno ng talakayan at open forum na nakatuon sa parehong pang-unawa ng mga kalahok sa mga alituntunin ng FOA at pagtiyak na ang kalayaan sa pagsasama-sama at mga kalayaang-sibil ay naitataguyod sa lahat ng sektor sa rehiyon.
Kasama ni Asec. Serrano sa talakayan sina DOLE Region VIII OIC–Regional Director Atty. Dax B. Villaruel, Technical Support Services Division (TSSD) Chief Virgilio A. Doroja Jr, at mga opisyal ng iba’t ibang Field Office ng labor regional office.
Dumalo rin ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sa Region 8, kabilang ang Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines, Department of National Defense, Department of the Interior and Local Government, Commission on Human Rights, Civil Service Commission, Department of Trade and Industry, Employees’ Compensation Commission, Regional Tripartite Wages and Productivity Board, at ang National Economic and Development Authority. Katherine P. Singzon / TDL/ gmea