29.6 C
Manila
Biyernes, Oktubre 4, 2024

Balik-tanaw sa kasong hazing ni Atio Castillo

- Advertisement -
- Advertisement -

HINATULAN kamakailan ng reclusion perpetua o 40 taong pagkakakulong ng Manila Regional Trial Court (RTC) ang 10 akusado sa pagkamatay ng isang estudyante ng abogasya sa University of Santo Tomas (UST) pitong taon na ang nakararaan.

Sa desisyon ng Manila RTC Branch 11 nitong Oktubre 1, sinabi nito na “guilty beyond reasonable doubt” sa paglabag sa Anti-Hazing Law of 1995, sina Arvin Rivera Balag, Mhin Wei Chan, Axel Munro Hipe, Oliver John Audrey Onofre, Joshua Joriel Macabali, Ralph Trangia, John Robin Ramos, Jose Miguel Salamat, Danielle Hans Matthew Rodrigo, at Marcelino Bagtang Jr. na nagdulot ng kamatayan ni Horacio “Atio” Castillo III.

Isinabatas ang Anti-Hazing Law upang pigilan ang panggugulpi na karaniwang ipinadaranas sa mga nagnanais sumapi sa isang fraternity, sorrority o samahan bilang parte ng ‘hazing’ sa initiation rites. Layunin ng batas na ito na mapatawan ng parusa ang mga gagawa nito.

Pagpapagawa ng mga nakahihiyang bagay, bukod sa pananakit sa pamamagitan ng pamamalo gamit ang ‘paddle’ o pisikal na katawan ang ‘hazing.’

Dinanas lahat ito ni Castillo bago siya binawian ng buhay noong Setyembre 17, 2017.

Base sa sinumpaang salaysay ni Marc Anthony Ventura, isa sa mga frat members na tumayong state witness, nagsimula ang initition rites akong alas-dos ng madaling araw sa pamamagitan ng dasal, upang, umano’y, walang masamang mangyari habang ginagawa ang proseso.

Inutusan umano nila si Castillo na mag-stretching bago simulan ang initiation.

Pagkatapos nito sinimulan na ng mga frat members ang hazing sa pamamagitan ng pagsuntok sa braso ni Castillo.

Tinapik-tapik umano ng spatula ang braso ni Castillo upang mabawasan ang pamamaga at kumalma ang kalamnan nito bago siya pinalo gamit ang paddle.

Sa ikatlong pagpalo, tinanong pa umano si Castillo kung kaya pa nito at umoo umano ito, ayon pa sa affidavit ni Ventura.

Pero pagkatapos ng ikaapat na hampas, hinimatay na si Castillo, dakong alas-singko na ito ng madaling araw.

Ipinatawag umano ng grupo ang isang miyembro na may medical background, si John Paul Solano, para tingnan si Castillo na may pulso pa nang mga oras na iyon.

Nabuhat na umano nila si Castillo sa pickup na sasakyan at dadalhin na sana sa ospital nang dumating si Solano kaya ibinalik nila sa library ng Aegis Juris.

Subalit hindi na kayang i-revive ni Solano kung kaya napagdesisyunan na niang dalhin sa Chinese General Hospital kung saan idineklara si Castillo na dead on arrival.

Sa paglalahad ng GMA News ng mga pangyayari kaugnay ng kaso, sinabi nito na Setyembre 18 na nang makatanggap ng text message ang pamilya Castillo sa sinapit ni Atio mula sa Chinese General Hospital.

Pagdating ng Setyembre 27, 2017, inihatid sa huling hantungan si Atio kasabay ng pagsasampa ng pulisya ng reklamo sa Department of Justice (DOJ).

Ngunit bago ito, nadiskubre ng mga imbestigador ng kaso ang isang group chat na ginawa ilang oras lamang matapos ang pagkamatay ni Atio.

Sa naturang group chat, may ilang myembro ng frat ang nagmungkahi sa kapwa nila kasapi na tiyakin malinis ang kanilang library at walang CCTV sa naturang lugar.

Nagkaroon na rin ng sariling imbestigasyon ang UST.

Makalipas ang ilang buwan, noong Pebrero 2018, pinatalsik ng UST ang walo nitong law students na umano’y may kinalaman sa pagkamatay ni Atio.

Nang sumunod na buwan, kinasuhan ng  DOJ ang 11 myembro ng Aegis Juris na sina Arvin Balag, Ralph Trangia, Oliver John Audrey Onofre, Mhin Wei Chan, Danielle Hans Matthew Rodrigo, Joshua Joriel Macabali, Axel Munrio Hipe, Marcelino Bagtang, Jose Miguel Salamat, and Robin Ramos dahil sa paglabag sa Anti-Hazing Law. Kinasuhan din ng perjury at obstruction of justice si John Paul Solano dahil sa pagsisinungaling nito at pagbibigay ng maling impormasyon sa mga imbestigador.

Kasunod nito, naglabas ang Manila RTC Branch 40 ng warrant of arrest laban sa mga akusado.

Sumuko sa National Bureau of Investigation (NBI) ang 10 frat members noong Marso 23.

Makalipas ang dalawang buwang detensyon sa NBI, inilipat ang 10 sa Manila city jail matapos ibasura ng Manila RTC Branch 20 ang kanilang kahilingang manatili sa NBI.

Pagdating ng Hunyo 2019, hinatulang guilty ng Manila Metropolitan Trial Court Branch 14 si Solano ng guilty of obstruction at sinentensiyahan siyang makulongng dalawa hanggang apat na taon. Ayon sa kaniyang pahayag sa mga imbestigador, natagpuan umano niya si Atio na “half dead” at “unconscious” sa isang sidewalk sa Balut, Tondo bago niya ito dinala sa Chinese General Hospital.

At nito nga lamang Martes, Oktubre 1, 2024, makalipas ang pitong taon, lumabas na ang desisyon ng korte kung saan idineklarang guilty sina Arvin Rivera Balag, Mhin Wei Chan, Axel Munro Hipe, Oliver John Audrey Onofre, Joshua Joriel Macabali, Ralph Trangia, John Robin Ramos, Jose Miguel Salamat, Danielle Hans Matthew Rodrigo, Marcelino Bagtang Jr. sa paglabag sa Anti-Hazing Law of 1995.

Bukod sa parusang reclusion perpetua o 40 taon pagkakakulong, ipinag-utos rin ng korte na magbayad sila ng P461,800 para sa actual expenses, P75,000 para sa civil indemnity, P75,000 para sa moral damages, at P75,000 para sa exemplary damages.

Nagresulta ang pagkamatay ni Castillo upang amyendahan ang Anti-Hazing Law of 1995.

Ipinasa ang Republic Act (RA) 11053, na kilala rin sa tawag na Anti-Hazing Law of 2018 na nagbibigay ng mas matinding parusa sa mapapatunayang nagkasala at nagbabawal sa kahit na anong uri ng hazing.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -