NAGBABALA si Senador Win Gatchalian sa ilang probisyon ng panukalang paunlarin ang industriya ng natural na gas sa bansa dahil maaari itong makasama sa kapakanan ng taong bayan.
Binigyang-diin ni Gatchalian na bagama’t kinikilala niya ang magandang hangarin ng Senate Bill 2793 o An Act Promoting The Development Of The Philippine Natural Gas Industry upang makamit ang seguridad sa enerhiya at mahikayat ang pamumuhunan sa sektor ng upstream oil and gas, kailangan aniyang muling bisitahin at suriin ang ilang mga probisyon.
Partikular na binanggit ng senador ang Section 6 ng naturang panukala, na nagpapahintulot ng full recovery ng mga ‘reasonable cost’ ng mga power generator – isang mas maluwag na pamantayan kumpara sa ‘least cost’ na kinakailangan na nakasaad sa Electric Power Industry Reform Act (EPIRA).
Idinagdag pa ng senador na dapat tiyakin ng panukalang batas na mapoprotektahan pa rin ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang mga konsyumer sa pamamagitan ng ‘least cost standard’ kapag sinusuri ang mga kasunduan sa power supply.
Sa probisyon ng suplay ng gas na nasa Section 21, may prayoridad ang indigenous natural gas (ING) kaysa sa imported na natural na gas at maging ang elektrisidad na mula sa ING ay may prayoridad sa generation, transmission, distribution, at supply, kahit na mas mahal ang ING kaysa sa ibang suplay. Maaari itong magdala ng problema dahil mapipilitan ang mga mamimili na magbayad ng mas mataas na presyo ng kuryente sa tuwing mas mahal ang ING.
Ayon sa industry sources, ang halaga ng purong liquified natural gas (LNG) sa 10.5 US dollars kada million British thermal units (MMBtu) ay tugma sa levelized cost of energy (LCOE) rate na 7.07 pesos kada kilowatt hour (kWh). Sa kabilang banda, ang halo ng LNG at indigenous natural gas (ING), na may presyo mula 11.8 hanggang 13.5 MMBtu, ay katumbas ng rate na 8.4 pesos kada kWh.
“Kailangan nating siguraduhin na ang bawat probisyon ng panukalang batas ay magbibigay ng proteksyon sa mga konsyumer at magpapalakas ng buong sektor ng enerhiya para lalong palakasin ang ating ekonomiya,” pagtatapos niya.