31.3 C
Manila
Huwebes, Nobyembre 21, 2024

Tantiya ng ADB sa paglaki ng ekonomiya ng Pilipinas sa 2024 at 2025

- Advertisement -
- Advertisement -

NAIBALITA sa The Manila Times noong Setyembre 26, 2024 na hindi binago ng Asian Development Bank (ADB) ang mga tantiya nito sa porsiyento ng paglaki ng ekonomiya ng Pilipinas ngayong taon at sa 2025. Naniniwala si Pavit Ramachandran, ang ADB Philippines Country Director, na ang mga sangkap sa patuloy ng paglaki ng ekonomiya ng Pilipinas ay nasa angkop na lugar upang ipagpatuloy ang pagsulong. Binanggit niya ang pagtaas ng kita ng pamahalaan sa pamumuwis na nagbibigay daan sa pamalahaan na palawakin ang mga gugulin nito sa imfrastruktura  at panlipunang serbisyo na nagpapataas naman ng empleyo at gugulin sa pagkonsumo ng mga pamahayan. Idinagdag pa niya bunga ng mga reforma sa pagbubukas ng ekonomiya sa bilihang global malaking dayuhang pangangapital (FDI) ang pumapasok sa bansa. Bunga ng mga nabanggit na salik nananatili sa 6% ang tantiya ng ADB sa paglaki ng ekonomiya sa 2024 na katumbas ng pinakamababang target ng pamahalaan sa paglaki ng ekonomiya na itinakda sa pagitan ng 6% hanggang 7 porsiyento. Samantala ang tantiya ng ADB sa paglaki ng ekonomiya sa 2025 ay nananatili sa 6.2% na mababa sa target ng pamahalaan na 6.5% hanggang 7.5 porsiyento.

Matatatandaan na noong ikalawang kwarter ng taon Q2 2024, ang gugulin ng pamahalaan ay nagtala ng 10.7% na paglaki kung ihahambing sa Q2 2023. Ang naitalang guguling pagkonsumo ng pamahalaan noong Q2 2024 na P930 bilyon ang pinakamataas na antas na gugulin ng pamahalaan mula pa noong Q1 2022. Kaya’t  ang patuloy na gugulin sa imfrastruktura at guguling panlipunan at ekonomiko ng pamahalaan ay magbibigay na malaking ambag sa porsiyento ng paglaki ng ekonomiya.

Samantala ang guguling pangangapital ay nagtala ng 11.5% noong Q2 2024 kung ihahambing sa Q2 2023. Ang halagang P1.5 trilyon na pangangapital noong Q2 2024 ay ang pinakamataas ring antas ng pangangapital simula pa noong Q1 2022.

Batay sa mga datos na ito na paglaki ng ekonomiya ng Pilipinas ay nakabatay sa mabilis na paglaki ng gugulin ng pamahalaan at guguling pangangapital. Ang dalawang pangunahing guguling ito ay nagpapataas rin sa pagkonsumo ng mga pamahayan dahil sa paglikha nila na karagdagang empleyo tulad ng nabanggit ng ulat mula sa Asian Developlment Bank.

Subalit, ang mga positibong salik na ito sa paglago ng ekonomiya ng Pilipinas ay humaharap na ilang panganib at hamon na makapagpapabagal sa paglaking ekonomiko ng bansa ngayon at susunod na taon. Kasama rito ang mga pangyayari na makakaapekto sa ambag ng agrikultura at netong eksports sa paglago ng ekonomiya.


Sa agrikultura, ang patuloy ng pananalasa ng malalakas na ulan at baha bunga ng mga bagyo at habagat na pinalalala ng pagbabago sa klima ay ay maaaring makasira sa maraming pananim kasama na ang palay. Matatandaan na ang agrikultura ay nagtala ng negatibong 2.3% porsiyentong paglaki noong ikalawang kwarter ng 2024. Ang ambag ng sector sa pambansang kita ay patuloy na bumababa simula pa noong  Q4 2023. Dahil sa direksyon na ito ang epekto ng mga matitinding ulan at baha ay lalo pang magpapabagal sa paglaki ng sector ng agrikultura ngayon at susunod na taon.

Ang netong eksport ng ating ekonomiya ay humaharap din sa mga matinding mga hamon. Una, mabilis na lumalaki ang ating inaangkat kaya’t negatibo ang ating netong eksports. Nagpapahiwatig ito na kinakailangan mangutang ang bansa upang tustusan ang lumalaking gugulin na nagpapalaki ng ating inaangkat. Ikalawa, ang mga pangyayari sa labas ng bansa ay nakakaapekto sa ating eksports. Matamlay ang demand sa ating mga produkto sa bilihang internasyonal dahil nakararanas ng resesyon ang mga pangunahing rehiyon at bansa na bumibili ng ating mga produkto at sebisyo. Halimbawa, ang European Union (EU) at China, ay nagpapakita na mabagal na paglaki kung hindi man nakararanas ng matatamlay na mga gugulin. Dahil ang kanilang pambansang kita ay hindi gaanong lumalaki ang demand nila sa mga produkto mula sa ibang bansa ay mabagal na lumalaki.  Samantala, dahil ang Estados Unidos ang pangunahing bansang bumibili ng ating mga iniluluwas na mga produkto, ang mga hamon sa ekonomiya ng Estados Unidos bunga ng nagbabadyang resesyon, nagbabagsakang presyo ng mga stock at mga pagbabago sa patakarang pananalapi ay makakaapekto sa ating eksports at paglaki ng ekonomiya sa hinaharap.

Batay sa ating pagsusuri sa itaas,  ang paglalakbay ng ating ekonomiya sa paglago nito ngayong taon at susunod na taon ay hindi isang tuwid at malinis na daan bagkus ito ay isang baku baku at masukal na daan. Sa ganitong sitwasyon ang kailangan ng mga pinuno ng pamahalaan na matingkarin ang mga oportunidad sa paglaki at sugpuin o pababain ang mga panganib at hamong hinaharap upang mapabilis ang paglago ng ating ekonomiya.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -