26.5 C
Manila
Sabado, Oktubre 5, 2024

Pagpapatayo ng mga evacuation center sa buong bansa malapit nang maisakatuparan — Gatchalian

- Advertisement -
- Advertisement -

MATAPOS ang pag-apruba ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ng ‘Ligtas Pinoy Centers Act’ (Senate Bill No. 2451), sinabi ni Senator Win Gatchalian na ang mga lungsod at munisipalidad sa buong bansa ay isang hakbang na lang ang layo sa pagkakaroon ng sariling evacuation centers.

“Sa panahon ng anumang kalamidad, tulad ng bagyong nararanasan ng bansa ngayon, magiging mas madali ang paglikas ng mga apektadong residente kung mayroon silang permanenteng ligtas na matutuluyan. Mas mapapabilis din ang proseso para sa mga lokal na pamahalaan sa pagtiyak ng kaligtasan ng kanilang nasasakupan,” ayon kay Gatchalian.

Sa ilalim ng panukalang batas, kung saan co-author at co-sponsor si Gatchalian, imamandato na ang pagtatayo ng mga evacuation center sa bawat lungsod at munisipalidad, na magbibigay ng agarang tuluyan para sa mga lumikas o pansamantalang nawalan ng tirahan dahil sa mga bagyo at iba pang mga emergency tulad ng pagbaha, lindol, pagsabog ng bulkan, sunog, pagkalat ng sakit, at iba pa.

Ipinunto ni Gatchalian, na chairperson ng Senate Committee on Basic Education, na ang pagtatayo ng evacuation centers sa lahat ng lungsod at munisipalidad ay makakatulong upang matigil na ang paggamit ng mga silid-aralan bilang pansamantalang tirahan, na nagiging sanhi ng pagkaantala sa pag-aaral tuwing may kalamidad.

“Kung magpapatayo ang bawat lungsod at munisipalidad ng matatag na mga evacuation center, mapipigilan na ang paggamit sa ating mga silid-paaralan bilang pansamantalang tirahan ng mga nasalanta ng kalamidad,” ayon kay Gatchalian.

Ang panukalang batas ay nagtatakda na ang mga evacuation center ay dapat kayang labanan o matagalan ang hangin na may bilis na hindi bababa sa 300 kilometro bawat oras at seismic activity na umaabot sa 8.0 magnitude. Ang mga evacuation center ay dapat mayroon ding mga pasilidad tulad ng mga silid-tulugan, magkahiwalay na palikuran at paliguan para sa mga kalalakihan at kababaihan, mga lugar para sa paghahanda ng pagkain at kainan, at mga tinatawag na friendly spaces para sa mga kababaihan at mga bata.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -