NAKIBAHAGI ang Department of Labor and Employment (DoLE), sa pamamagitan ni Assistant Secretary for Labor Relations, Policy and International Affairs Atty. Lennard Constantine Serrano at Bureau of Working Conditions Director Alvin Curada, sa delegasyon ng Pilipinas sa ginanap na unang Philippines-United States (US) Democracy Dialogue noong Setyembre 10 hanggang 11. Pinangunahan ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang delegasyon ng Pilipinas sa bilateral talks.
Ang naganap na dayalogo ay nagsilbing plataporma sa pagsisimula ng regular na pag-uusap tungkol sa karapatang pantao at demokrasya at tukuyin ang mga inisyatiba na magkasamang ipatutupad ng dalawang bansa bilang tugon sa pangako nitong protektahan at itaguyod ang demokrasya, karapatang pantao, at mabuting pamamahala.
Kabilang sa mga item sa agenda na sakop ng bilateral na talakayan sa unang araw ng dayalogo ay pamamahala ng pananagutan; karapatang pang-ekonomiya, panlipunan at pangkultura; karapatang sibil at pampulitika; at mga umuusbong na hamon sa karapatang pantao.
Pinahintulutan din ng pulong ang dalawang bansa na ihanay ang kanilang mga hakbangin para sa magkasamang pagtataguyod ng paggalang sa karapatang pantao at demokratikong institusyon, partikular sa panuntunan ng batas at mabuting pamamahala, kalayaan sa pagpapahayag at pagsasamahan, karapatan sa paggawa, at mga karapatang pantao ng mga miyembro ng mga mahihirap na komunidad.
Tinalakay din ng Pilipinas at US ang kanilang magkaparehong interes ukol sa transparency, inclusiveness, paglaban sa katiwalian, pagbibigay kapangyarihan sa mga mamamayan, at paggamit ng mga bagong teknolohiya para sa mabuting pamamahala. Tinutugunan din nila ang hamon sa karapatang pantao sa gitna ng mga makabagong teknolohiya at artificial intelligence.
Tinalakay din ng dalawang bansa ang pangangailangan laban sa disinformation, gayundin ang mga epekto ng pagbabago ng klima sa mga karapatang pantao habang isinasaalang-alang ang mga isyu ng hustisya sa klima at pondo para sa klima.
Upang palawigin ang talakayan tungkol sa karapatang pantao, isinama sa ikalawang araw ng dayalogo ang roundtable discussion sa pagitan ng mga pamahalaan at civil society organization na kumakatawan sa mga mamamahayag, manggagawa, mga biktima ng terorismo, gayundin ang mga grupong pangkalikasan, katutubo, at grupo para sa karapatan ng mga bata.
Sinabi ng DFA na ang ikalawang bahagi ng dayalogo ay nakatakdang ganapin sa Washington, D.C. sa susunod na taon.