BILANG paggunita sa katatapos lamang na Palarong Olimpiko at Paralimpiko sa Paris, itinatampok namin. ang pangunahing pook-pampalakasan ng bansa—ang Rizal Memorial Sports Complex sa Malate, Maynila.
Sinimulang itayo noong 1927 sa pangangasiwa ng arkitektong si Juan Arellano, pinasinayaan ito noong 1934 sa pagdaraos ng ika-10 Far Eastern Championship Games.
Kabilang sa mga orihinal nitong gusali ang Track and Football Stadium, Baseball Stadium, Swimming Stadium, at ang Tennis Stadium (kasalukuyang ang Coliseum). Nagtataglay ng iba’t-ibang pagkasalimuot at laki ang mga gusaling ito, kung saan ang Baseball Stadium ang pinakasimple, at ang Track and Football Stadium ang may pinakamaraming palamuting yari sa 𝘱𝘳𝘦𝘤𝘢𝘴𝘵 𝘤𝘰𝘯𝘤𝘳𝘦𝘵𝘦. Natatangi naman ang Tennis Stadium dahil mayroon itong limang bestibulo papasok ng arena nito, na may mga sahig na gawa sa makulay na 𝘵𝘦𝘳𝘳𝘢𝘻𝘻𝘰.
Idinisenyo ni Arellano ang mga gusaling ito sa istilong 𝘚𝘵𝘳𝘦𝘢𝘮𝘭𝘪𝘯𝘦𝘥 𝘔𝘰𝘥𝘦𝘳𝘯𝘦, isang sangay ng istilong Art Deco na uso sa panahong iyon. Kakikitaan ng iba-ibang paglalapat ng mga elemento at detalyeng art deco ang mga gusali, tulad ng mga pinasimpleng hugis at mga zigzag halaw sa istilo ng pintor na si Mondrian, mga 𝘴𝘱𝘦𝘦𝘥𝘴𝘵𝘳𝘪𝘱𝘦, mga 𝘤𝘩𝘦𝘷𝘳𝘰𝘯, mga kumukurbang pader, mga bintanang bilog o 𝘱𝘰𝘳𝘵𝘩𝘰𝘭𝘦 𝘸𝘪𝘯𝘥𝘰𝘸𝘴, at mga mala-𝘻𝘪𝘨𝘨𝘶𝘳𝘢𝘵 na parilya at rehas. Kapansin-pansin rin ang paglapat ni Arellano ng mga katutubong elemento tulad ng mga labong na mga finial at relyebong sampaguita.
Nagsilbing himpilan ng mga sundalong Hapon ang mga gusali nito noong mga nalalabing araw ng Labanan ng Maynila noong 1945, at bahagyang nasira ito bunga ng pambobomba ng mga Amerikano. Matapos ang digmaan, muling isinaayos ito para sa pagdaraos ng ikalawang Asian Games noong 1954. Muli itong pinagdausan ng mga sumunod pang palakasan tulad ng Southeast Asian Games noong taong 1981, 1991 at 2005. Maliban sa gamit nito bilang pook-pampalakasan, ang Rizal Memorial Sports Complex ay naging saksi rin sa mga mahahalagang pangyayaring pulitikal, pangrelihiyon, at ng kulturang popular gaya ng konsyerto ng The Beatles noong 1966.
Dulot ng sunod-sunod na pagtatayo ng iba pang mga mas modernong pook-pampalakasan sa ibang bahagi ng Kalakhang Maynila, nalugmok sa kapabayaan ang Rizal Memorial Sports Complex at muntikan na ring maipagiba. Sa tulong ng mga organisasyong tagapagtaguyod ng pamana, napigilan ang mga bantang ito at idinieklara ang complex bilang Mahalagang Yamang Pangkalinangan at Pambansang Palatandaang Pangkasaysayan noong 2017. Muli itong isinaayos para sa ika-30 Southeast Asian Games noong 2019 kung saan idinaos ang ilan sa mga paligsahan, kabílang ang himnastiko.
Naging instrumento ang mga gusaling ito hindi lamang sa pagdaraos ng mga palakasan, kundi upang maipamalas rin ng mga Pilipino ang kanilang kahandaang lumaya mula sa pamumunong kolonyal ng mga Amerikano. Sa paggamit nito, unti-unting nakibahagi ang Pilipinas sa pandaigdigang pagtitipon ng mga bansa. Saksi rin ang mga gusaling ito sa pangako ng muling pagpapanumbalik ng interes at pagsuporta sa mga adhikaing pampalakasan, at ang pagyabong ng mga bagong atletang Pilipino.
Mula sa Facebook page ng National Museum