27.8 C
Manila
Sabado, Disyembre 21, 2024

37K Tanod Baybayin kailangan sa dagdag na mga barko, patrolya ng PCG

- Advertisement -
- Advertisement -

MANGANGAILANGAN ng karagdagang 37,169 na mga tanod baybayin ang Philippine Coast Guard (PCG) para sa pagpapatrolya sa dalampasigan at sa mga inaasahang bagong barko ng bansa.

Sentro ng pagtalakay ni Philippine Coast Guard Spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tristan Tarriela sa ginanap na Kongreso ng mga Mangingisda para sa Kapayapaan at Kaunlaran sa bayan ng Subic sa Zambales ang mga istratehiya ng ahensiya upang patuloy na proteksyunan ang West Philippine Sea lalo na ang mga mangingisda na dito nakasalalay ang kabuhayan. (Rick P. Quiambao/PIA 3)

Iyan ang ibinalita ni PCG Spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tristan Tarriela sa idinaos na Kongreso ng Mangingisda para sa Kapayapaan at Kaunlaran sa bayan ng Subic sa Zambales.

Aniya, nasa 4,000 pwesto ang binuksan ng PCG ngayong taon samantalang 3,000 pa ang ipinasok sa 2025 National Expenditure Program.

Sa kasalukuyan, mayroong mahigit sa 30,000 kawani ang PCG at malaking bahagi ng mga ito ay mga tanod baybayin.

Bahagi ng maagang paghahanda sa pagdating ng limang bagong barko ng PCG mula sa Japan ang pagdadagdag nila ng mga tauhan.

Ang nasabing mga barko ay bahagi ng Official Development Assistance ng Japan International Cooperation Agency (JICA) sa ilalim ng Maritime Safety Capability Improvement Project Phase 3.

Ang mga ito ay nagkakahalaga ng P24 bilyon o 64.38 billion yen, at target na maideliver sa bansa sa taong 2027.

Bukod sa mga ito, binigyan rin ng JICA ang PCG ng capacity building sa tulong ng Japan Coast Guard kung saan tinuruan sila tungkol sa onboard boat maneuvering at firefighting.

Kinatigan naman National Security Council Assistant Director-General Jonathan Malaya ang inisyatibo ng PCG na dagdagan ang kanilang tauhan.

Aniya, kailangang kailangan ang karagdagang mga barko, sapat na dami ng tanod baybayin, at maging eroplano para sa PCG upang matiyak ang regular na pag-agapay sa mga mangingisda sa West Philippine Sea.

Aabot sa P31.3 bilyon ang pondo ng PCG na inaprubahan ng Department of Budget and Management para sa taong 2025.

Nakapaloob dito ang P386 milyon para sa PCG Hospital, P452 milyon sa pagtatayo ng West and South Navigational Telex o NAVTEX, at P37 milyon para sa pagpapabuti ng maritime communication and navigational system. (MJSC/SFV, PIA Region 3-Zambales)

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -