Katapusang Bahagi
“WE, the sovereign Filipino people, imploring the aid of Almighty God, in order to build a just and humane society and establish a Government that shall embody our ideals and aspirations, promote the common good, conserve and develop our patrimony, and secure to ourselves and our posterity the blessings of independence and democracy under the rule of law and a regime of truth, justice, freedom, love, and peace, do ordain and promulgate this Constitution.”
Minarapat kong halawin ang nasa itaas na Preamble ng Konstitusyon ng Pilipinas upang ipagdiinan na ang Saligang Batas ng bansa ay likha ng mga Pilipino para sa mga Pilipino lamang. Maliban sa Bill of Rights, wala nang iba pang probisyon ang saligang batas na pantay ang bisa kapwa sa Pilipino at banyaga. At sa usapin ng pulitika, dito ay ganap na itsa-pwera ang banyaga. Kaya nga kung pag-uusapan ang pagkamayor ni Alice Guo — na nagkabisa na sa loob ng dalawang taon — dapat na tanggapin na siya ay Pilipino.
Kung hindi tatanggapin, ang wastong paraan para maalis sa puwesto si Alice ay quo waranto.
Hindi namamalayan ng mga mambabatas na nag-iimbistiga sa kanya na sa pagpipilit na siya ay Chino, ang tinutuya nila ay, una, ang sistemang elektoral ng Pilipinas. Banyaga pala si Alice Guo, bakit ito pinabayaang tumakbo sa ekeksyon at nanalo? ibig sabihin, may malaking diperensya ang halalan sa Pilipinas para malusutan ng isang banyage.
Pangalawang tinutuya ng mga mambabatas na nagpipilit na banyaga si Alice Guo ay ang kanilang mga sarili. Banyaga pala si Guo, ano’ng karapatan ng mga kongresman at senador na uriratin siya? Sa ilalim ng konstitusyon, ang isang dayuhang nakagawa ng krimen ay inaaresto ng pulis sa bisa ng arrest warrant na inisyu ng korte. Anong karapatan ng senado na pakialaman ang tungkulin ng hudikatura?
Labag sa prinsipyo ng paghihiwalay ng kapangyarihan sa demokratikong pamahalaan: Lehislatibo, Ehekutibo at Hudikatura.
At sa usapin ng birth certificate ni Alice, ipinagpapalagay ng mga senador at mga kongresista na kagagawan ni Alice ang mga sinasabi nilang pekeng impormasyon na nakalagay doon. Sa aking pagkakaalam, ang nagrerehistro ng birth certificate ay ang komadrona batay sa salaysay ng mga magulang ng sanggol. Kung totoo mang peke ang mga detalye sa kinukwestyong birth certificate, papaano maisisisi iyun kay Alice na sa panahong iyun ay isang bagong silang na sanggol?
Sa anu’t-anuman, gaya ng nasabi ko na sa unahan, ang usaping ito ay nasa hurisdiksyon na ng korte sa isang quo waranto na kaparaanan.
Kung bakit nakikialam ang mga senador ay isang alalahanin lang ang pumasok sa aking isip: dahil sa kanyang mga negosyo, nabulgar na sobra na ang yaman ni Mayor Guo, at di ko maiwasan ang minsang winika ng yumaong dating Senadora Miriam Defensor Santiago: “Bobo kang senador kung di ka kumikita ng isang milyun isang araw.”
O, di ba?
Sinong senador ang aamin na bobo?
Una kong naisulat si Mayor Alice Guo sa aking kolum na My Say sa The Manila Times. Pinamagatang Courage Under Fire, lumabas sa dalawang bahagi ang artikulo na nakapukos sa paratang na si mayor ay isang espiyang Chino. Hindi pa noon nahahayag ang mga dokumentong kinalaunan ay ibubulgar ni Senador Sherwin Gatchalian na nagpapatunay na, una, si Alice Go ay isinilang sa mag-asawang Chino; pangalawà, na, samakatuwid, sinungaling ang nakasaad sa kanyang birth certificate na Pilipino ang kanyang nanay; at pangatlo, na, dahil dito, walang bisa ang kanyang pagkahalal na mayor.
Pagkaraan ng maiksing panahon, lumabas ang balita na sinuspinde si Mayor Guo ng Ombudsman. Iisipin ng tagasubaybay na bunga ito ng mga pagbubulgar ni Gatchalian. Hindi kundi dahil sa mga paratang na sangkot siya sa POGO at sa mga kriminal na gawaing ibinibintang dito. Tungkol sa diskwalipikasyon niya sa pagkamayor ng Bamban, ang Solicitor General ang may pananagutan dito at nagpahayag naman ng intensyon na sampahan ang Mayor ng quo waranto. Mananatiling mayor ng Bamban, Tarlac si Alice Guo hangga’t di pinawawalang-bisa sa pamamagitan ng quo waranto.
Samantala, sa katandaan ko ngayon, masaya na akong balik-balikan ang paulit-ulit na pahayag ni Alice na, “Lumaki ako sa farm… Lumaki ako sa farm…”
Ang sarap balik-balikan ang mundong iyong sinilangan… sariwang hangin sa luntiang kapaligiran… mga ibong nagliliparan sa bughaw na kalangitan…mga alagang hayop – kalabaw, baboy, manok, kambing, itik – kalaro’t kaulayaw sa araw-araw…
Ah, ang sarap muling buhayin ng nagdaang kabataan. Kaalinsabay ng pakikipagniig sa mga kauring sakbibi ng hirap ay ang pangarap na balang araw ay iahon sila sa pagdaralita.
Oo, tulad ni Alice, nangarap din ako — at tumakbo din — na maging mayor upang iahon sa hirap ang hikahos na sambayanan.
Di lang miminsan kundi dalawang beses pa, na sa kapwa okasyon ay nawaldas ang malaki-laki ring naipon mula sa pagdidirehe ng pelikula.
Malungkot na di tulad ni Alice, ako’y bigo sa masidhing hangad na maging lingkod bayan.
Noon ko napag-alaman na sa Pilipinas, ang demokrasya ay nabibili.
Subalit di ba ang sabi ng makata, “No man is an island”?
Walang taong nabubuhay sa kanyang sarili lamang.
Kung ang kirot ng kalingkingan ay sakit ng buong katawan, ganun din ang tagumpay ng paglilingkod ni Alice sa Bamban ay tagumpay ko na ring maituturing, kahit na hindi sa aking bayan na sinilangan.
Ah, anong sarap nga na balik-balikan: “Lumaki ako sa farm… Lumaki ako sa farm…”
Kung papalarin at makalikom ako ng sapat na pondo, ang punla na itinanim ko sa aking column sa The Manila Times ay bubuoin ko sa isang video na may ganun ding pamagat: Courage Under Fire.
Abangan.