31.5 C
Manila
Sabado, Nobyembre 23, 2024

Paano bumaba ang unemployment rate sa 3.1% noong Hunyo 2024 at paano umakyat muli sa 4.7% noong Hulyo?

TINGIN SA EKONOMIYA

- Advertisement -
- Advertisement -

NOONG Hunyo 2024, bumaba ang unemployment rate sa 3.1%, ang pinakamababa nitong antas sa buong kasaysayan. Ngunit umakyat ulit ang unemployment rate  sa 4.7% noong Hulyo. Bakit?

Lumikha ang ekonomiya ng 3.07 milyong trabaho mula Hulyo 2023 hanggang Hulyo 2024. (Table 1) Umabot sa 1.80 milyong trabaho ang nalikha sa industriya, 0.52 milyon sa agrikultura at 0.11 milyon sa services. Kahit may 1.26 milyong bagong entrants sa labor force, bumaba sa 4.7% ang unemployment rate mula sa 4.9% noong Hulyo ng nakaraang taon.  (Table 2)

Bakit umakyat ang unemployment rate mula 3.1% noong Hunyo 2024? Nawalan ba ng trabaho ang 1.6% ng labor force? Hindi.

Ang mga trabaho sa Pilipinas ay may seasonal na character. Halimbawa, sa Nobyembre, lumulobo ang empleyo sa lahat ng sektor. Panahon ito ng anihan kaya tumataas bigla ang empleyo sa agrikultura. Panahon din ito ng paghahanda para sa Pasko kaya ang industry at services ay nagha-hire ng bagong empleyado para mapunan ang supply ng mga produkto at serbisyo na ibebenta sa holiday season kung kailan mataas ang demand.

Ang Hulyo ay isa sa mga pinakamatahimik na buwan sa ekonomiya. Dahil palaging naaantala ang tag-ulan, noong Hulyo, hindi pa nagsisimulang magtanim ang mga magsasaka. Dahil nalipat sa Agosto ang pagbukas ng klase, mabagal din ang industry at services sa buwan na ito. Malaking bahagdan sa output ng industriya ay mga papel, libro, notebook, ballpen, damit at iba pang pangangailangan ng mga mag-aaral.  Ang mga tindahan at kainan ay kumikita rin nang malakas kapag nagbukas ang mga paaralan.


Dahil nagtatapos sa Hunyo at Hulyo ang kalendaryo ng mga eskuwelahan, tumataas ang labor force sa Hulyo. Nadadagdagan ang labor force kapag grumadweyt ang mga mag-aaral sa kolehiyo at high school. Nadadagdagan ang mga naghahanap ng trabaho. Ito ang dahilan kung bakit bawat Hulyo, tumataas ang unemployment rate. Kapag nalipat ang pagbubukas klase sa Hunyo at Hulyo, maaaring magkaroon ng economic activities ang buwan na ito at maibabalik ang dati nitong sigla.

Noong Hulyo 2024, tumaas ang new entrants sa labor force ng 1.26 milyon. Mas mababa ito kaysa sa 1.60 milyon noong Hulyo 2023. Ang dahilan ng patuloy na pagbaba ay population growth. Noong 2010-2020, bumaba ang annual population growth sa 1.7% mula sa 2.3% noong 2000 hanggang 2010.

Sa mga walang trabaho, ang pinakamarami ay mga kabataan. Ang mga may edad 15-24 ay bumubuo ng 40.3%  sa mga walang trabaho o 1.022 milyon; ang mga edad 25-34 ay kumakatawan ng 31.7% o 0.752 milyon; at ang mga may-edad 35-44 na karamihan ay dati nang kasama sa labor force,  ay kumakatawan ng 12.2% o 0.29 milyon. at 46.6% na graduates at di pa tapos sa senior high school.

Hindi lisensiya ang edukasyon para makakuha ng trabaho. Karamihan sa mga walang trabaho (46.6%) ay mga graduate at hindi pa tapos ng high school.  Sumusunod ( 44.6%) ay  ang  mga graduates at hindi pa tapos sa college.  Tumaas ang unemployment rate ng mga kabataan mula 14.2% noong Hulyo 2023 sa 14.8% noong Hulyo 2024. Kahit na nag-aral ang mga kabataang ito at ginastusan  ng mahal na matrikula, mukhang di pa rin sila handa para tanggapin ng mga kumpanya. Kailangang pag-aralan ng Department of Education (DepEd) at ng Commission on Higher Education (CHEd) ang curriculum para maging mas kaaya-aya ang pagsasanay ng mga mag-aaral at maihanda sila sa mga trabahong nalikha ng ekonomiya. Kailangan ding ilapit ang mga korporasyon sa mga paaralan para magkaroon ng kumpiyansa ang mga employers na ang pagsasanay ng mga aplikante ay tumutugma sa pangangailangan ng workplace.

- Advertisement -

Kasabay ng pagdami ng trabaho ang pagbaba ng underemployment rate sa 12.1% noong Hulyo 2024 kumpara sa 15.9% noong Hulyo 2023. Bumaba ang numero ng underemployed sa 5.77 milyon mula sa 7.10 milyong naitala noong nakaraang taon. Patuloy din ang pagbaba ng underemployment sa mga kabataan. Mula sa 14.6% noong Hulyo 2023, bumaba ito sa 11.9%. (Table 3)

Kahit maraming trabahong nalikha ang ekonomiya, tumaas ang unemployed persons mula 2.28 milyon noong Hulyo 2023 sa 2.38 milyon noong 2024. Hindi nakahanap ng trabaho ang 100 libong manggagawa, lalo na ang mga kabataan,  dahil kakaunti ang mga bagong establisyimiento na itinatayo bunsod ng mataas na interest rates. Bumaba ang paglago ng gross domestic capital formation sa 5.9% noong 2023 at 6.0% noong unang kalahati ng 2024 pagkatapos ng tatlong taong paglago ng 13.2% kada taon pagkatapos ng pandemya.

Sinimulan nang tapyasan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang interest rates. Sana, magpatuloy ito at sa darating na dalawang quarters, mahawi na ang ulap ng “wait and see attitude”ng mga namumuhunan at simulan na nila ang mga proyektong nakabinbin ng dalawang taon.

 

Table 1. EMPLOYED PERSONS, Millions            CHANGE
2022  2023 2024   2023 v. 2022 2024 v. 2023
January 43.02      47.35      45.94 4.33 -1.41
February 45.48      48.80      48.95 3.32 0.15
March 46.98      48.58      49.15 1.61 0.57
April 45.63      48.06      48.36 2.43 0.30
May 46.08      48.26      48.87 2.18 0.61
June 46.59      48.84      50.28 2.25 1.44
July 47.39      44.63      47.70 -2.76 3.07
August 47.87      48.07 0.20
September 47.58      47.67 0.09
October 47.11      47.80 0.69
November 49.71      49.64 -0.07
December 49.00      50.53 1.52
Average        45.28      48.20      48.10 1.32 0.67
SOURCE: PSA

 

Table 2. UNEMPLOYMENT RATE, % of Labor Force            CHANGE
  2022 2023 2024 2023 v. 2022 2024 v. 2023
January 6.37% 4.79% 4.40% -1.6% -0.4%
February 6.43% 4.80% 3.54% -1.6% -1.3%
March 5.77% 4.80% 3.90% -1.0% -0.9%
April 5.70% 4.45% 4.05% -1.2% -0.4%
May 5.97% 4.30% 4.13% -1.7% -0.2%
June 6.03% 4.55% 3.12% -1.5% -1.4%
July 5.21% 4.86% 4.74% -0.4% -0.1%
August 5.30% 4.40% -0.9%
September 4.99% 4.53% -0.5%
October 4.54% 4.19% -0.4%
November 4.20% 3.56% -0.6%
December 4.33% 3.07% -1.3%
Average 5.39% 4.35% 3.97% -1.0% -0.4%
Source: PSA

 

- Advertisement -
Table 3. YOUTH UNEMPLOYMENT AND UNDEREMPLOYMENT Hulyo Hulyo
2023 2024
      Labor Force    46,845    50,074
      New Entrants      1,599      1,260
            % Youth      68.83      85.81
Youth Population 15-24 Years Old 20,161 20,145
Youth Labor Force 5,969 6,887
New Entrants Youth 1,101 1,081
Employed Youth 5,119 5,865
Underemployed Youth 748 696
Unemployed Youth 850         1,022
NEET (Unemployed) 15 – 24 years old 782            926
Youth Not in the Labor Force (NILF) 14,192 13,258
NEET (NILF) 15 – 24 years old 2,198 1,882
 Youth Labor Force Participation Rate (%) 29.6 34.2
 Youth Employment Rate (%) 85.8 85.2
Youth Underemployment (%) 14.6 11.9
Youth Unemployment Rate (%) 14.2 14.8
 Youth NEET as % of youth population 14.8 13.9
 Proportion of Youth New Entrants to the Youth Labor Force 18.4 15.7
 Youth Mean Hours of Work 39.3 36.1
Source: PSA

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -