NANANATILILING generally peaceful o payapa ang probinsya ng Occidental Miondoro, ayon sa Police Provincial Office (PPO) sa ginanap na Provincial Peace and Order Council (PPOC) meeting sa Kapitolyo, kamakailan.
Sa ulat ng PPO Occidental Mindoro, ang ganitong estado ng lalawigan ay resulta ng epektibong operasyon ng mga programa, at iba pang aktibidad ng Philippine National Police (PNP) na nangangalaga sa kaayusan at katahimikan ng probinsya.
Bilang patunay sa positibong pagbabago sa mga insidente ng krimen, inihambing ng PPO ang mga naitalang kaso sa probinsya mula Enero hanggang Setyembre ngayong taon, sa kaparehong panahon noong 2023.
Sa pag-uulat ni Police Lieutenant Colonel Wilson Cuevo ng PPO, lumalabas na bumaba ng 24.17 porsiyento ang index crimes na kinabibilangan ng rape, theft, physical injury, robbery, murder, motorcycle carnapping, at homicide.
Bumaba naman ng 7.78 porsiyento ang mga non-index crimes o mga kaso ng illegal logging, illegal firearms, illegal drugs at iba pa, ayon pa kay Cuevo.
Iniulat ng opisyal na may pagbaba rin ng 10 porsyento sa kabuuang insidente ng krimen sa lalawigan at naniniwala ang PPO na bunga ito ng kanilang epektibong pagpapatupad ng mga operasyon at programa.
Kabilang sa mga operasyong ito ang kanilang kampanya kontra droga, kung saan 57 ang nadakip at nakakumpiska ng shabu at marijuana na may total market value na higit sa P22 milyon.
Sa kampanya naman sa loose firearms, 1,250 operasyon ang isinagawa, 17 ang nadakip at 99 na iba’t ibang kalibre ng baril ang narekober.
Samantala, naniniwala ang PPO na malaking tulong sa kanilang pagresolba ng krimen ang pakikipagtulungan ng mga mamamayan.
Sinabi ni Police Provincial Director, Col. Timoteo Espiritu Jr., na higit pa nilang paiigtingin ang kanilang pakikipag-ugnayan sa kumunidad at palalakasin ang Barangay Peace Keeping Action Team (BPATS) sa bawat barangay. (VND/PIA MIMAROPA – Occidental Mindoro)