26.5 C
Manila
Linggo, Disyembre 22, 2024

Higit 19K mamamayan sa Mimaropa, naging benepisyaryo sa ‘Handog ng Pangulo’ ng DoLE

- Advertisement -
- Advertisement -

UMABOT sa kabuuang 19,610 na indibidwal sa rehiyon ang nabenepisyuhan ng Department of Labor and Employment (DoLE) sa “Handog ng Pangulo, Serbisyong Sapat Para sa Lahat” sa Mimaropa.

Ang Handog ng Pangulo ay sabayang isinagawa kamakailan sa buong bansa sa okasyon ng kaarawan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Setyembre 13 tampok ang iba’t ibang serbisyo ng pamahalaan.

Sa Kapihan sa Bagong Pilipinas (KSBP) noong Setyembre 17, sinabi ni DoLE Mimaropa Assistant Regional Director Nicanor Bon na pinakamarami nilang natulungan sa Handog ng Pangulo ay sa ilalim ng Tulong Pangkabuhayan sa Ating Displaced/ Disadvantaged Workers (Tupad).

Ayon kay Bon, may 17,973 benepisyaryo mula sa mga probinsya ng Mimaropa ang napasama sa Tupad at nabigyan ng pansamantalang pagkakakitaan.

Ipinaliwanag ng opisyal na tiniyak nilang mga kwalipikado lamang, mula sa listahang ipinadala ng lokal na pamahalaan, ang napabilang sa Tupad.

Kasunod na may pinakamaraming nakinabang na mga mamamayan sa araw ng Handog ng Pangulo ay sa pamamagitan ng DoLE Integrated Livelihood Program (DILP), na ayon kay Bon, ay tulong pangkabuhayan na ipinagkakaloob sa isang samahan o indibidwal.

“Sa DILP, mga gamit ang ibinibigay natin at hindi pera,” pagbabahagi ng opisyal, at sa 512 nilang benepisyaryo ng programa, P7.6 milyon ang ipinagkaloob na tulong ng DoLE.

Ginawaran rin ng tulong ng DOLE ang 499 indibidwal sa ilalim naman ng Government Internship Program (GIP), ayon pa rin sa kanya.

Sa GIP, binibigyan ang mga batang manggagawa o wala pang work experience ng tatlo hanggang anim na buwang exposure sa mga tanggapan sa Local Government Unit (LGU) at iba pang ahensya.

“May mga pagkakataong pagkatapos ng internship program ay naha-hire agad sila,” paglalahad pa ng opisyal.

Binibigyan din ng karanasang magtrabaho sa gobyerno ang mga estudyante sa ilalim ng Special Program for Employment of Students (SPES).

Sa ulat ni Bon, 259 mag-aaral ang binigyan ng pansamantalang pagkakakitaan upang magamit sa kanilang pangangailangan at gastusin sa pag-aaral.

Umabot naman sa 367 ang mga job seekers na lumahok sa Job Fair sa Handog ng Pangulo, kung saan 27 ang natanggap agad sa trabaho sa mismong araw ng Job Fair.

Maliban sa pag-uulat ng mga programa at benepisyaryo nito, binigyang-diin ni Bon na bahagi ng mandato ng DOLE ang matiyak na bawat Pilipino ay may access sa disenteng trabaho, makapagbigay sa mga manggagawa ng patas na pagtrato at ligtas na lugar sa trabaho, at makapagpatupad ng mga programang nag-aambag sa pambansang kaunlaran. (VND/PIA MIMAROPA-Occidental Mindoro)

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -