HALOS ₱27 milyong halaga ng interbensyon ang ipinamahagi ng DACalabarzon sa Handog ng Pangulo: Serbisyong Sapat para sa Lahat (Nationwide Distribution of Comprehensive Government Assistance) na sabayang ginanap sa bawat probinsya ng rehiyon.
Ito ay sa pakikiisa ng kagawaran sa selebrasyon ng kaarawan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kasama ang iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan, noong ika-13 ng Setyembre.
Layunin ng programa na mailapit sa bawat mamamayan ang mga serbisyo ng pamahalaan upang mapataas ang kalidad ng buhay sa sektor ng pangkabuhayan, pangkalusugan, pang-agrikultura, at iba pa.
Sa inisiyatibong ito ay ipinamahagi sa mga mamamayan ang iba’t-ibang serbisyong pampubliko ng ilang ahensya, at mga suportang pang-pinansyal at mga kagamitan pang-agrikultura mula sa mga banner program ng DA-4A. Nagtayo rin ng Kadiwa ng Pangulo sa bawat lugar ng mga programa at direktang napunta ang kita nito sa ilang Farmers Cooperatives and Associations (FCAs) sa rehiyon.
Nagsilbing tulay ng komunikasyon ng programa ang mga kinatawan ng Agricultural Program Coordinating Office (APCO) ng bawat probinsya sa rehiyon: APCO Cavite Ruben Perlas; APCO Laguna Ma. Annie Bucu; APCO Batangas Michael Lalap; APCO Rizal Mary Ann Gajardo; at APCO Quezon Jan Oliver Sarmiento, upang maipabatid sa publiko ang mga adhikain ng DA-4A.