AYON sa Philippine Coconut Authority, 20 porsiyento ng mga puno ng niyog sa Pilipinas ay matatanda na at hindi na masaganang mamunga.
Sa mahabang panahon, ang Pilipinas ang nangungunang bansa na nakapag-aani ng maraming niyog sa buong mundo. Pero sa pinakahuling ulat, pumapangalawa na lamang ang Pilipinas sa Indonesia. Nangunguna na ngayon ang India.
Umaabot sa $3.22 bilyon ang naiiiambag ng industriya ng niyog sa Pilipinas sa kita ng bansa sa pag-export nitong 2022 na kumakatawan sa 43 porsiyento ng kabuuang agricultural exports ng bansa.
Kilala bilang “Tree of LIfe” o “Puno ng Buhay” ang niyog ay isa sa mga haligi ng agrikultura ng bansa. Nakakatulong ito sa kabuhayan ng mga magsasaka, nagbibigay ng iba’t ibang produkto, at malaki ang naitutulong sa ekonomiya ng bansa.
Pero ang industriya ng niyog ay nahaharap ngayon sa napakaraming pagsubok na nakaaapekto sa produksyon ng niyog. Ilan sa mga hamon ng industriya ay mga matatandang puno ng niyog, mababang produkto ng mga niyog ng mga magsasaka, pagkakaroon ng sakit mga niyog katulad ng coconut scale insects at lethal yellowing disease at mga kalamidad na dumadagdag sa mababang ani ng niyog.
Kung kaya’t ang industriya ng niyog at pamahalaan ay nagtutulungan para muling ibalik ang pangunguna ng Pilipinas sa pag-ani ng marami at dekalidad na mga niyog.
Magandang balita mula sa pamahalaan
Inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Agosto 27, 2024 ang dagdag na budget para sa programang malawakang pagpapatanim at fertilization ng industriya ng niyog para sa 2025 na nagkakahalaga ng P1 bilyon at P2.5 bilyon, ayon sa pagkakasunod.
Sa ilalim ng Philippine Coconut Industry Development Plan 2024-2034 (PCIDP 2024-2034), layunin ng Philippine Coconut Industry na makapagtanim ng 100 milyong puno ng niyog hanggang 2028.
Upang maipatupad ang proyektong ito, inaprubahan din ng Pangulo ang mungkahi ng Philippine Coconut Authority (PCA) na dagdagan ang budget sa fertilization program ng P2.5 milyon sa 2025.
Noong Oktubre 2023, ipinag-utos niya ang paglikha ng detalyadong plano kung paano muling palakasin ang industriya ng niyog sa bansa.
“So that’s why I’m focusing on the production side, and that’s what we have to increase. The critical part of that is the replanting,” sabi ng Pangulo.
Sinabi ni PCA Administrator Dexter Buted na ang dagdag na P1 bilyong budget para sa pagtatanim ay kakayaning makapagtanim ng 15.3 milyong puno sa 2025.
Sa ilalim ng programa, ang PCA ay magtatanim/muling magtatanim ng 100 milyong punla ng niyog sa 700,000 ektarya ng lupa sa buong bansa hanggang 2028, at inaasahang makapag-produce ng 4.7 bilyong niyog, na magkakahalaga ng P33.1 bilyon sa taong 2034.
Para sa taong ito ng 2024, plano ng PCA na makapagtanim ng 8.5 milyong punla ng niyog, na susundan ng 15.3 milyon sa 2025, at 25.4 milyon kada taon mula 2026 hanggang 2028.
Coco Mama tinugon ang hamon ng pagtatanim ng niyog
Nitong Setyembre 2, 2024 kung kailan ipinagdiwang ang World Coconut Day, inilunsad ng Coco Mama, ang isa sa mga nangungunang lokal na brand ng gata, ang proyektong “Save our Coconuts.”
Nangako ang proyektong Coco Mama’s “Save our Coconuts” na makapamahagi ng 100,000 de-kalidad na mga punla ng niyog sa loob ng limang taon para mapalitan ang mga matatanda nang puno ng niyog na inaasahang makatutulong sa pinansyal na pangangailangan ng mga magsasaka ng niyog. Layunin din ng proyekto na makatulong sa malawakang programa ng pamahalaan.
“Sa pamamagitan ng Coco Mama’s ‘Save our Coconuts’ project, magagawa namin ang aming pangako na magbigay ng mga de-kalidad na punla sa komunidad ng maliliit na magsasaka sa rehiyon. Tutal, ang misyon namin ay mapasaya ang mga bumibili ng aming produkto habang ginagamit nila ang klasikong gatang Filipino, at bahagi ng kasiyahang ito ay malaman na ang paborito nilang brand ay tumutulong sa mga magsasaka ng niyog,” sabi ni Coco Mama Marketing Director Bryan Lingan.
Inilunsad sa General Santos City, South Cotobato, nagsagawa ang Coco Mama ng pagtatanim ng puno ng niyog kasama si Judy Ann Santos-Agoncillo, kasama ang mga kinatawan mula sa Philippine Coconut Authority, City Environment and Natural Resources Office – General Santos City, Local Government Unit ng General Santos City, Century Pacific Agricultural Ventures Inc. at mga magsasaka ng niyog.
Masayang-masaya si Judy Ann Santos-Agoncillo na maging bahagi ng campaign na ito. Ayon sa kanya, “Minsan, nakakalimutan natin na ang mga kinakain natin sa araw-araw, katulad ng gata, ay galing sa pinagpaguran na ating mga masisipag na magsasaka. Dahil dito sa proyektong ‘Save our Coconuts’ hindi ko lamang mapapalaganap ang ating tradisyonal at masustansyang mga luto sa gata kundi makatutulong din sa mga buhay ng mga taong nag-ani ng mga pagkain na inihahain natin sa ating hapag-kainan para sa ating mga pamilya.”