MAARING dumaan siya sa mataas na edukasyon sa diplomasya at sumailalim sa sapat na karanasan upang pamunuan ang US Embassy sa Pilipinas, subalit batay sa kanyang nalathalang pagtingin sa usapin ng kasaysayan ng South China Sea, mukhang kakailanganin pa ng US Ambassador sa Pilipinas ang, ika nga, elementary education.
Kamakailan lang, sinabi ni US Ambassador sa Pilipinas Mary Kaye Carlson sa isang interbyu na ang “nine-dash line, o ngayon ay ten-dash line na iginuhit ng China ay isang cartoon”, at ang mga pag-aangkin aniya ng China sa mga karagatan ay hindi makatotohanang pagsalamin sa mga batas pangkaragatan ng mundo.
Ang totoo, ang winika ng ambassador ay pag-ulit lamang ng kanyang nauna nang mga pahayag na ang Estados Unidos ay “naninindigan kasama ng kaalyadong Pilipinas sa gawaing pangimbabawin ang batas internasyunal.”
Walang debate na kailangang respetuhin ang batas internasyunal. Kahit sentido komun man lang ay ito ang dapat idikta. Papaano magkakasundo ang 195 bansa ng daigdig kung walang patakarang pangmundo ang masusunod?
Pero may problema rito, sapagkat sa lahat ng pag-uusap, laging ipinagpipilitan na ito ay batas na dapat pumabor sa Amerika. Kung hindi, hindi iyan batas internasyunal.
Ipaghalimbawa na lamang ang UNCLOS (United Nations Convention on the Law of the Sea). Hanggang sa ngayon, hindi pa ito pinagtitibay ng Amerika, gayong noon pang 1982 ito nilagdaan ng ibang mga bansa sa ilalim ng United Nations. Kung bakit ayaw ng Amerika sa UNCLOS ay walang malinaw na dahilan. Hindi kaya dahil sa kung lalagda rito ang Amerika, masasakop siya ng probisyon ng UNCLOS na 200 nautical miles lamang mula sa dalampasigan ng isang bansa ang ituturing na kanyang teritoryong pangkaragatan – samantalang ang nilalayon niyang angkinin ay ang kabuuan ng mga dagat Pasipiko at Atlantiko?
Ganunpaman, sa sigalot sa South China Sea, buong sugid na ipinagpipilitan ng Amerika ang pagrespeto sa UNCLOS. Bakit? Dahil magagamit ito ng Pilipinas bilang panlaban sa China. Noon pang 2014 ay plinano na ng Amerika na giyerahin ng Pilipinas ang China upang katwiranan ang kanyang pakikialam sa Rehiyon Asya-Pasipiko.
Sa ilalim ng Mutual Defense Treaty (MDT) ng Estados Unidos at Pilipinas, obligadong sumaklolo ang Amerika sa Pilipinas oras na ito ay sinalakay ng isang banyagang kaaway. At kailangan ang ganitong pakikialam upang isulong ang pagpihit ng Estados Unidos sa Asya mula sa Gitnang Silangan noon pang 2008.
Sa kanyang artikulo na nalathala sa Foreign Policy website noon pang 2011, winika ng noon ay US State Secretary Hilary Clinton ang ganito: “The future of politics will be decided in Asia, not Afghanistan or Iraq, and the United States will be right at the center of the action.”
Dito mauunawaan kung gaano katindi ang paghahangad ng Amerika na paggiyerahin nga ang Pilipinas at China. Paraan iyun upang ang Amerika, kasama ang mga kaalyadong kanluranin at Asyano, ay ganap na tuparin ang dakilang pangarap ng Amerika: America’s Pacific Century.
Makikita na para kay Ambassador Carlson, hindi mahalaga ang katwiran o ang magpakatotoo. Kung kailangang magsinungaling at manlinlang, gawin upang isulong ang pangarap para sa dantaon ng siglo Amerikano sa Asya.
Kaya sa panlilinlang na hindi sumasalamin sa kasaysayan ang Nine Dash Line ng China, naririto ang pantapat na totoo: Noon pang Ming Dynasty ay nagpapairal na ang China ng pamamahala (suzerainty sa salitang English) sa isang bahagi ng Pangasinan. Inilimbag na ng Republic of China (ROC) ang mapa ng Nine Dash Line noon pang 1939, naulit na nalimbag noong 1948, samantalang ang UNCLOS na ipinangalandakan ni Carlson ay noon lamang 1982 nilagdaan.
Naririto ang opisyal na pahayag ng Tagapagsalita ng Chinese Embassy tungkol sa mga panlilinlang ni US Ambassador Kaye Carlson:
(Isina-Tagalog mula sa orihinal na English.)
“Ang soberanya at mga karapatan at interes ng China sa South China Sea ay napagtibay sa mahabang daloy ng kasaysayan… China ang unang nakatuklas, nakapagbigay-pangalan, at tumuklas at nakapagbungkal ng yaman sa Nanhai Zhudao at mga mahalagang kaugnay na katubigan, at ang unang nagpairal ng soberanya at hurisdiksyon sa mga ito nang tuloy-tuloy, matahimik at mabisa, samakatuwid nakapagtatag ng soberanyang panteritoryo at mga kaukulang karapatan at interes sa South China Sea. Makaraan ang World War II, nabawi ng China at nakapagpatuloy ng pagpairal ng soberanya sa Nanhai Zhudao, na inukupa ng Hapon noong digmaang pananakop nito laban sa China. Upang mapagtibay ang pangangasiwa sa Nanhai Zhudao, inilimbag ng gobiyernong Chino ang Nan Hai Zhu Dao Wei Zhi Tu (Location Map of the South China Sea Islands) na roon ang mga tuldok na linya ay namarkahan nang kasing aga pa ng Pebrero 1948.
“Noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, sa magkasamang pagpapalabas ng Cairo Declaration at ng pirmahan ng Potsdam Proclamation, kinilala ng Estados Unidos bilang may bisa ng batas ang soberanya ng China sa Nanhai Zhudao. Makaraan ang digmaan, sakay ng mga barkong pandigma ng Amerika, pormal nang binawi ng mga tropang Chino ang Nanhai Zhudao. Muli noong mga 1950, sa pahintulot ng mga awtoridad na Chino sa Taiwan, inaprobahan ang kahilingan ng Amerika na magsagawa ang kanyang mga barkong pangsurvey na mag-operate sa SouthbChina Sea. Ngayon, bugso ng kanyang mga interes geopulitikal, nagsimulang kwestyunin ng US ang mga pag-aangkin ng China sa South China Sea sa pamamagitan ng maling pagturing sa nine-dash line na isang gawa-gawang “cartoon”. Kung aalagatain ang patunay na historikal, napag-isipan man lang ba ng US ang kanyang katawa-tawang sarili sa likha niyang “cartoon”?
Pagdating sa pagpapatupad ng international law, lagi nang gawi ng US ang maging mapagpili (kung alin ang pabor sa kanya at kung alin ang hindi). Hindi natin maiwasan ang magtanong: Kung ang US ay tunay na debotado sa international law gaya ng sinasabi niya, bakit hindi niya simulang pangibabawin ang post-WWII international order na pinangibabaw ng Cairo Declaration at ng Potsdam Proclamation? Bakit hanggang sa ngayon ay ayaw pa niyang sumali sa UNCLOS, samantang sinasangkalan niya ang UNCLOS upang supilin ang iba at siya ay malayo sa peligro?
Hindi bahagi ang US sa alitan sa South China Sea at wala siya sa posisyon na makialam sa sigalot sa pagitan ng China at Pilipinas. Hinihimok natin ang US na tumigil na sa pagtatanim ng away at pagpanawagan ng banggaan, respetuhin ang soberaniyang teritoryal at mga karapatan at interes pangkaragatan ng China sa South China Sea, tigilan ang lahat ng mga salita at gawa na hindi magbubunga ng kapayapaan at kapanatagan sa rehiyon, at umiwas sa pagiging mapag-gawa ng gulo sa kapayapaan at kapanatagan ng South China Sea.
- Advertisement -