MAY benepisyo nang matatanggap ang isang manggagawa sa unang araw na siya ay magtrabaho, ayon sa Employees Compensation Commission (ECC) Mimaropa.
“Sa unang araw pa lamang ng trabaho ay pasok na ang isang manggagawa sa mga benepisyo sa ilalim ng programa ng employees compensation program. Hindi lamang alam ng ilan nating mga kababayang manggagawa ang tungkol dito dahil hindi ito makikita sa kanilang unang pay slip,” saad ECC MIMAROPA Information Officer 2 Albert Bantan sa Kapihan sa Bagong Pilipinas.
Ayon kay Bantan, kailangan na ipaalam ng mga employers sa mga trabahador na sila ay sakop ng mga benepisyo ng ECC na halos kahalintulad din sa Social Security System (SSS).
“Katulad sa panahon na nagkasakit, naaksidente, naputulan ng bahagi ng katawan, namatay, o kaya livelihood package na kung sakaling hindi na makabalik sa pagtatrabaho ang manggagawa dahil sa kapansanan, at iba pa ay ilan lamang sa maaaring makuha ng isang manggagagawa,” sinabi ni Bantan.
Dagdag pa ni Bantan, isa pa sa mga benepisyong maaaring makuha ay ang death benefit mula sa ECC na nagkakahalaga ng P30,000.
“Isang halimbawa rito ay kung mamamatay ang isang manggagawa sa lugar na kanyang pinagtatrabahuhan ay maaari siyang makakuha ng death benefit sa halagang P30,000 mula sa Employees Compensation Commission bukod pa sa matatanggap sa SSS na umaabot sa P20,000-P40,000,” dagdag pa ni Bantan.
Binigyan diin din niya na hindi lamang mga manggagawa ang sakop ng kanilang programa kung hindi pati na rin ang mga self-employed na kabilang sa expanded program na kanilang sinimulan noon pang Setyembre 2020.
“Ang mga tricycle drivers, jeepney drivers, pati ang mga nagtitinda sa mga tabing kalsada, at iba pang may sariling negosyo ay maaari ring magbigay ng buwanang kontribusyon sa halagang P10-P30 lamang para makamit ang mga benepisyo ng aming programa,” saad pa ni Bantan. (DN/PIA MIMAROPA-Oriental Mindoro)