“Sana makaboto ang tao, sana lahat may representative, at sana maganda future natin.”
Itinaguyod ni Senador Alan Peter Cayetano nitong Biyernes ang karapatan ng mga taga-EMBO barangay na bumoto ng kanilang kinatawan sa Kongreso.
Diin niya, hindi dapat pabayaang walang representasyon sa lehislatibo ang mga residente ng EMBO.
“It’s so heartwarming to see all of you here together with one direction and one goal na sana lahat ng tao makaboto at lahat ay may representative, at sana maganda future natin,” wika ng senador nitong September 13 sa isang pagpupulong ng barangay at city-level officials ng Taguig.
Tinalakay nila ang pinakamainam na paraan para maisama ang mga EMBO barangay sa legislative districts ng Taguig.
“The reality is it’s been a hard battle for everyone. We want better, we want best,” wika ni Cayetano.
Sa kasalukuyan, ang 10 EMBO barangay, na ayon sa Supreme Court ay bahagi ng Taguig, ay hindi pa nakatalaga sa anumang legislative district dahil hindi isinaad sa SC decision kung saang distrito sila dapat na ilagay.
Dahil dito, hindi malinaw kung sa unang distrito ng Taguig-Pateros o sa ikalawang distrito ng Taguig dapat bumoto ang mga taga-EMBO.
Magsisimula na sa October 1, 2024 ang paghahain ng kandidatura para sa halalan 2025.
“Ang sabi ng Comelec, walang problema, makakaboto kayo sa council, mayor, vice mayor, pero hindi kayo makakaboto sa congressman. Doon lumitaw ang problema,” paliwanag ni Cayetano.
Aniya, gaano man kaalanganin ang sitwasyon, hindi dapat mapagkaitan ang mga taga-EMBO ng kanilang karapatang bumoto at tumakbo sa pwesto kung kanilang nanaisin.
Mungkahi niya, “mas patas” at mas matitiyak ang karapatang ito ng mga mamamayan ng EMBO kung isasama sila sa legislative district ng Taguig, dahil hindi na sila pwedeng ibilang sa Makati alinsunod sa SC decision.
“Kailangan ang tao may tiwala sa gobyerno. And wala kang tiwala kung wala kang participation,” dagdag niya.
Kinokonsidera ng mga pinuno ng Taguig ang paglikha ng ikatlong distrito o ang pag-distribute ng 10 EMBO barangay sa dalawang umiiral na distrito. Sa pagpili, kailangan ang pagsang-ayon ng EMBO.
“Whatever you decide, let’s make sure of three things: one, that every single Taguigeño can buy into a vision for Taguig; second, that people can vote; and third, that people can run [for office],” paghimok ni Cayetano sa kanila.
“Kung sino man ang tatakbo, they will present their vision, pero it has to be a vision for Taguig, not for Lower Taguig, Upper Taguig, or EMBO. Sa Taguig, iisa lang tayo,” dagdag niya.